Friday, October 31, 2014

TUMBAGA 1 DETOUR ROAD APEKTADO NG PAG-ULAN SA SARIAYA QUEZON

Malubak, maalikabok at maputik kapag umuulan, yan ang karaniwang naririnig sa mga pasahero at drivers na dumadaan sa kalsada patungo at paglabas ng Tumbaga Detour Road.

Dahil sa pag-ulan sa mga nakalipas na araw sa bayan ng Sariaya Quezon lalo pa nitong pinahirapan ang mga bumabyahe dito.

Bagama’t naiibsan ang alikabok kapag nababasa ang naturang kalsada, lumalambot naman ito.




Bukod sa bitak-bitak na ang mga sementadong daan, ang mga lupa pa ang kalsada ay kapansin-pansin ang paglambot at ang paglalim dahil sa sunod-sunod at maya’t mayang nagugulungan o nadadaanan ng mga gulong ng mabibigat na sasakyan (heavy vehicles).

Ika nga ng mga tao maaari ng pagtampisawan ng mga bata ang mga ukab ng kalsada kapag umuulan dahil sa mala mini pool na ang itsura nito.


Kaya naman pinag-iingat ang mga dumadaan dito lalo na at naka-motor


Reported by: Jen-jen Oblefias

Wednesday, October 29, 2014

QUEZON RESERVED ARMY MAKIKIISA SA PAGBABANTAY SA UNDAS



Bukod sa mga boluntaryo mula sa iba’t ibang grupo at ahensya magiging katuwang rin ng Quezon Provincial Police ang Quezon Reserved Army sa darating na undas.

Kasama ang ilan pang mga volunteers mula sa Bantay ng Bayan, Brgy. Tanod, Philippine Guardian Brotherhood (PGBI), Police Hotline Movement Inc. (PHMI), Philippine Anti-Crime Org. International Inc., Kabalikat Civicom, mga Medical Personnel mula sa City Health Office at mga First Aiders.

Matatandaang aktibo ring nakilahok nitong nakaraang taon ang mga reservist sa pagbabantay noong undas 2013.

Sa ngayon ay isang grupo ang ilalagay sa Pagbilao Quezon at ang isa ay sa Lucena City.

Hahatiin ito sa mga designated areas tulad ng Motorist Assistance Center (MAC), Public Assistance Center (PAC), loob at labas ng sementeryo, pagsasa-ayos ng trapiko (traffic management) at pagpapanatili ng Peace and Order katuwang ng kapulisan sa nasabing araw.



Reported by: Jen-jen Oblefias

Tuesday, October 28, 2014

QUEZON PULIS NAGBIGAY NG TIPS UPANG MAKAIWAS SA KRIMEN AT SAKUNA SA UNDAS

Nagbigay ng tips at ilang paala-ala ang mga kapulisan upang maka-iwas sa krimen o anumang sakuna sa paggunita ng araw ng mga patay.

Sa araw ng Undas at sa pagdalaw sa sementeryo dapat tandaan ang mga sumusunod:

I.              Kung iiwanang walang bantay sa bahay

ü  Dapat ikandado ang pinto at bintana, tiyakin na walang dadaanan ang sinumang magtatangkang magnakaw, mainam na maglagay ng alarm para maalerto ang mga kapitbahay
ü  Ipagbilin sa pinagkakatiwalaang kapitbahay ang inyong bahay at ipaalam kung kalian kayo babalik.
ü  Tiyakin din na walang naiwan na nakasinding kandila, bukas na electric o gas stove, tumutulong tubig ng gripo o naka-plug na appliances.
ü  Iligpit ang anumang mahalagang bagay o pag-aari sa labas ng bahay na maaaring nakawin tulad ng mga damit sa sampayan, bisikleta o sasakyan.

II.            Kung magbibyahe naman at magdadala ng sariling sasakyan

ü  Tiyakin na maayos at walang problema ito bago bumyahe
ü  Tandaan ang BLOWBAG (Battery, Light, Oil, Water, Brakes, Air, Gas)
ü  Dapat kumpleto ang mga dokumento at papeles na dala
ü  Tiyakin na naka-safety lock ang mga pinto at binatana ng sasakyan
ü  Sa pagmamaneho tiyakin na laging kontrolado ito, iwasan ang one hand driving o paggamit ng cellphone
ü  Huwag magmaneho ng naka-inom.

