Wednesday, May 27, 2015

BAYANG MAPAGMALASAKIT PROJECT, HUMIGIT 2,000 SARIAYAHIN NA ANG NATULUNGAN

Bayang Mapagmalasakit Project sa Brgy. Concepcion Pinagbakuran


Upang mas mapalapit sa tao ang pamahalaan, isang proyekto ang inilulunsad ngayon sa bayan ng Sariaya Quezon, sa pangunguna ni Mayor Rosauro “Boyet” V. Masilang.

Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga barangay ay naipagkakaloob sa mamamayan ang “Bayang Mapagmalasakit Project”.

Kung saan dito nagkakaroon ng Community Forum, On-Site Delivery of Services at Turn-over of Project Assistance.

Ang mga Serbisyong ibinibigay dito ay Free Registration of Birth, Job Recruitment, Free Medical and Dental Service, Free Haircut (Libreng Gupit), Free Circumcision (Libreng Tuli) at Animal Vaccination.

Anim (6) na sa 43 barangay dito ang nabisita ng Lokal na pamahalaan, kung saan humigit 2,000 na ang natulungan ng iba’t ibang serbisyo na dinala sa mga barangay, gaya ng: Brgy. Mamala I (Kap. Ernesto D. Remo), Brgy. Sampaloc II (Kap. Aristeo M. Ilao), Brgy. Lutucan I (Kap. Juanita Reyes), Brgy. Gibanga (Kap. Mateo R. Nollen Jr.), Brgy. Manggalang Kiling (Kap. Reynaldo C. Malabanan) at Brgy. Concepcion Pinagbakuran (Kap. Pedro C. Manongsong).

Humigit 600 ang natulungan ng Free Medical and Dental Services, nasa 100 mahigit ang nagparehistro sa Free Birth Registration at tumaas ng nasa 538 ang bilang ng nagpagupit matanda man o bata.

Madami rin ang nakapag-patuli sa Free Circumcision Service habang umakyat na rin ang bilang ng pinaturukang hayop sa Free Animal Vaccination.

Bukod sa Libreng Serbisyo (On-Site Delivery of Services), nagkaloob rin ang Sariaya Local Government Units (LGUs) ng First Aid Kit, Spire Board, ilang sako ng Fertilizers (organic and inorganic), packs of groceries at mga pananim na buto o binhi. 

Assorted farm tools ang karagdagang ipinagkaloob sa Brgy. Gibanga habang nabigyan din ng semento at toilet bowls ang Brgy. M. Kiling.

Tig-isangdaan (100) na piraso naman na bakal (rebar) at guyabano seedlings ang naibigay pa sa Brgy. C. Pinagbakuran.

At 150 piraso ng Fruit bearing Trees Seedlings ang ipinamahagi sa Brgy. Mamala I, mga seedlings ng Lansones kung saan, 160 pcs. sa Sampaloc II at 150 pcs. sa Lutucan I ang ibinigay.

Katuwang ng Lokal na pamahalaan ang iba’t ibang grupo sa pagsasa-ayos ng aktibidad na ito, kabilang ang  Local Disaster Risk Reduction and Management Office - Emergency Response Team (LDRRMO-ERT), Sariaya Municipal Police Station, Sariaya Municipal Fire Station, Army (85th Infantry Battalion ng 2nd Infantry Division), Bantay ng Bayan at Kabalikat Civicom (999) Sariaya Chapter.

Asahan na magpapatuloy ang Bayang Mapagmalasakit Project 2015 at madaragdagan pa ang bilang ng mga Sariayahin na matutulungan nito.



Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

Tuesday, May 19, 2015

AGAWAN FESTIVAL 2015, TAGUMPAY!


Taun-taong inaabangan ang Agawan Festival ng mga Sariayahin at maging ng mga bakasyunista sa bayan ng Sariaya Quezon, na ginaganap tuwing ika-15 ng Mayo.

Isang tradisyon ang agricultural at religious festival na ito na ipinagdiriwang bilang pasasalamat ng mga magsasaka sa kanilang patron na si San Isidro Labrador na katulad ng “Pahiyas Festival” ng Lucban Quezon.

Isinasagawa ang nasabing selebrasyon sa pamamagitan ng isang prusisyon ng imahe ni San Isidro at ng parada.
Ayon kay Ginoong Eric “Kuya Eric” Dedace, PIO ng Sariaya Tourism Council (STC), ang pagdiriwang ng pistang ito ay nagsimula noong taong 1990s habang ang tradisyon ng pasasalamat ng mga Sariayahin sa patron ng magsasaka para sa masaganang ani ay hindi na malaman kung kailan ito nagsimula. Kaya naman ito ay isang matandang tradisyon n­­­­­­a sa kanilang bayan (an age-old tradition).

Ang ruta ng nasabing prusisyon ay may mga makukulay na palamuti sa mga bahay, na karamihan ay agricultural crops o farm produce, gaya ng saging, manga at iba pa na tinatawag ding pabitin.

