Thursday, January 31, 2013

Legarda, wagi sa Interlink Media Services Survey

Sa pinakahuling survey ng Interlink Media Services na isinagawa nitong January 14 hanggang January 19, 2013, muling nanguna si Sen. Loren Legarda.

Patuloy ang pamamayagpag ng senadora sa mga survey dahil sa sipag, tiyaga at determinasyon na magampanan ang kanyang tungkulin.

Nasa 1,600 ang naging respondents dito na mula pa sa Negros Occidental, Guimaras, Iloilo, Capiz, Aklan at Antique.


Nangunguna sa listahan si Sen. Loren Legarda na nakakuha ng 58.12%
2) si Sen Chiz Escudero (54.37%)
3) Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano (53.56%)
4) Sen. Gringo Honasan (49.37%)
5) Cong. Sonny Angara (47.62%)
6) Ex-Sen. Migz Zubiri (47.43%) na sinundan nina
7) Cong. Jackie Enrile (44.50%)
8) Cong. Jv Ejercito (43.87%)
9) Nancy Binay (43.56%)
10) Cynthia Villar (42.56%)
11) Koko Pimentel (39.18%) at
12) Sen. Antonio Trillanes (37.81%)

Bilang Chairperson ng Senate Committee on Climate Change, patuloy si Legarda sa pagsusulong ng public awareness sa epekto ng pagbabago ng klima na nagdudulot ng malalakas na bagyo, pumipinsala ng mga ari-arian at kumikitil ng buhay.

Isinusulong din niya ang pangangalaga ng kalikasan, proteksyon ng mga kasambahay, kabataan at kababaihan.


Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo) 8:30-9:00 am

Thursday, January 24, 2013

Disaster Preparedness ng mga sector ikinagalak ni Legarda

Ikinagalak ni Chair of the Senate Committee on Climate Change and United Nations Regional Champion for Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation for Asia-Pacific Sen. Loren Legarda ang isinagawang rapid deployment ng mga tent sa bansa.

Nagkaroon ng Turnover Ceremony sa Dept. of Health (DOH) mula sa French company na UTILIS, isang pribadong kumpanya na piniling mag-donate ng mga tent sa PIlipinas upang magamit sa mga emergency medical missions sa mga nawasak o  nasalantang lugar.

Ang mga nasabing tent ay gagamitin sa disaster response at management.

Ayon kay Legarda ito ay sumisimbolo sa matibay na samahan sa mga sector at mga national borders sa usaping disaster adaptation.

Pinapatunayan lamang nito na desidido tayo na makipagtulungan sa iba sa pagharap sa mga sakuna o trahedya.

Nauna na nga dito ang papuri ng senadora sa Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa pakikiisa sa pagbibigay importansiya sa climate change adaptation at environmental protection na pinangunahan ni new AFP Chief of Staff Lt. Gen. Emmanuel Bautista.


Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo) 8:30-9:00 am

Suporta sa Agrikultura hinangaan, lalawigan ng Quezon naparangalan


Dahil sa mainit na pagsuporta ni Gov. David "Jayjay" C. Suarez sa mga magsasaka at mga mangingisda ng Quezon, maraming programa at proyekto ang Serbisyong Suarez sa Agrikultura na nakahanda at ipagpapatuloy pa.

Kabilang na nga dito ang Farmers Productivity Enhancement Program na sisimulan sa programang industriya ng mais.

Layunin nito na maiangat ang kabuhayan ng mga magmamais sa lalawigan sa pamamagitan ng pagbibigay tulong tulad ng soft loan mula sa agricultural inputs, labor costs at mga subsidiya na ipagkakaloob ng Serbisyong Suarez sa agrikultura.

Ito ay bahagi ng pagpapaunlad ng buhay ng mga magsasaka tulad ng programa sa produksyon ng palay, programa sa produksyon ng gulay, prutas at iba pang mga punongkahoy ganoon din ang programa sa pangisdaan.

