Friday, January 23, 2015

Barangay Treasurer sa bayan ng Sariaya Quezon nabiktima ng Robbery Hold-up, Brgy. Honorarium natangay

Hindi inaasahan ni Ginang Fernanda Arpia, Barangay  Treasurer ng Brgy. Bignay 1, Sariaya Quezon, na magiging biktima siya ng isang robbery hold-up.

Nito lamang nakaraang miyerkules (Jan. 21, 2015), dakong alas-2:00 ng hapon, sumakay ang ginang sa isang pampasaherong jeep mula sa Sto. Cristo patungo sa Brgy. Bignay 1.

Nang dumating sa crossing ng Brgy. Montecillo ay tumigil ang jeep upang magbaba ng pasahero kung saan mula sa likod ay isang itim na motorsiklo ang tumigil, sakay ang dalawang (2) di pa nakikilalang lalaki.

Tumigil ito sa tapat ng driver at tinutukan ito ng isang short firearms, matapos nito bumaba ang backride ng motor at nagtungo sa likod ng jeep kung saan naandon ang mga pasahero.

Dito na nakuha sa biktima ang isang dilaw na bag na naglalaman ng P3,000 cash money, Senior Citizen ID, SSS, PhilHealth at Brgy. ID.

Ngunit ang higit na ipinanlumo ni Ginang Arpia ay ang natangay ding Brgy. Honorarium ng Bignay 1 na nagkakahalaga ng P73,450.00.

Matapos makuha ang pakay ng dalawang kawatan ay agad kumaripas ang mga ito patungo sa direksyon ng Brgy. Guis-Guis.

Kaugnay nito nagsagawa ng follow-up investigation ang Sariaya Municipal Police Station sa nangyari.

Nakilala ang isa sa mga suspek na si Michael De Chavez na naninirahan din sa Brgy. Bignay at tanging sun glasses lang ang panakip sa mukha ng mangyari ang krimen.




Reported by: Jen-jen Oblefias

Thursday, January 22, 2015

Tanggapan ng Business Permit and Licensing Office ng Sariaya Quezon nagsasagawa ng inspection sa mga pamasadang tricycle

Upang maipagkaloob sa mga pasahero ang serbisyo ng isang pampublikong behikulo na ligtas at komportable, nagsasagawa ng pagi-inspeksyon ang tanggapan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) sa bayan ng Sariaya Quezon sa lahat ng mga may-ari ng pamasadang traysikel para sa maayos na pagpapatupad ng kautusang pambayan tungkol dito.

Ang tamang sukat ng isang pamasadang tricycle ay dapat na may 7 inches pataas ang side car simula sa gitna hanggang sa ilalim.

At taas na 39 inches pataas simula sa sahig hanggang sa bubong.

Samantala ang luwang ng side car nito ay dapat may sukat na 29 inches pataas.

Sino mang lalabag dito ay hindi pahihintulutang makapamasada o makapag-renew ng prangkisa.





Reported by: Jen-jen Oblefias

Pambayang Alituntunin sa pamamasada ng mga tricycle, ipinatutupad sa bayan ng Sariaya Quezon

Isang kautusang Pambayan ang ipinatutupad ng Committee on Tricycle and Franchising Regulatory Board (TFRB) sa bayan ng Sariaya Quezon na tinatawag na Pambayang Alituntunin sa Pamamasada ng mga Traysikel na nasasakupan ng nabanggit na bayan.

Dito ipinagbabawal ang mga sumusunod: Pagmamaneho ng walang lisensya, naka shorts, sando at tsinelas, pamimili ng pasahero o kaya naman pagsasakay ng sobra (overloading).

Maging ang paglalagay ng salamin o anumang bagay na magiging sanhi upang mabusohan o masilipan ang pasahero ay bawal din.

Kailangan ding iwasan ang pagpapatugtog ng malakas sa stereo na nakakabit sa tricycle, dapat din na maging magalang sa mga pasahero at siguraduhin muna na nakababa na ito bago paandarin, lalo na kung senior citizens na.

Bukod sa pagiging maingat sa pagmamaneho, dapat din na maging malinis ang driver sa sarili upang maiwasan ang masamang amoy at kung naka-inom ay huwag nang magmaneho.


Kung sinoman ang lalabag sa kautusang ito ay maaaring ipagbigay alam o ireklamo sa tanggapan ng Sariaya TFRB. 



Reported by: Jen-jen Oblefias

Wednesday, January 21, 2015

Ayuda para mapangalagaan ang kalusugan ng mga Senior Citizens sa bayan ng Sariaya Quezon naisabatas na sa pamamagitan ng pagbibigay ng Philhealth



Bukod sa Senior Citizens ID na nagagamit na ng mga nakatatanda sa bayan ng Sariaya Quezon, nabigyan na rin sila ng sapat na ayuda para mapangalagaan ang kanilang kalusugan ng maisabatas ang panukalang mabigyan sila ng lahat ng benepisyo mula sa Philhealth.