III.           Kung gagamit ng Pampublikong Sasakyan

ü  Iwasan ang pagsu-suot ng mga mamahaling alahas, pagdadala ng malaking halaga ng pera at maraming gamit para maiwasan ang pagkawala ng mga ito at para hindi mahirapan sa byahe.
ü    Ingatan ang mga cellphone at appliances na malimit dalhin tuwing undas
ü  Mainam na maging maaga sa istasyon ng sasakyan sa terminal, pier o paliparan upang maiwasan ang siksikan at makakuha ng maayos na pwesto lalo na para sa kababaihan, bata at senior citizen
ü  Kung may napapansin na kahina-hinala sa paligid o kaduda-dudang kilos ng tao, palihim na ipaalam ito sa kina-uukulan.
ü   Mag-ingat sa mga mandurukot.
ü  May mga nakatalagang Police Assistance Post sa mga istasyon, pier o paliparan na maaaring pagsumbungan.

IV.          Kapag nasa loob  ng sementeryo

o   Magdala ng sapat na pagkain at tubig inumin. Magdala rin ng pananggalang sa init at ulan.
o Bawal ang alak, pagdadala ng mga deadly o bladed weapons, mga malalakas sa loud speakers at mga gamit pang-sugal.
o  Bantayan ang mga gamit, payuhan ang mga kasamang bata na huwag pagala-gala
o    Tiyakin na ang sinindihang kandila ay di makakalikha ng sakuna o sunog
o    Panatilihing malinis ang kapaligiran, magdala ng sariling trash bag.
o   Dapat ring alamin ang lugar ng First Aid Station at PNP Assistance Booth para sa emergency o police assistance at

o     Kung maglalamay tiyakin na ang kapaligiran ay ligtas sa krimen at sakuna.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Thursday, October 23, 2014

KARAPATANG PAMBATA PINAHAHALAGAHAN NG QUEZON PROVINCIAL POLICE

Dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng rape incident sa probinsya ng Quezon, mas pinaiigting ng Quezon Provincial Police ang pagpapatupad ng mga batas para sa mga karapatang pambata tulad ng Republic Act No. 10175 na mas kilalang Cybercrime Prevention Act of 2012 at ang Anti-Child Pornography Act (RA 9775) na nasa ilalim ng RA 7610. Layunin nito na maproteksyonan ang mga karapatang pambata.

Ilan ito sa mga tinalakay sa seminar ng 22nd National Children’s Month na may temang “Bata Kasali Ka, Ikaw ay Mahalaga”.

Ang aktibidad na ito ay sinusuportahan at isinasagawa ng Quezon Provincial Police katuwang ang Local Government Units ng mga bayan at munisipalidad sa Lalawigan ng Quezon.


Reported by: Jen-jen Oblefias

IBA’T IBANG AHENSYA AT GRUPO HANDA NA SA DARATING NA UNDAS

Isang linggo bago ang undas, sinimulan na ng Quezon Provincial Police ang pagpaplano sa re-routing at deployment ng mga tauhan nila katuwang ang ilang ahensya o grupo sa Public Assistance Center (PAC) at Motorist Assistance Center (MAC).

Ang Oplan Kaluluwa 2014 ng kapulisan ay layuning magkaroon ng kaayusan, gaya ng pagkakaroon ng traffic management and control, re-routing of vehicles, parking areas at Loading and Unloading Zone.


Bukod sa kapulisan nariyan rin ang mga boluntaryo mula sa Kabalikat Civicom.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Wednesday, October 22, 2014

MGA MAMAMAYANG NAKATIRA MALAPIT SA DETOUR ROAD SA SARIAYA QUEZON DUMADAING NA RIN

Sariaya Quezon – Hindi lang ang usad pagong at katagalan ng trapik ang inirereklamo, bukod sa daing ng commuters at drivers sa layo ng detour road at lubak sa kalsada, maging ang mga taong naninirahan doon ay dumadaing na rin.