Bukod sa mga programang ito ay patuloy din ang pagkakaloob ng iba't ibang proyektong pangkabuhayan sa mga rural-based organization kabilang dito ang mga samahan ng mangingisda, mag-gugulay o mga magsasaka, magpa-palay, mga Rural Improvement Club (RIC) o mga kababaihan at mga Kalipunan ng mga Liping Pilipina (KALIPI) kung saan ang unang Ginang ng lalawigan na si Gng. Anna Villaraza-Suarez ang direktang tumututok sa kabuhayan ng mga kababaihan.

Dahil sa mga bagay na ito hinangaan ng iba't ibang lalawigan, rehiyon at ng International Federation of Organic Agriculture Movements (IFOAM) ang lalawigan ng Quezon bilang kauna-unahang pamahalaang Panlalawigan na sumuporta at nakapagbuo ng PGS at ginawaran ng pagkilala ang lalawigan sa isinagawang paglulunsad ng PGS Pilipinas sa UP Diliman, Quezon City kamakailan.

Ayon kay Provincial Agriculturist Officer Roberto Gajo, kinilala ang lalawigan bilang pangunahing probinsiya sa Pilipinas na nakapagbuo ng Participatory Guarantee System (PGS), isang sistema na nag-gagarantiya na ang mga organikong produkto na ani ng mga magsasaka sa Quezon ay tunay na organiko at sumunod sa teknolohiya ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng sistematikong ito ay higit na nabibigyan ng integridad ang mga produktong organiko na tinatanim ng mga magsasaka sa ilalim ng organic agricultute program ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura.


Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo) 8:30-9:00 am

Tuesday, January 22, 2013

Serbisyong Suarez para sa Kalusugan ng mga taga-Lopez Quezon

Lopez Quezon - 95 Barangay sa bayang ito ang nabigyan ng health coupon mula sa Pamahalaang Panlalawigan kung saan isa ito sa mga proyekto ng Serbisyong Suarez para sa kalusugan, kasabay ng pagdiriwang ng ika-15th Founding Anniversary ng Brgy. Kagawad Association of the Philippines (BKAP-Lopez Chapter) na binubuo ng 600 katao.

Ito ay isinagawa kamakailan sa municipal covered court ng nabanggit na bayan.

Ang lingap kalusugan na naipamahagi ay nagkakahalaga ng P2,375,000.00, kung saan tig P25,000.00 kada brgy.

Bukod sa Serbisyong Suarez Health Coupon ay ginawa na rin ang paglalagay ng bubong sa Pamilihang Bayan ng naturang munisipalidad, bilang tugon sa ipinangako ni Quezon Gov. David "Jay-jay" C. Suarez sa mga taga roon.

Sa mensahe ng Ama ng Lalawigan, sinabi niya na ang pagpaparamdam at pagpapa-abot ng mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan sa bawat isang Quezonian ang layunin ng Serbisyong Suarez at malaki ang gampaning papel ng mga opisyal ng brgy. sa pagpapatupad nito dahil higit na alam nila ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

Magpapatayo rin ng dormitoryo para sa Quezon Provincial Training Center at ilang mga Farm to Market Road na magagamit ng mga taga-Lopez Quezon.


Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo) 8:30-9:00 am

Environment-friendly campaign materials ang dapat gamitin sa Campaign Season - Legarda


Dahil sa nalalapit na Campaign Season  ng mga kakandidato sa 2013 election, hinikayat ni Chair of the Senate Committee on Climate Change and the UN Regional Champion for Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation for Asia-Pacific, Sen. Loren Legarda, ang lahat ng kandidato na gumamit ng environment-friendly campaign materials.

Tulad ng biodegradable, recycled o post-consumer materials sa tatlong buwanna pangangampanya upang maiwasan ang mga basura gaya ng plastic at styrofoam.

Pinakiki-usapan rin ng senadora ang mga campaign teams na iwasan ang pagpapako ng mga paraphernalia sa mga puno at siguraduhin na maayos ang mga waste material o mga basura nila bago sila umalis.