Sa pamamagitan ng Bagakay (young bamboo branches), mga pinutol na kawayan na didikorasyunan inilalagay o ibinibitin naman ang mga junk food, candies, pamaypay, sombrero at marami pang iba, na sya ring madaraanan ng parada.

Pagdaan ng patron, sinyales na ito sa mga tao na umagaw o agawin na ang lahat ng kanilang makikita na nakabitin, habang ang mga nasa bahay ay naghahagis naman ng kung anu-ano sa mga taong nangangagaw, dito ibabagsak din ang nasabing bagakay. Ito ay tinatawag ding “Happy Pandemonium”.

Pangunahin na ngang makikita sa pagdiriwang na ito ay ang Bamboo, na animo’y Christmas tree na nilalagyan ng mga palamuti, na ayon kay Kuya Eric ay distinguishing charactreristic ng Agawan Festival.

Aniya “Kung makikita ninyo ang kawayan ay pliant, kahit saan dalhin siya ay sumusunod”, ganito umano ang kasaysayan ng Sariaya na nakadaranas ng kalungkutan, sakuna at mga paghihirap pero hindi ibig sabihin ay tapos na ang buhay.

Dagdag pa niya “Kaming mga Sariayahin ay very positive” inihalintulad nya sa kawayan, na hindi magagapi at hindi mawawala.

Bukod pa sa paghahanda ng Lokal na pamahalaan ng bayan ng Sariaya, sa pangunguna ni Mayor Rosauro “Boyet” V. Masilang sa taunang pagdiriwang na ito na naging masaya at matagumpay, dinayo rin ang nabanggit na bayan ng panauhing pandangal mula sa Department of Tourism Region 4, na si Director Rebecca Labit kasama ang mga piling panauhin mula sa Singapore media at mga local media, na sinalubong naman ng Sariaya LGU at Sariaya Tourism Council (STC) sa pamumuno ni Ginang Rowena Z. Masilang.
Layunin ng nasabing pagdalaw ng mga bisita na mapataas ang antas ng pagpapaunlad sa turismo ng Sariaya na nakabatay sa: kabundukan, kapatagan at karagatan (KKK).

Kabalikat Civicom 999 Sariaya Chapter

Ngayong taon nagkaroon rin ng karagdagang aktibidad kung saan nagdaos ng isang Fun Run (RUN sa AGAWAN 2015) na may temang “Unli ang Saya sa Sariaya! Sa Agawan Festival, TaRUN na!”,  ito ay inorganize ng STC sa pakikipag-ugnayan sa Team Arya Sariaya Runners, isang grupo ng mananakbo dito.

 
          Inabangan din ang ikatlong araw, kung saan ang ika-13 ng Mayo ay ang Araw ng Magsasaka, dito rin nagkaroon ng Agri-Tourism Booth at mga palarong pinoy.

Ipinarada rin ang mga naggagandahang kasuotang Buli ng mga kalahok sa ”Sagala ng mga Buling Kasuotan”,  maging ang Bulindakan (Street Dancing)  at Search for Ginoo at Binibining Sariaya 2015  hanggang sa araw ng Agawan  ay inabangan rin.



Kaya naman malaki ang pasasalamat ng lahat ng matapos ng masaya at matagumpay ang taunang Pagdiriwang na ito ng mga Sariayahin.


Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

Thursday, May 14, 2015

CONSTRUCTION OF SPILLWAY, ISINASAGAWA SA TUMBAGA 1

Construction of Spillway sa Brgy. Tumbaga 1, Sariaya Quezon


Matagal ng problema sa Brgy. Tumbaga 1 ang baha, lalo na ang pag-apaw ng tubig sa mga spillways dito.

Sa tuwing bubuhos ang ulan at kung may mananalantang bagyo, isa sa problema ng mga taga Tumbaga 1 ay ang kalsada, lalo na kung ang dadaanan nila ay tulay.

Kapag tumataas ang tubig sa mga ilog at umaapaw sa kalsada, hindi makadaan ang mga tao at sasakyan dito.

Kung kaya naman wala silang magawa kundi tahakin ang iba pang ruta na mas malayo ang iikutan patungo sa kanilang mga bahay o di kaya naman ay patungo sa bayan.

Dahil dito isang resolusyon na “Construction of Spillway” sa kanilang lugar, ang inilapit ng Punong Barangay na si Kapitan Renato “Ato” I. Bascoguin, sa kinauukulan. 

Ngayon nga ay ginagawa na ang konstruksyon ng nasabing proyekto.

Sa pakikipanayam ng 97.5 Radio City News Team sa Foreman nito, na si Ginoong Eusebio Bundukin, sinabi niya na sinimulan ang pagsasa-ayos ng spillway noong ika-10 ng Abril, 2015 na inaasahang matatapos sa loob ng limampung (50) araw.