Ito ay sa ilalim ng Mandatory Philhealth Coverage for Senior Citizens (RA 10645) na pwede nilang magamit sa pagpapatingin at pagpapagamot sa pampubliko o pribadong ospital.
Patuloy ang pagpaparehistro ng mga lolo at lola sa bayang nabanggit sa tanggapan ng Office of the Senior Citizens Affair (OSCA).

Kaugnay nito magsasagawa ng isang Free Medical Prostate Examination for male senior citizens sa nabanggit na bayan.



Reported by: Jen-jen Oblefias

Tuesday, January 20, 2015

Sariaya Tourism Council naghahanda na para sa Senakulo 2015



Kilala ang bayan ng Sariaya Quezon sa kanilang pinag-ong, mga resorts, ancestral houses at iba pa.

At ngayong 2015 muling aabangan ng marami ang tradisyon at panata na ng mga sariayahin na isinasagawa tuwing Lenten Season, ang Sto. Cristo isang Senakulo.

Ayon kay Ginoong Eric J. Dedace, P.R.O ng Sariaya Tourism Council, sa unang buwan pa lamang ng taon ay nagkakaroon na sila ng pagpaplano kahit sa holy Wednesday pa ito, na ang papatakan nga ngayon taon ay sa unang araw ng Abril.

Kasama sa nasabing paghahanda ng STC ang imbentaryo ng mga kagamitan at costume ng mga tauhan dito.  

Napagkasunduan din na ayusin (repair) na lamang ang mga kagamitan at damit imbis na bumili pa upang makatipid.

Dagdag pa ni Sir Eric, pagsisikapan nila na matuloy sa taong ito ang Senakulo 2015 kung saan humigit kumulang isangdaan (100) na miyembro ang boluntaryong nakilahok na namamanata na noong taong 2006 pa.



Reported by: Jen-jen Oblefias

Monday, January 19, 2015

Edukasyon para sa impormasyon ng Illegal Drugs pinaiigting sa mga bayan ng Tayabas at Sariaya Quezon

Alinsunod sa mga aktibidad at Implementation Plan ng Quezon Provincial Police Office (QPPO), mahigpit na ipinatutupad ang mga batas at ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa ipinagbabawal na droga (illegal drugs).

Ilan lang ang Tayabas at Sariaya Municipal Police Station sa mga istasyon ng kapulisan dito sa Lalawigan ng Quezon na tumutugon sa mga programang ito.

Nariyan ang Aide Program ng Tayabas MPS, kung saan sa pamamagitan ng edukasyon ay nabibigyan ng impormasyon ang mga magulang at mga estudyante sa elementarya na mula Grade 4 hanggang Grade 6, maging ang mga high school students, mapa-public o private school man.


Samantala ang Sariaya MPS naman ay mayroong Ugnayan sa barangay kung saan sa pamamagitan nito ay nabibigyang impormasyon ang mga mamamayan tungkol sa iligal na droga, mga batas at iba pa.  



Reported by: Jen-jen Oblefias

Friday, January 16, 2015

Implementation Plan ng Kapulisan, pinaiigting sa bayan ng Tayabas Quezon

Isa sa mga inisyatibo ng Crime Prevention ay nakatuon sa mga kaduda-dudang tao o suspicious looking person na gumagala sa paligid ng munisipalidad o city proper sakay ng motorsiklo.

Kaya naman bilang suporta ng Tayabas Municipal Police Station sa OPLAN Chekmate at sa iba pang implementation Plan ng kapulisan ng Quezon, gaya ng IMPLAN Kursunada o mas kilalang OPLAN Sita,
pinaiigting rin ang Police Visibility (police presence) sa pamamagitan ng Pulis Tayabas Riders o Motorcycle and Bicycle Cops.

Layunin nitong maiwasan ang mga krimen sa lansangan (street crimes) sa gabi at maging sa mga kapistahan at holiday season gaya ng holy week, all saints day at souls day.
Kung saan pitong (7) man bicycle cops ng naturang istasyon ang idine-deploy sa mga lugar ng okasyon o lugar ng pagtitipon na naka-focus sa mga taong gumagala sa gabi sakay ng motorsiklo.

Bukod pa sa mga mobile patrol personnel at intel operatives ng Tayabas Police na nagsasa-ayos ng traffic management at pedestrian assistance, binibisita din ng mga kapulisan ang mga business areas at mga kalsada malapit dito na kanilang nasasakupan.




Reported by: Jen-jen Oblefias

Thursday, January 15, 2015

Samu’t saring dahilan kasama na ang mga nagmamadali at pasaway na driver, itinuturong dahilan ng traffic sa bayan ng Sariaya Quezon






Bukod sa trapik sa kahabaan ng highway sa bayan ng Sariaya Quezon, ilang mga aksidente na rin ang nai-ulat.






