Friday, January 7, 2011

PNP-AFP SA LALAWIGAN NG QUEZON AT BUONG CALABARZON REGION NAKAHANDA NA

Nito lamang Martes, Jan. 4, 2011, matatandaang nahuli sina Tirso Lagoras Alcantara @ Ka Bart, miyembro ng EXECOM at pinuno ng Southern Tagalog Regional Party Committee o STRPC na may nakapatong na reward na 2.6 M at si Apolonio Del Carmen Cuarto @ Ka Poly, empleyado ng Provincial Government at residente ng Nadres St. Brgy. Ibabang Iyam, Lucena City. Ang dalawa ay naaresto malapit sa Lourdes Church, Brgy. Ibabang Iyam, Lunsod ng Lucena.

Bunsod ito ng pagkatanggap ng isang impormasyon ng 1st Special Forces Battalion bandang ala-7:00 ng gabi nang araw ding iyon ng Martes.

Kung saan isang Joint Operation mula sa mga elemento ng Provincial Intelligence Branch ng Quezon PPO, sa ilalim ng pamumuno ni Police Supt. Ramon Balauag at 3rd SF Coy, 1st SF Battalion na pinamunuan ni 1st Lieutenant Jerson Baleros, na siyang pumunta sa lugar upang ihain ang nasa 23 Warrant of Arrest na inilabas ni Judge Virgilio Alpajora ng RTC, Branch 59 ng Lungsod ng Lucena laban sa suspek.

Sa naging panayam ng DZLT Radyo Asenso kay Tiaong PNP Chief Joriz Almodiel Cantoria, sinabi niyang napaka-gandang accomplishment sa pinagsanib na pwersa ng Philippines National Police – Armed Forces of the Philippines (PNP- AFP), ang pagkakadakip ni Tirso Alcantara o Ka Bart, kung saan napag-alaman din na siyang Regional Party Committee Chairman ng Southern Tagalog Regional Party Committee o STRPC.

Mahigit umano sa 30 Warrant of Arrest ang nakahain kay Ka Bart mula sa bayan ng Tiaong, Candelaria, Sariaya at iba pang parte ng Quezon.

Si Alcantara rin ang itinuturong utak ng pagpapatakas ng ilang NPA na preso ng Quezon Provincial Jail at nang panahong iyon ay siya ang commander ng Regional Unit Gerilla ng NPA.

Dahil sa pagkakadakip sa sinabing pinuno ng NPA, inaasahan na umano ng PNP at AFP na maaaring rumesbak o gumanti ang miyembro ni Alcantara.

Kung kaya’t nagtagubilin sina Provincial Director Police Senior Supt. Ericson Velasquez at Regional Director Police Chief Supt. Pagdilao sa lahat ng Police Station at lahat ng unit ng pulisya dito sa Quezon at sa buong Calabarzon region na maging handa at pag-igtingin ang pag-iingat sa sarili o personal security at ang seguridad ng Police Station at iba pang unit.

Alerto umano ang Tiaong PNP sa pagmo-monitor at sila’y nakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines, at sa mga elemento ng Special Forces sa pagbabantay ng posibleng paglutang ng mga NPA.

Dagdag pa ni Cantoria hindi maiiwasang hindi rumesbak ang mga ito lalo’t malaking tao ang nahuli, kung kaya’t inaasahan na nila ang Retaliatory Acts o Action o anumang klaseng Violent incident para lang ipakita ang kanilang pagka-disgusto sa ginawa ng pamahalaan.

(Reported: Jan 7, 2011) DZLT