Aniya ang  pagkakaroon ng malinis at luntiang Pilipinas ay depende sa kung paano ito gagawin ng bawat isang Pilipino.


Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo) 8:30-9:00 am

Thursday, January 17, 2013

Legarda namahagi ng Geohazard Maps sa Pangasinan

Sa pagbisita ni Chair of the Senate Committee on Climate Change, Sen. Loren Legarda sa probinsiya ng Pangasinan kamakailan ay nakapanayam niya ang mga lokal na komunidad at mga magsasaka roon.

Bukod sa pamamahagi ng geohazard maps sa mga munisipalidad doon ay nagsagawa rin ng public briefing sa pagamit at implementasyon ng nasabing mapa.

Pinangunahan din ng Senadora ang pagtu-turn over ng knapsack sprayers at fertilizer para sa produksyon ng mais o corn production programs sa Mangaldan at sumama rin  siya sa mga magsasaka sa Pozorrubio Farmers’ Night.

Nais umano niyang maging produktibo ang kanyang pagbisita sa mga probinsiya lalo na sa paraan ng pagbibigay ng kaalaman sa ating mga kababayan tungkol sa disaster resilience at pagbibigay sa kanila ng mga kagamitan na sisiguro na magiging handa sila sa kakaharaping panganib.

Dagdag pa ni Legarda, Kailangang maihanda ng mga local government ang mga komunidad sa mga disaster, sa pamamagitan ng ipinamahaging geohazard maps, habang ang sector ng agrikultura naman ang tinatamaan ng epekto ng climate change, kung kaya naman dapat mabigyan ng tamang impormasyon at kagamitan na magagamit upang maka-adopt sa epekto ng global warming.

Dahil sa hindi na nga biro ang epekto ng climate change dahil sa pag-init ng mundo, maging ang ating mga kasundaluhan ay handa na rin sa paglaban sa mga kalamidad. Ayon sa ulat lalahok ang Armed Forces of the Philippines sa climate change summit ngayong 2013.



Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo) 8:30-9:00 am

TB Control sa Lalawigan ng Quezon sinimulan na


Ang TB o ang Tuberculosis nga ay isa sa mga sakit na nagiging sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino.

Ito ay  nagmumula sa mikrobyo na kung tawagin ay “mycobacterium tuberculosis”, ang mikrobyong ito ay mula sa plemang nagmula sa baga ng  maysakit, hindi ito katulad ng ordinaryong sipon at ubo sapagkat  ito ay sanhi ng bacteria na hindi gumagaling nang walang tamang gamutan.

Dahil sa binibigyang importansiya ni Quezon Gov. David “Jayjay”Suarez ang kalusugan ng bawat mamamayan ng Quezon katuwang ang Serbisyong Suarez para sa Kalusugan ay ikinatuwa niya ang  pakikipag-ugnayan sa pamahalaang panlalawigan ng mga bumubuo ng   “Innovations and Multisectoral Partnerships to Achieve Control of TB" (IMPACT) para sa pagsugpo ng sakit na tuberculosis o TB.

Layunin nito na mapalakas  ang programa  sa pagsugpo ng naturang sakit. Base sa kanilang pag-aaral ay ika-siyam  ang Pilipinas sa buong mundo na may mataas  na kaso  ng TB at ika-anim naman sa nagiging sanhi  ng  pagkamatay  ng  mga Pilipino.

Ito ang bagong sinusuportahang TB Control Project  ng  USAID sa loob  ng  limang taon simula noong October 2012 hanggang September 2017, ayon kina Dr. Jocelyn Cabarles at Dr. Karen Dalawangbayan, kasunod na proyekto, pagkatapos  ng  “Linking Initiatives and Networking to Control TB(TB LINC).