Dahil sa on-going na road widening, mula sa dating 2 lane ay nagiging 4 lane o higit pa ang daan ng mga sasakyan at pag sapit ng town proper ay liliit na naman ang espasyo na madadaanan, kaya naman kapag dumagsa na ang malaking volume ng mga sasakyan ay hindi na maiwasan ang heavy traffic.

Dagdag pa dito ang di maayos na pagtatabi ng mga pampublikong sasakyan kapag magbababa o magsasakay ng pasahero.

Kaya naman kapag nagkasabay-sabay sa kalsada ang mga pasaway na drivers ay hindi na maiwasan na magkaroon ng aksidente kahit minor lamang, maging ang biglaang pagoover-take ng walang busina at pakikipagkaskasero ng mga motorista ay isa rin sa dahilan nito.

Napupuna rin ang mga pinalawak na kalsada na imbis na madaanan o di kaya naman ay magamit bilang Loading and Unloading Zone ay nagiging paradahan na lamang.




Reported by: Jen-jen Oblefias

Tuesday, January 13, 2015

Ugnayan sa barangay isinagawa ng Sariaya Municipal Police Station sa Barangay Concepcion Palasan

Alinsunod sa aktibidad ng ating mga kapulisan muling nagsagawa ng Community Dialogue o Ugnayan sa Barangay ang Sariaya Municipal Police Station kahapon.

Alas 10:00 ng umaga kahapon ng tumulak ang mga elemento ng Sariaya Pulis sa pamumuno ni Police Superintendent Eduard P. Mallo, patungo sa Brgy. Concepcion Palasan ng nabanggit na bayan.

Sa pamamagitan ng isang seminar o lecture na isinagawa sa covered hall dito, ipinaliwanag sa mga nagsi-atend ang iba’t ibang topic gaya ng Reactivation of Brgy Anti-Drug Abuse Council (BADAC), Crime Prevention, Public Safety Tips, Anti-Illegal Drugs Campaign, Data/Intelligence Gathering and Reporting, Bomb Detection at Women Concern.


Dinaluhan ang nasabing assembly nina Brgy. Chairman Bartolome Manalo kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay, Brgy. Police at Justices.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Monday, January 12, 2015

Naisabatas na “Mandatory Philhealth Coverage for Senior Citizens” mapapakinabangan na ng mga nakatatanda sa bayan ng Sariaya Quezon

Para mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga kababayan, isa ang pangangalaga ng kalusugan ng ating mga mamamayan ang isinasaalang-alang lalo na sa mga nakatatanda.

Naisabatas na ang panukala na mabigyan ng lahat ng benepisyo mula sa Philhealth ang mga lolo at lola upang mapangalagaan ang kanilang kalusugan.

Ito ay sa ilalim ng RA 10645 o Mandatory Philhealth Coverage for Senior Citizens na nilagdaan ni President Noynoy Aquino noong November 5, 2014.

Samantala ang Senior Citizens ID na karaniwan ng ginagamit ng mga nakatatanda na may edad 60 pataas upang makakuha ng discount ay pwede na ring magamit sa kanilang pagpapatingin o pagpapagamot sa mga public o private hospital para sa tulong na makukuha mula sa Philhealth.

Sa kasalukuyan, isa ang bayan ng Sariaya Quezon sa mga bayan na nabiyayaan ng nasabing benepisyo na in-implement noong nakaraang taon.

Patuloy ang pagtanggap ng mga nagpapa-enrol sa Philhealth Membership na senior, sa tanggapan ng Office of the Senior Citizens Affair (OSCA) hanggang sa ang lahat ng mga nakatatanda ay maging miyembro na nito.



Reported by: Jen-jen Oblefias

Philhealth benefits ipinagkaloob na sa mga Senior Citizens sa bayan ng Sariaya Quezon

Ikinatuwa at ipinagpasalamat ng mga lolo at lola sa bayan ng Sariaya Quezon ang ipinagkaloob na Philhealth Membership sa kanila.

Ayon sa isang senior na si nanay Pacing, nagsimula ito sa unang buwan ng taong kasalukuyan at ngayong Enero ay masasabing maganda umano itong balita sa kanilang mga may edad na.

Ilan sa mga requirements sa pagpapa-enrol nito ay ang pagpi fill-up ng form para sa registration, 1x1 picture at xerox copy ng Senior Citizens ID.

Ang mga P.R.O ng senior sa bawat barangay ang mangongolekta nito at ibibigay sa kanilang presidente na sya namang magdadala sa tanggapan ng Office of the Senior Citizens Affair sa OSCA President na si Ginang Luisita P. Reña.

Samantala pinalitan na rin ang Senior Citizens ID na kung saan ang dating middle initial lamang ay binuo na ang middle name at ang araw ng kapanganakan.


Sa kasalukuyan patuloy ang pagpaparehistro o pagpapatala ng mga seniors, ito ay magpapatuloy hanggang sa ang lahat ng mga Senior Citizens ay magkaroon ng Philhealth upang mapakinabangan ang mga benepisyo.      



Reported by: Jen-jen Oblefias