Sa bahagi ng Brgy. Tumbaga 1, kapansin-pansin na ang pagkasira ng kalsada dahil sa dami ng mabibigat na sasakyan na dumadaan.



Hindi lang ang alikabok ang pumupulbos sa mga mukha ng mga kababayan natin doon kundi pati na rin ang maitim na usok na nagmumula sa tambutsyo ng ilang sasakyan.



Ganito ang scenario sa Mamala 2, takot din sa mga magulang ang namamayani lalo na at may mga bata na maaaring madisgrasya sa naturang lugar. 

Nagbabadya pa ang pagkasira ng maliit na tulay dito, may lumalambot din na bahagi ng lupa kapag nababasa ng ulan.








Maging ang mga tricycle driver humihina na rin ang pasada, dahil ang mga mananakay doon ay hindi na napunta sa kahabaan ng maharlika highway upang sumakay ng jeep o bus dahil mismong sa lugar na nila na-ikot ang mga sasakyan.











Reported by: Jen-jen Oblefias

TUMBAGA 1 DETOUR ROAD (Pictures)










Brgy. Tumbaga 1, Sariaya Quezon


         Inside the Detour Road

    






Photos by: Jen-jen Oblefias

Thursday, October 16, 2014

MGA ANCESTRAL HOUSE AT LUMANG GUSALI, MAAAPEKTUHAN NG ROAD WIDENING SA BAYAN NG SARIAYA QUEZON

“Protektahan ang mga lumang bahay at istraktura sa bayan ng Sariaya Quezon”, yaan ang panawagan at gustong mangyari ng mga sariayahin na manatili ang mga pamana ng sinaunang henerasyon.

Kaya naman sa isinasagawang road widening sa naturang bayan, pinangangambahan ang pagkasira ng mga ancestral houses at iba pang lumang gusali.

Ilan sa mga ito ay ang Don Natalio-Enriquez Ancestral House na ginawa noong 1931 ng arkitektong si Andres Luna De San Pedro, anak ng dakilang pintor na si Juan Luna. May 14, 2008 ng idineklara itong heritage house ng National Historical Institute.

Maging ang heritage park at ang munisipyo ng Sariaya na itinayo noong 1931 at ang Patio ng St. Francis of Assisi Church na nasa tapat nito na noong 1748 pa nakatatag dito ay nanganganib ring masira.

Una na ngang natamaan ang pampublikong sementeryo dito na tinatayang nasa isang daan (100) taon na.

Hindi rin nakaligtas ang heritage kalachuchi tree na ayon sa pagsasaliksik ng sariaya heritage institute ay piping saksi sa mga nangyaring digmaan.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Wednesday, October 15, 2014

MGA KATANGIAN UPANG MATAMO NG LGU ANG SEAL OF GOOD LOCAL GOVERNANCE, INILAHAD NI LUCENA CITY COUNCILOR BRIZUELA

Sa prebilehiyong pananalita ni Lucena Councilor Benny J. Brizuela sa ginanap na sesyon sa Sangguniang Panglunsod ng Lucena kamakailan ay kanyang sinabi, na ang kahusayan sa paggamit ng pondo, pagsunod sa regulasyon ng paggamit nito at maging ang pagiging transparent ng local government unit ay hindi sapat upang matamo ng isang lokal na pamahalaan ang tinatawag na Seal of Good Local Governance (SGLG).

Aniya higit na mahalagang maipamalas ang mahusay na performance sa iba pang areas na direktang nakikinabang ang mga mamamayan.

Ang mga katangian na dapat maipasa ng isang LGU na gagawaran ng SGLG ay tatlong bagay, una na nga ang Good Financial Housekeeping o maayos na pananalapi, ikalawa ang Disaster Preparedness o paghahanda sa sakuna at ikatlo ang Social Protection o sensitibo sa sektor na mas higit na nangangailangan, tulad ng katutubo, may kapansanan, kabataan at iba pa.

Bukod pa dito kailangan din na maipamalas, kahit isa sa mga katangian gaya ng Business-Friendliness and Competitiveness o bukas na pamumuhunan para sa pagdami ng negosyo at trabaho, okaya naman ay Peace and Order o pagpapanatili ng ligtas at mapayapang pamayanan at panghuli ang Environmental Management o pangangalaga sa kalinisan at kapaligiran.