Ayon kay NTP Medical Coordinators, Dr. Erlinda Plotria ng Chest Clinic, sisimulan ang naturang programa sa pamamagitan  ng  pagsasagawa  ng  situational analysis sa Feb. 25 –Feb. 28, 2013 sa buong lalawigan at magkakaroon  ng  overall TB assessment na magiging basehan  ng  kinakailangang intervention at prioritization  ng  isang lugar.

Ang IMPACT ay pinamamahalaan ng Philippine Business for Social Progress (PBSP), non-government organization na nagkakaloob ng technical assistance sa National TB Control Program.

Sa tulong ng Provincial Health Office (PHO) sa pamumuno ni Dr. Agripino Tullas at  ng  National Tuberculosis Program (NTP) Medical Coordinators, sa pamumuno ni Dr. Erlinda Plotria  ng  Chest Clinic, at pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ng Ama ng lalawigan ay ibibigay ang buong suporta at ipagkakaloob ang lahat ng kakailanganin upang maging matagumpay ang naturang programa.

Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo) 8:30-9:00 am

Wednesday, January 16, 2013

Turn-over ng Provincial Director at Ground Breaking Ceremony isinagawa sa Camp. Guillermo Nakar, Lucena City


Isinagawa kahapon ang pormal na pagpapalit ng Provincial Director ng Quezon PNP sa Camp Guillermo Nakar, Lucena City dakong alas-10:00 mg umaga sa pamamagitan ni PCSUPT ABNER DIMABUYU na Deputy Regional Director for Administration ng PRO4A sa pagitan nina PSSUPT VALERIANO T DE LEON na pinalitan ni PSSUPT DIONARDO BERNARDO CARLOS bilang bagong Provincial Director ng Quezon PPO.

Ipinakita ni PSSUPT DE LEON sa mga dumalo ang Accomplishment Report ng Quezon PPO sa loob ng kanyang panunungkulan na umabot ng siyam (9) na buwan at pagkatapos ay pinirmahan na nito ang Relinquishment of Office.

Samantala hinimok naman ng bagong Provincial Director na si PSSupt Carlos ang lahat ng hepe ng kapulisan na ituon ang pansin sa loob ng anim (6) na buwan, sa panahon ng halalan upang masiguro ang ligtas at payapang halalan na walang pagkiling o pabor sa sinumang kandidato.


Aniya dito muna tututok ang kanyang pamumuno at pagkatapos ay ilalahad niya ang kanyang magagandang plano para sa kanyang mga kababayan sa lalawigan ng Quezon.


Nag-iwan rin siya ng mga katagang “SERBISYONG MAKATOTOHANAN NA MAY PUSO PARA SA AKING MGA KABABAYAN”.

Bago ang naturang seremonya ng pagpapalitan ng Provincial Director ay nagsagawa muna ng Ground Breaking ng itatayong P1.8Million na 3-storey Multi-Purpose Building sa likod ng QPPO Headquarters.

Ang proyektong ito ay sinimulan ni PSSupt.  Valeriano T.  De Leon at inaasahang matatapos sa pamumuno ng bagong PD na si PSSupt. Dionardo Bernardo Carlos.

Magsisilbi umano itong tuluyan ng mga kapulisan at panauhin lalo na iyong mga manggagaling sa malalayong bayan sa Quezon.


Menor de edad labing apat na beses hinalay


Sariaya, Quezon - Natuldukan na nga ang pangdedemonyo ng isang Valeriano Magtibay alias “Val” sa isang 14 year old highschool student, makaraang malaman ito ng ina ng biktima at nai-report sa pulis.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Maricris Claveria, WCPD PNCO at sinumpaang salaysay ng di na pinangalanang biktima, simula noong Sept. 21, 2012 hanggang Jan. 5 ng taong kasalukuyan ay pwersahan siyang hinalay ng suspek habang sila ng kanyang kapatid ay nasa bahay ng kapatid nitong si Maxima Madeline Magtibay, sa Sitio Rasak, Brgy. Manggalang ng naturang bayan.

