Wednesday, March 25, 2015

MGA ALPAS AT GALANG HAYOP IPINAGBABAWAL SA BARANGAY BALUBAL, SARIAYA QUEZON

Dahil sa mga reklamong natatanggap ng Kapitan ng Barangay na si Kapitan Napoleon “Nap” V. De Guzman mula sa kanyang mga kabarangay tungkol sa perwisyong idinudulot ng mga alpas at pagala-galang mga hayop dito.

Isang Kautusang Pambarangay ang ipinatutupad ngayon sa Brgy. Balubal, upang maiwasan na ang pagkasira ng mga pananim at pamumurwisyo sa mga may ari ng lupa ng mga gumagalang hayop na hindi naman nila pagmamay-ari.

Ipinapayo ng Punong Barangay na itali ang mga alaga nilang kabayo, mola, kalabaw, baka at iba pang pinaaamong hayop sa pamilya ng “bovine”.

Huwag umano itong hayaan na nakaalpas sa Pampublikong lugar gaya ng lansangan  at Pribadong lugar kabilang na ang mga palayan at iba pang lote na pagmamay-ari ng sinuman na hindi siyang may-ari ng  hayop.

Ang sinumang lalabag ay papatawan ng kaukulang multa ang may-ari, batay sa uri at klase ng hayop.

Ipinapataw ang mga kabayaran sa pagkukulong bawat araw ng mga hayop, na matatagpuang gumagala sa pampubliko at pribadong lugar, ikinukulong ito sa kural ng Barangay o iba pang mapagkukulungan na itinakda ng Sangguniang Barangay ng Balubal.

Ang multa sa Large cattle ay P100.00 kada araw, sa Swine, Hog, Pig (Baboy) ay P80.00, samantalang P50.00 naman ang multa sa kambing at sa aso, ay P30.00 ang kada araw.

Ang ipinataw na kaukulang halaga ng multa ay madaragdagan kada araw na ang mga hayop ay nasa pag-iingat ng tauhan ng barangay, kung saan ang “Poundage Fee” ay babayaran sa Ingat-Yaman dito bago ilabas ang ikinulong na hayop sa kural.

Para sa layunin ng batas pambarangay na ito, ang mga Barangay Tanod o mga kinauukulang mga mamamayan ay binibigyan ng kapangyarihan na manghuli at magkulong ng mga hayop sa gala sa Pambarangay na Kural at iba pang mga lugar na itinakda para dito.

Kung hindi o walang tumubos ng hayop sa loob ng limang (5) araw matapos ang petsa ng pagkakahuli ay maaari na itong ipagbili sa publikong-subasta.


Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

TIAONG QUEZON UMUUNLAD, DAHIL SA MGA PROYEKTONG IPINAPASOK DITO

Tunay nga na napakapalad ng bayan ng Tiaong sapagkat sa mga nakaraang taon ay kita na ang unti-unting pag-unlad nito, sa tulong ng mga nanunungkulan sa pamahalaan, ayon kay Mayor Ramon Preza.

Dahil sa mga malalaking proyekto na dinadala dito gaya ng paggawa ng isang malaking dam, pagtatayo ng mall, paglalagay ng isang malaking pabrika at ipa pa, ay natutulungan nito ang  mga tao dito.

Kasama na ang mga magsasaka sa pagmamaisan, kung saan nakakapagpataas ng pagtatanim ng mais dito sa probinsiya.

Dagdag pa ng punong bayan magdadala rin ng malaking kaunlaran sa ating lalawigan ang mga proyekto ng pamahalaan gaya ng P13.1 billion Expressway Extension mula sa Sto. Tomas, Batangas hanggang sa Lucena City sa Quezon.

Ang SLEX –TR4 Project  ay mandato sa ilalim ng Presidential Decrees 1112 at 1894 kung saan kabilang dito ang konstruksyon ng 58 kilometer na 4-lane toll road.

Sa Section 1, mula Sto. Tomas, Batangas patungong Macban, Laguna ay may 10.51km, sa Section 2, mula sa Macban patungo sa San Pablo , Laguna ay 12.2 km, habang sa Sec. 3 ang San Pablo to Tiaong Quezon ay 8.1 km.

Sec. 4 naman 14.4 km, mula Tiaong patungong Candelaria, Quezon at sa Sec. 5 ay 12.31 km mula Candelaria hanggang Lucena, Quezon.


Reported by: Jen-jen Oblefias