Reported by: Jen-jen Oblefias

Tuesday, October 14, 2014

LUCENA CITY COUNCILOR NOCHE NAGPA-ALALA SA MGA SAKIT NGAYONG KAPASKUHAN

Ngayong pumasok na nga ang Christmas Season, isang mahalaga at napapanahong paalala na ang mga pagkaing inihahanda sa mga Christmas parties, Noche Buena at Media Noche ay mayaman sa cholesterol na nagdudulot ng “Highblood Pressure”.

Kaya naman sa prebilehiyong pananalita ni Lucena City Councilor William Noche sa ginanap na sesyon sa Sangguniang Panglunsod ng Lucena, sinabi niya na isa sa kanilang tungkulin ang magbigay ng impormasyon, babala o paalala sa tao.

Aniya ang Local Government Code ay nagtatadhana na ang mga lokal na pamahalaan ay mag-provide ng health services.

Sa pagtatapos ni Noche kanya ring sinabi na ang mga impormasyong medikal na kanyang nabanggit ay mula sa pagsasaliksik ng representasyon na ang tanging hangad ay ibigay lamang ang kaunting kaalaman at mabuting sumangguni sa mga Health Professionals para sa mas malawak na pang-unawa.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Monday, October 13, 2014

ELDERLY MONTH IPINAGDIRIWANG NGAYONG BUWAN NG OKTUBRE

Kung meron nga tayong selebrasyon para sa ating mga kabataan, meron din naman tayong “Elderly Month Celebration” sa buwang ito ng Oktubre.



Isa ang grupo ng Senior Citizens Federation ng bayan ng Sariaya Quezon, na masiglang nagdaraos taun-taon ng ganitong programa na nagmula sa 43 barangay kung saan may mga panauhing pandangal mula sa Punong Bayan, Municipal DSWDO at iba pa.

Kamakailan nga lamang ay ipinagdiwang ng mga lolo at lola ang Senior Citizen’s Week na may temang: “Ang Nakakatanda ay yaman, katuwang sa pag-unlad ng bayan kaya’t dapat pangalagaan kanilang kapakanan.”

Dito nagkakaroon ng Pampasiglang Bilang, Paligsahan ng Sayaw at Paggawad ng Gantimpala sa mananalong kalahok na sya namang kinasasabikan ng mga nakatatanda.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Saturday, October 11, 2014

SARIAYA HERITAGE APEKTADO NG ROAD WIDENING

Bukod sa trapik sa kahabaan ng Sariaya road na nararanasan simula ng gawin ang tulay ng Quianuang Bridge at road widening, namimiligro rin ang mga heritage houses sa bayan ng Sariaya Quezon.




Ito ang malaking isyu ngayon na pinag-uusapan ng mga sariayahin at maging sa social media ay binabatikos.

Ayon sa ilan, hindi dapat binabago ang istraktura ng mga lumang establisyemento o lumang gusali dahil ito ang nagpapa-alala ng kasaysayan na nakikita ng mga sariayahin maging ang mga nagpupunta dito.

Pati ang mga mananakay o bumabyahe na dumaraan sa bayang nabanggit.

Ika nga ng ilan "Ang pagbabago ay bahagi ng pag-unlad pero maaaring umunlad ng hindi binubura ang mga palatandaan ng mga nakalipas na panahon".

Ito rin ang pananaw ng Presidente ng Sariaya Heritage Council (SHC) na si Ginoong Danny De Luna, aniya "Sana maliwanagan ang mga kababayan natin kung ano ang kahalagahan ng mga pamana ng lahi sa ating kultura at katauhan bilang Pilipino".


Reported by: Jen-jen Oblefias

Friday, October 10, 2014

ROAD WIDENING AT BRIDGE RE-CONSTRUCTION INUULAN NG REKLAMO AT BATIKOS

Quianuang Bridge



















Kaliwa’t kanan ang isinasagawang Bridge Re-construction at Road Widening sa lalawigan ng Quezon ngayon partikular na nga sa bayan ng Sariaya Quezon.









Gilid ng tulay - Quianuang Bridge





















Bunsod ito ng pagkakasira ng mga tulay at kakulangan ng espasyo ng mga kalsada.