Hindi umano makapagsumbong ang biktima dahil sa tinatakot siya na papatayin pati na ang kanyang pamilya.

 Nai-report lang nga ang nasabing insidente ng mismong ang ina ng biktima ang naka-alam nito.

Nahaharap sa Criminal Complaint for (14 Counts) Rape in Relation to RA 7610 ang suspek at nasampahan na nga kahapon ng kaso sa Office of the Provincial Prosecutor, Lucena City

Jollibee nagkaloob ng Playland sa Perez Park


Bilang suporta sa programa ni Quezon Governor David “Jayjay” C. Suarez na mapaganda ang Perez Park, ipinagkaloob ng Jollibee sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang Playland na may sukat na 14x18 meters, kasabay ng pagdiriwang nito ng ika-35th  anniversary.

Isinagawa ang formal turn-over ng naturang playland noong Jan. 14, 2013 sa flag ceremony na pinangunahan ng Provincial Governor’s Office.

Ayon sa OIC ng Jollibee Candelaria na si Jonathan Ladera, suporta ito sa programa ni Governor Suarez na mapaganda ang Perez Park, kung saan magsisilbi itong atraksyon sa mga bata upang maayos na makapaglaro.

Samantala sinabi ni Provincial General Services Officer (PGSO) Engineer Rowell Radovan na makakaasa ang mga Quezonian na mapangangalagaan ng Pamahalaang Panlalawigan ang ipinagkaloob na Jollibee Playland sa Perez Park. 

Nagpasalamat din ito sa suporta ng Jollibee upang mapaganda ang nasabing palaruan.

Tuesday, January 15, 2013

Dahil sa depresyon isang lalaki nagpakamatay


Lucena City - Dahil sa depresyong nararanasan, piniling kitilin ng isang Elisor Capoquia Pasamba ang kanyang buhay sa Purok Maganda, Brgy Gulang-Gulang.

Ayon sa ulat ng Lucena PNP, ala-sais ng umaga kahapon ng matagpuang wala ng buhay ang biktima habang nakabitin ito sa pamamagitan ng kable na nakapulupot sa kanyang leeg.
Ayon sa mga kapit-bahay nito, madalas na umano itong nakikitang lasing at laging balisa bago nagpakamatay, nagsimula umano ito ng iwan ng kanyang asawa at mga anak. 

Sumailalim sa isang post mortem examination ang labi ng biktima upang malaman ang totoong sanhi ng kanyang pagkamatay.

Geohazard Maps ipinamamahagi na, Kabataan mahalaga ang papel sa pagprotekta ng kalikasan


Bunsod ng kinakaharap na mga natural disaster o mga kalamidad, patuloy ang isinasagawang programa at pagsasatupad ng mga batas na may kaugnayan sa pangangalaga ng kalikasan.
Bilang Chair of the Senate Committee on Climate Change pinangunahan ni Sen. Loren Legarda ang pagbibigay ng Life Saving Information sa pamamagitan ng Geohazard Briefings at pamamahagi ng mga Geohazard Maps.

Nauna na ngang napamahagian ng nasabing mapa ay ang local officials ng  Compostela Valley at Davao Oriental, at ngayon ay sa mga munisipalidad ng Pangasinan naman tutungo si Legarda.

Life-saving information ngang maituturing ang nasabing mapa dahil ipapakita nito ang mga ligtas at di-ligtas na lugar.

Sa pamamagitan nito ay maraming buhay ang maililigtas at maraming ari-arian ang maiiwasang masira.

Idinagdag din ng senadora ang kahalagahan ng mga kabataan sa pangangalaga ng kapaligiran.

Aniya dapat sa murang edad pa lamang ay mamulat na ang mga ito sapagkat sila rin ang makikinabang, magmamana at magpapatuloy sa pangangalaga at pagprotekta ng kalikasan.
Asahan na nga na tuloy-tuloy na ang kampanya sa Luntiang Pilipinas.


Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo) 8:30-9:00 am

Lalaki arestado sa panunuhol ng pulis


Arestado ang isang lalaki dahil sa panunuhol nito sa pulis matapos walang maipakitang kaukulang dokumento sa dala nitong mga Coco Lumber.

Alas-2:00 kahapon habang nagpapatrolya ang mga pulis sa pamumuno ni PO3 Alex Berbano ng mamataan nila ang isang pampasaherong jeepney na may plakang DCE 487 sa Brgy. Ibabang Iyam, malapit sa Tourist Hotel lulan ang tatlumpo’t limang (35) piraso ng Coco Lumber.

Nang hanapan nila ng kaukulang dokumento ang driver na nakilalang si Jobel Abanilla Abas, 30 taong gulang na taga Tayabas City ay wala itong naipakita bagkus ay tinangka nitong suhulan ng halagang limandaang piso (P500.00) ang mga pulis kung kaya naman agad itong inaresto.

Nahaharap sa mga kasong “Corruption of Public Official at paglabag sa Coconut Preservation Act o RA 8048 si Abas, habang ang nakumpiskang mga Coco lumber ay nasa pangangalaga na ng Philippine Coconut Authority o PCA.

Sa ngayon ay nakapiit na ito sa Lucena City Lock-up Jail.

Monday, January 14, 2013

PREPAREDNESS hindi RESPONSE ang kailangan -- Legarda


Nanawagan si Sen. Loren Legarda na maging handa at hindi responsible sa panahon ng kalamidad.

Dahil sa palaging pagbabadya ng natural disasters sa atin marapat lamang umano na pag-ibayuhin ang Disaster Risk Reduction and Management pati ang pagpapaigting ng disaster preparedness.

Mas mabuting maging handa bago pa man dumating ang mga di inaasahang kalamidad, upang maiwasan ang pagbubuwis ng buhay at pagkasira ng maraming mga ari-arian.

Iba na umano yung prevention at kahandaan bago pa man may mangyaring trahedya, kung kaya dapat mabigyang kaalaman ang mga tao lalo na ang mga private citizens, business community at higit sa lahat ang sector ng mga kabataan.

Nagbitaw na sa kanyang tungkulin si National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) executive director Benito Ramos



Friday, January 11, 2013

BAGONG PROVINCIAL DIRECTOR NG QUEZON NANUNGKULAN NA


Matapos alisin ni Secretary Mar Roxas ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa pwesto si dating Quezon Provincial PSSupt. De Leon ay pormal nang nanungkulan ngayong araw ang pumalit dito na si PSSupt. Dionardo B. Carlos, matapos ang madugong engkwentro ng mga pulis at mga hinihinalang “Gun for Hire” na ikinasawi ng labingtatlong (13) katao sa Atimonan, Quezon.

Sa unang araw ng panunungkulan ni PD Carlos ay agad nitong tinipon at pinulong ang lahat ng mga hepe ng pulisya at mga opisyal ng Quezon PPO upang ibigay ang kanyang mga paunang utos at tagubilin.

Sinabi niya na huwag magpaapekto sa isyu ng nangyari sa Atimonan Quezon, bagkus ay pagbutihin ang kanilang serbisyo sa kanilang nasasakupan at anumang problema sa bawat himpilan ng kapulisan sa lalawigan ng Quezon ay agad na ipaalam sa kanya upang kaagad na masolusyonan.

Bukod sa mga tagubilin ay nagbigay din siya ng mga guidelines sa ligtas at maayos na halalan. 

Thursday, January 10, 2013

‘BEST SCHOOL FOREST PARK’ PARARANGALAN


Bilang Chair of the Senate Committee on Climate Change at founder of Luntiang Pilipinas, nagagalak si Sen. Loren Legarda, dahil ang mga kabataang estudyante na sa mura nilang edad, ay marunong ng magpahalaga at mangalaga ng kalikasan.

Isa na nga dito ay sa pamamagitan ng pakikiisa ng mga estudyante sa “School Forest Park Program”.