Napag-alamang nasa humigit dalawang milyong piso ang halaga ng naturang construction project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang proyektong ito na bahagi ng Mamala river ay ikalawa na, sa tatlong spillways na sinasa-ayos para sa kapakinabangan ng mga mamamayan dito.

Dagdag pa ni kapitan Ato, isusunod na rin niyang ipa-ayos ang Barangay Road para sa maayos na daan ng kanilang barangay at gayundin naman ang isa pang spillway sa boundary ng Tumbaga 1 at Brgy. Canda.



Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

Monday, May 11, 2015

OPLAN LAMBAT SIBAT, ISINASAGAWA SA QUEZON, KONTRA KRIMEN!



Alinsunod sa inisyatiba ng Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas III na palakasin ang Kapulisan (Police Operations) sa pagsugpo ng mga krimen, iniatas niya na kaagad na ipatupad at palawakin ang OPLAN Lambat-Sibat.

Bukod sa kamaynilaan ay isasagawa rin ito sa iba pang rehiyon upang mapanatili ang mababang bilang ng krimen sa pamamagitan ng mga deliberate, programmatic at sustained operations at taktika.

Sa Datos ng Philippine National Police (PNP) lumalabas na dumalang ang insidente ng pandurukot, pagnanakaw, carnapping at motorcycle napping kung saan natutukan ang bilang ng Crime Incident.

Dahil dito, agad namang tumugon ang Quezon Provincial Police Office (QPPO) sa pangunguna ni Police SSupt. Ronnie Ylagan upang maituro ito sa hanay ng mga kapulisan sa Probinsya ng Quezon.

Isa sa mga bayan na nagsasagawa nito ay ang bayan ng Sariaya Quezon, sa ilalim ng pamumuno ni Police Supt. Eduard P. Mallo ng Sariaya Municipal Police Station (MPS).

Ayon sa hepe ng Sariaya, naka-focus ang Lambat Sibat sa mga krimen gaya ng murder, homicide, robbery, theft, motor napping at car napping.

Nagkakaroon sila ng lingguhang conference sa police station at sa Provincial Office upang mapagtuunan ng pansin ang alinman sa nabanggit na krimen na nangunguna o mataas ang bilang at ano ang mga strategic plan para dito.

Nagsasagawa din ng security service, inspection, installation at ugnayan sa barangay assembly para sa pagbibigay ng impormasyon sa mga tao.

Ang barangay visitation ay nakatutok sa crime prevention, crime solution at risk reduction.

Dito rin naipapaliwanag sa mga mamamayan  kung ano ang trabaho ng pulis, mga aktibidad para maiwasan ang krimen (crime prevention) sa pamamagitan ng visitation, controlling, checkpoint na naka-schedule o biglaan, police presence at pagkakaroon ng Beat Patrol, kung saan iikutan ng unipormadong pulis ang isang area sa pamamagitan ng paglalakad para na rin sa police visibility sa isang lugar.


Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

Wednesday, May 6, 2015

LABANANG PACQUIAO AT MAYWEATHER, IKINADISMAYA NG MGA SARIAYAHIN



Matapos ang tinaguriang “Fight of the Century” na sinaksihan ng maraming Pilipino, kung saan nagtagisan ng lakas sina People’s Champ,  Manny “Pacman” Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.

Usap-usapan pa rin magpahanggang ngayon ang nasabing laban, sa bayan ng Sariaya Quezon.

Ika-3 ng Mayo ng taong kasalukuyan, dakong alas-9 ng umaga ay dumagsa ang mga Sariayahin sa Sariaya Sports Complex upang manuod sa Free Viewing ng nasabing laban.

Kasabay ng libo-libong sumaksi dito na kinabibilangan ng mga matatanda at bata, iba’t ibang grupo, mapa-bundok, kapatagan at karagatan, sa pangunguna ni Mayor Rosauro “Boyet” V. Masilang, lahat sila ay sumuporta sa 12 rounds na laban ng boxing ng kanilang idolo.

Ngunit pagkatapos ng nasabing laban ay madami sa kanila ang nadismaya at nalungkot sa pagkatalo ng Pambansang Kamao, sa pamamagitan ng unanimous decision.

At magpahanggang ngayon ay mainit padin itong pinag-uusapan ng marami.

Sa pakikipanayam ng Radio City News Team sa ilang Sariayahin, maging ang mga Kapitan ay nagsasabing hindi nila nagustuhan ang naging resulta ng laban.

Marami din umano sa kanila ay nawalan nang tiwala sa mga banyagang judges sapagkat ang binilang umano ay yung mga takbo, iwas at yapos lang ni Mayweather imbis na ang ginawang mga patama ni Manny.

Kitang-kita naman umano ang pandarayang naganap, kahit na ipinakita din ng banyagang boksingero ang pagmamahal kay Pacman dahil sa kaka-akap at parang praktis lang ang nangyaring laban.

Ganoon pa man para sa kanila si Pacquiao pa rin ang Champion dahil sa bukod sa maka-Diyos, malinis itong lumaban para sa karangalan ng bansang Pilipinas.



Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS