Wednesday, April 29, 2015

PAGLALAGAY NG BUYA, IPINANUKALA NG MGA BANGKERO SA SARIAYA QUEZON



Angkla ng bangka sa ilalim ng dagat


Bukod sa pangingisda na pangunahing ikinabubuhay ng mga Sariayahin na nakatira sa baybaying dagat. ang mga bangkero ay nagkakaroon ng karagdagang kita sa tuwing sasapit ang Summer Vacation, kung saan dumadagsa ang mga turista upang magbakasyon.

Lulan ng Bangka na may dobleng katig, hagdan at life vest, dinadala ng bangkero ang mga turista sa laot, kung saan makikita ang mga corals (“tangrib” o “bankota”).
 
Ngunit dahil sa reklamo, na sira na umano ang ilang corals at base na rin sa obserbasyon ng mismong mga bangkero, ang angkla o anchor buoy ng bangka, ang isa sa mga nagiging sanhi ng pagkakasira nito. 

Kung saan nakakaladkad o nadadala ang mga corals kapag malakas ang hangin o kapag nagagalaw ang angkla na nakalubog sa ilalim ng dagat.

Ang coral reefs na ito ay nasasakop ng Brgy. Bignay 1, na kadalasang tinutungo ng mga bisita mula sa public o private resorts na nasa kalapit coastal barangays, gaya ng Brgy. Bignay 2 hanggang San Roque.

Kaya naman napagkaisahan ng Samahan ng mga Bangkero sa Sitio Aplaya ng nasabing barangay, na humiling na magkaroon ng buya o boya para pagtalian ng kanilang bangka.

Dahil sa hangaring mapangalagaan ang yamang dagat ng Sariaya, nakiisa na rin ang mga bangkero sa kalapit barangay upang mapabilis ang pag-aksyon sa problemang ito.

Sa pakikipanayam ng Radio City News Team sa Punong Barangay dito, na si Kapitan Edgardo Britania, sinabi niyang inilapit na nila ito sa kina-uukulan.
 
At oras nga na maibigay na sa kanila ang kumpletong mga materyales gaya ng semento, graba, lubid at iba pa, na gagamitin sa paggawa ng buya, ay agad itong gagawin, kung saan mismong ang mga bangkero na ang magtutulungan upang ito ay magawa.

Ang mapalawak at mapalago pa ang likas na yamang-dagat  ay layunin ng mga taong umaasa dito hindi lamang dahil sa pinagkukuhanan ito ng mga lamang dagat, kundi upang mapasigla na rin ang turismo dito, na nakakapagpasok ng karagdagang kita para sa mga mamamayan sa coastal barangays.


Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

Wednesday, April 22, 2015

PAGLILIMITA NG MGA DAYONG MAGNINIYOG AT PAGBABAWAL SA PAGGAMIT NG SPIKE, IPINANUKALA SA CONCEPCION BANAHAW




Dahil sa pagkakasira ng ilang puno ng niyog sa bahagi ng Brgy. Concepcion Banahaw sa bayan ng Sariaya Quezon.

Isang batas ang napagpasyahang ipanukala ng Brgy. Captain dito, na si Kapitan Plaridel Marasigan, kung saan ipagbabawal ang paggamit ng spike at paglilimita ng mga pumapasok na dayuhan upang kumuha ng buko o mura.

Aniya ang paggamit ng spike sa pagpanik ng puno ng niyog ay nagiging sanhi ng pagkakabutas-butas nito at ang katas na dumadaloy sa kada butas ay nakasasama ang epekto, lalo na sa mga bata pa lamang na puno.

Hinalimbawa din niya ang isang ordinansa sa bayan ng Batangas kung saan hindi na pinapapasok yung mga dayuhang nagmumura.

Hindi naman umano hinahadlangan ang layuning maghanapbuhay, kundi yung pagtatama ng sistema sa tamang pamamaraan para mapangalagaan ang ating mga puno ng niyog, upang maiwasan na rin ang sakit, lalo na ang mga peste.

Matatandaang hindi nakaligtas ang mga puno dito, sa pananalansa ng coconut scale insect (CSI) o mas kilalang coco-lisap na bigla na lamang umanong lumaganap, kung saan libong puno ng niyog ang naapektuhan.

Naobserbahan na galing sa ibang lugar ito at nadala ng magbubuko sa naturang bayan at sa iba’t ibang barangay.

Kaya naman nais din ng punong barangay dito na ma-aprubahan ang panukalang batas na ito, kung saan ang mga taga doon o ang mga residente na nakatira lamang dito, ang mismong maghahanap buhay sa pagmumura o pagniniyog,  ngunit hindi gagamit ng spike,  bagkus ang gagamitin na lamang ay ang pangkawit o ang paglalagay ng salop para hindi mabasag ang niyog.

Sa ngayon ay nakapasa na sa Sangguniang Pambayan ang nasabing panukala na siyang sinang-ayunan ng  Association of Barangay Captains (ABCs) ng bayan ng Sariaya.

Layunin nito na masuportahan ng lahat ng mamamayan at mapangalagaan ang mga niyugan na tinatawag na Tree of Life.

Reported by: Jen-jen Oblefias