Maganda man ang layunin ng nasabing proyekto ay hindi pa rin ito nakakalusot sa mga mambabatikos at mga reklamo dahil sa perwisyong dulot nito sa mga drivers at commuters.

Nariyan ang pagbagal ng pag-usad ng mga sasakyan dahil sa one lane lang ang nadadaanan at kung minsan naman ay isinasara ito pansamantala upang ayusin.

Pati ang kawalan ng mga babala at warning lights sa ilang lugar na maaaring magdulot ng kapahamakan lalo na nga’t maulan at maging ang katagalan ng nasabing proyekto ay binabatikos rin.



Reported by: Jen-jen Oblefias

Thursday, October 9, 2014

NATIONAL CHILDREN’S MONTH IPINAGDIRIWANG SA PAMAMAGITAN NG PA-SEMINAR NG QPPO


Mula sa mga batas para sa Peace and Order na ipinatutupad sa isang bayan ng ating kapulisan dito sa lalawigan ng Quezon, nariyan rin ang mga aktibidades para sa komunidad at para sa kalikasan.

Ang kampanya tungkol sa illegal drugs, anti-child trafficking, Environmental Protection sa pamamagitan ng Coastal Clean-Up at Mangrove Planting ay isinasagawa.

Samantala sa pagpapatuloy ng Police Community Relations Activity sa mga eskwelahan katuwang ang Local Government Units (LGUs), AFP counterpart at Quezon Provincial Police Office (QPPO), nariyan ang taun-taong selebrasyon ng National Children’s Month na may temang: “Bata Kasali Ka, Ikaw ay Mahalaga”.


Kung saan isang seminar tungkol sa karapatang pambata at ilan pang mga batas na may kaugnayan ang isinasagawa gaya ng RA 7610 (Anti-Child Abuse Law), RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003), RA 8353 (Anti-Rape Law), RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), Bomb Threat Awareness at iba pa.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Wednesday, October 8, 2014

NAGKAMIT NG BRONZE MEDAL SA TAEKWONDO SA GINANAP NA ASIAN GAMES, ISANG SARIAYAHIN

Hindi nga lamang home of the Generals ang lalawigan ng Quezon kundi isa rin sa mga probinsiya na masasabing may mga atletang nagmumula, yan ang pinatunayan ng isang sariayahin sa ginanap na 17th Asian Games nitong nakaraang September 19 hanggang October 4 ng taong kasalukuyan.

Isang motorcade ang isinagawa upang bigyang karangalan si Levita Ronna G. Ilao, ang Bronze Medalist sa Taekwondo sa Asian Games na ginanap sa Incheon, South Korea.

Mainit na pagsalubong na may ngiti at katuwaan ang ibinigay ng mga sariayahin kay Rona, makikita rin sa kanyang mukha na hindi man niya nakamit ang Gold o Silver Medal, alam niyang nag-uwi siya ng karangalan para sa kanyang bayan.

CLIMATE WALK MARCHES SINUPORTAHAN NG LGU SARIAYA

Bunsod ng pagbabago ng klima sa ating daigdig o climate change, naaapektuhan ng malaki ang ating kalikasan, pati ang mga hayop at maging ang pamumuhay ng mga tao.

Dahil sa matitinding bagyo na humahagupit na nagdudulot ng matinding pinsala sa atin, maraming grupo mula sa Local Government Units (LGUs), Non-Government Organizations (NGOs) at iba pang pribadong sector ang nagkakaisa at nagsasagawa ng mga aktibidad para sa kanilang adbokasiya sa Climate Change.

Kahapon ay isang Welcome Program for Climate Walk Marches ang isinagawa sa bahagi ng Municipal Park ng Sariaya Quezon.

Nagmula ang nasabing kilusan sa Maynila patungo sa Tacloban na pinangunahan ni Commissioner Nadever M. Saño ng Climate Change Commission.


Ang nasabing aktibidad ay sinuportahan ng LGU Sariaya, Sariaya Tourism Council, Emergency Response Team (ERT) ng MDRRMO, MENRO, UNAKA at Sariaya PNP Personnel.


Reported by: Jen-jen Oblefias