Ang naturang programa ay alinsunod sa itinatag na “Luntiang Pilipinas Foundation” ni Legarda, na walang sawa sa paghikayat ng tree-growing activities o pagtatanim ng mga puno sa lahat ng parte ng bansa at sa pagbibigay kaalaman sa kahalagahan ng mga punong kahoy sa atin.

Nagpasalamat ang senadora sa Department of Education (DepEd) sa pakikipag-ugnayan nito sa Luntiang Pilipinas, sa pagpili ng Best School Forest Program, kung saan nabibigyan din ng oportunidad ang mga kabataan na makilahok sa pangangalaga ng kapaligiran.

Magbibigay ng dalawampung computer units sa lahat ng 16 regional winners para sa Computer laboratory sa kanilang mga eskwelahan at sa limang national finalist ay magbibigay ng tropeyo, habang ang mapipiling national winner naman ay makakatanggap ng plaque at P1,200,000 para sa bagong school building.

Ibabase ang paghusga sa mananalo sa bilang ng mga puno o binhi na itinanim base sa sukat ng lugar, sustainability ng forest park, creativity at aesthetic, gayundin ang community involvement in planning at supervision of the forest park.

Magkakaroon ng awarding sa pormal na seremonya sa DepEd’s Bulwagan ng Karunungan.

 Hiling lang ni Loren na kahit naparangalan na ang mga nanalo ay ipagpapatuloy nito ang kanilang School Forest Program.

Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo) 8:30-9:00 am

Wednesday, January 9, 2013

PROTEKSIYON SA MGA ENVIRONMENTAL OFFICER AT KALIKASAN DAPAT PAIGTINGIN


Dahil sa pagkakapatay ng isang Community Environment and Natural Resources Officer (CENRO) Forester na si Alfredo Almueda, binatikos ni Sen. Loren Legarda ang mga local governments sa buong bansa.

Binaril si Almueda noong Jan. 1, 2013, habang tinutupad ang kanyang tungkulin, 

isang tip ang natanggap nito tungkol sa isang truck na naglalaman umano ng mga illegal lumber na ibabyahe palabas ng kanyang area of responsibility sa Quirino Province.

Dahil dito nanawagan ang senadora sa lokal na pamahalaan na paigtingin ang seguridad ng mga environment officers na tapat na ginagawa ang kanilang tungkulin.

At bilang Chair of the Senate Committee on Climate Change at founder of Luntiang Pilipinas. Binigyang diin ni Legarda ang kaugnayan ng mga illegal loggings sa nangyayaring sakuna o mga environmental disaster.

Tulad na lamang ng nangyaring sakuna sa Cagayan de Oro at Iligan noong 2011, kung saan isang malaking operasyon ng illegal logging ang naging dahilan.

Dagdag pa ni Legarda, Strong Political will ng National at Local government sa pagprotekta at pagsasa-tupad ng mga batas tungkol sa environmental protection ang dapat umiral.

Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo) 8:30-9:00 am

Tuesday, January 8, 2013

LEGARDA KINONDENA ANG MGA PAGPASLANG SA MGA MEDIA AT ENVIRONMENTAL ADVOCATES


 Kinondena ni Sen. Loren Legarda ang mga nai-ulat na human rights violation sa mga miyembro ng media at environmental advocates na tahasan na ngang nangyayari sa bansa.

Ayon sa ulat ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) simula noong taong 2001, 56 na manananggol ng kalikasan o environmental advocates ang napatay.

Kabilang na dito ang pagpaslang kina: forest guard Elpidio “Jojo” Malinao, Italian missionary Fr. Fausto Tenorio, Dr. Gerry Ortega, Leonard Co, Willem Geertman, at Gilbert Paborada. 

At ngayon,sa pagsalubong ng Bagong taon, ang pagpatay kay Quirino province community environment and natural resources officer, Alfredo Almueda, habang nirerespondehan ang isang tip tungkol sa isang truck na may karga umanong illegal lumber na ilalabas sa kanyang area of responsibility.

Samantala, ayon naman sa Committee to Protect Journalists (CPJ) nasa 73 journalists ang kumpirmadong pinatay simula noong taong 1992.

Ayon kay Legarda nakakabahala ang ganitong human rights violations, kung saan patuloy ang pagpatay sa mga taong nagsusumikap at ibinubuwis ang kanilang buhay para lamang maproteksyonan ang ating kalikasan at kababayan.

Dahil dito patuloy na isinusulong ng senadora ang pagpasa ng Bill to qualify the killing of members of broadcast and print media in the performance of their duties as a crime of murder.

Sa kasalukuyan ay nakabitin pa sa ikalawang pagbasa sa Senado ang naturang batas.
Ipinaramdam din niya sa mga naulilang pamilya ng mga pinatay na journalist, media practitioner at environmental advocates ang kanyang simpatya.

Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo)  8:30-9:00 am

Monday, January 7, 2013

Gun Owners maging responsable sa kanilang baril


Dahil sa sunod-sunod na insidente ng pamamaril sa pagsisimula pa lamang ng taong 2013 gamit ang illegal na baril, sinabi ni Sen. Loren Legarda na  kailangang higpitan ang gun control reforms at siguraduhin na walang makakalusot na loose firearms.

Aniya dapat ang mga unipormadong pulis o militar lamang ang dapat payagang magdala ng baril.

At kung may lalabag man ay dapat mapatawan ng karampatang parusa.

Ayon sa datos ng PNP, liban sa 1.2 milyong rehistradong baril ay may 600,000 pa ang baril na hindi rehistrado sa buong bansa.

Sa kasagsagan nga ng pagdiriwang ng bagong taon ay dalawang bata ang namatay dahil sa tama ng ligaw na bala.

Isang 4-anyos na batang lalaki ang napatay ng barilin ng sumpak ng isang lalaki sa Mandaluyong City, samantalang isang 7 taong gulang na batang babae naman ang binawian ng buhay matapos tamaan ng ligaw na bala sa kanyang ulo.

Nakilala ang bata na si Stephanie Nicole Ella ng Caloocan City, napag-alaman na bala ng cal. 45 ang nakuhang bala sa katawan ni Nicole.

Nagparating naman ng pakikiramay si Legarda sa pamilya ng naulila ng batang babae at nanawagan sa mga gun owners na maging responsible, sapagkat sa maling paggamit nila at pagpapaputok ng baril ay may mga inosenteng buhay ang nadadamay na kadalasan ay ang mga bata ang nagiging biktima.

Base sa inisyal na report ng Philippine National Police (PNP), isa si Nicole sa 40 katao na natamaan ng stray bullets noong pagsisimula pa lamang ng taong 2013.

Friday, January 4, 2013

Minor at Major Surgical Mission hatid sa probinsiya ng Quezon

Nagtala ng 32,637 na katao ang nakinabang sa libreng medikal at 5,878 katao sa dental mission na hatid ng Serbisyong Suarez para sa kalusugan.

Isa ang Bondoc Peninsula District Hospital sa matagumpay na nakapagsagawa ng libreng Major Surgical Mission na nagtala ng 196 katao, kung saan 101 ang nabigyan ng minor surgery at 95 naman ang nabigyan ng major surgery.

Katuwang sa misyong paglilingkod na ito ang grupo ng manggagamot buhat sa Manila Adventist Medical Center (MAMC) sa pamumuno ni Dr. Archie La Madrid. Ayon sa kanya kasiyahan ng kanilang grupo ang makapag-lingkod sa kapwa na kada taon nilang isinasagawa sa pamamagitan ng imbitasyon ng pamilya Suarez.

Pahayag naman ni Quezon Gov. David "Jayjay" C. Suarez, makakaasa ang mga mamamayan ng Quezon sa  hatid na serbisyo ng Pamahalaang Panlalawigan, lalo na nga sa programang pangkalusugan.