Thursday, January 10, 2013

‘BEST SCHOOL FOREST PARK’ PARARANGALAN


Bilang Chair of the Senate Committee on Climate Change at founder of Luntiang Pilipinas, nagagalak si Sen. Loren Legarda, dahil ang mga kabataang estudyante na sa mura nilang edad, ay marunong ng magpahalaga at mangalaga ng kalikasan.

Isa na nga dito ay sa pamamagitan ng pakikiisa ng mga estudyante sa “School Forest Park Program”.

Ang naturang programa ay alinsunod sa itinatag na “Luntiang Pilipinas Foundation” ni Legarda, na walang sawa sa paghikayat ng tree-growing activities o pagtatanim ng mga puno sa lahat ng parte ng bansa at sa pagbibigay kaalaman sa kahalagahan ng mga punong kahoy sa atin.

Nagpasalamat ang senadora sa Department of Education (DepEd) sa pakikipag-ugnayan nito sa Luntiang Pilipinas, sa pagpili ng Best School Forest Program, kung saan nabibigyan din ng oportunidad ang mga kabataan na makilahok sa pangangalaga ng kapaligiran.

Magbibigay ng dalawampung computer units sa lahat ng 16 regional winners para sa Computer laboratory sa kanilang mga eskwelahan at sa limang national finalist ay magbibigay ng tropeyo, habang ang mapipiling national winner naman ay makakatanggap ng plaque at P1,200,000 para sa bagong school building.

Ibabase ang paghusga sa mananalo sa bilang ng mga puno o binhi na itinanim base sa sukat ng lugar, sustainability ng forest park, creativity at aesthetic, gayundin ang community involvement in planning at supervision of the forest park.

Magkakaroon ng awarding sa pormal na seremonya sa DepEd’s Bulwagan ng Karunungan.

 Hiling lang ni Loren na kahit naparangalan na ang mga nanalo ay ipagpapatuloy nito ang kanilang School Forest Program.

Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo) 8:30-9:00 am

Wednesday, January 9, 2013

PROTEKSIYON SA MGA ENVIRONMENTAL OFFICER AT KALIKASAN DAPAT PAIGTINGIN


Dahil sa pagkakapatay ng isang Community Environment and Natural Resources Officer (CENRO) Forester na si Alfredo Almueda, binatikos ni Sen. Loren Legarda ang mga local governments sa buong bansa.

Binaril si Almueda noong Jan. 1, 2013, habang tinutupad ang kanyang tungkulin, 

isang tip ang natanggap nito tungkol sa isang truck na naglalaman umano ng mga illegal lumber na ibabyahe palabas ng kanyang area of responsibility sa Quirino Province.

Dahil dito nanawagan ang senadora sa lokal na pamahalaan na paigtingin ang seguridad ng mga environment officers na tapat na ginagawa ang kanilang tungkulin.

At bilang Chair of the Senate Committee on Climate Change at founder of Luntiang Pilipinas. Binigyang diin ni Legarda ang kaugnayan ng mga illegal loggings sa nangyayaring sakuna o mga environmental disaster.

Tulad na lamang ng nangyaring sakuna sa Cagayan de Oro at Iligan noong 2011, kung saan isang malaking operasyon ng illegal logging ang naging dahilan.

Dagdag pa ni Legarda, Strong Political will ng National at Local government sa pagprotekta at pagsasa-tupad ng mga batas tungkol sa environmental protection ang dapat umiral.

Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo) 8:30-9:00 am

Tuesday, January 8, 2013

LEGARDA KINONDENA ANG MGA PAGPASLANG SA MGA MEDIA AT ENVIRONMENTAL ADVOCATES


 Kinondena ni Sen. Loren Legarda ang mga nai-ulat na human rights violation sa mga miyembro ng media at environmental advocates na tahasan na ngang nangyayari sa bansa.

Ayon sa ulat ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) simula noong taong 2001, 56 na manananggol ng kalikasan o environmental advocates ang napatay.

Kabilang na dito ang pagpaslang kina: forest guard Elpidio “Jojo” Malinao, Italian missionary Fr. Fausto Tenorio, Dr. Gerry Ortega, Leonard Co, Willem Geertman, at Gilbert Paborada. 

At ngayon,sa pagsalubong ng Bagong taon, ang pagpatay kay Quirino province community environment and natural resources officer, Alfredo Almueda, habang nirerespondehan ang isang tip tungkol sa isang truck na may karga umanong illegal lumber na ilalabas sa kanyang area of responsibility.

Samantala, ayon naman sa Committee to Protect Journalists (CPJ) nasa 73 journalists ang kumpirmadong pinatay simula noong taong 1992.

Ayon kay Legarda nakakabahala ang ganitong human rights violations, kung saan patuloy ang pagpatay sa mga taong nagsusumikap at ibinubuwis ang kanilang buhay para lamang maproteksyonan ang ating kalikasan at kababayan.

Dahil dito patuloy na isinusulong ng senadora ang pagpasa ng Bill to qualify the killing of members of broadcast and print media in the performance of their duties as a crime of murder.

Sa kasalukuyan ay nakabitin pa sa ikalawang pagbasa sa Senado ang naturang batas.
Ipinaramdam din niya sa mga naulilang pamilya ng mga pinatay na journalist, media practitioner at environmental advocates ang kanyang simpatya.

Reported by: Jen-jen Oblefias @ Radio City 105.3 FM (Antioquia-Estacio Komentaryo)  8:30-9:00 am

Monday, January 7, 2013

Gun Owners maging responsable sa kanilang baril


Dahil sa sunod-sunod na insidente ng pamamaril sa pagsisimula pa lamang ng taong 2013 gamit ang illegal na baril, sinabi ni Sen. Loren Legarda na  kailangang higpitan ang gun control reforms at siguraduhin na walang makakalusot na loose firearms.

Aniya dapat ang mga unipormadong pulis o militar lamang ang dapat payagang magdala ng baril.

At kung may lalabag man ay dapat mapatawan ng karampatang parusa.

Ayon sa datos ng PNP, liban sa 1.2 milyong rehistradong baril ay may 600,000 pa ang baril na hindi rehistrado sa buong bansa.

Sa kasagsagan nga ng pagdiriwang ng bagong taon ay dalawang bata ang namatay dahil sa tama ng ligaw na bala.

Isang 4-anyos na batang lalaki ang napatay ng barilin ng sumpak ng isang lalaki sa Mandaluyong City, samantalang isang 7 taong gulang na batang babae naman ang binawian ng buhay matapos tamaan ng ligaw na bala sa kanyang ulo.

Nakilala ang bata na si Stephanie Nicole Ella ng Caloocan City, napag-alaman na bala ng cal. 45 ang nakuhang bala sa katawan ni Nicole.

Nagparating naman ng pakikiramay si Legarda sa pamilya ng naulila ng batang babae at nanawagan sa mga gun owners na maging responsible, sapagkat sa maling paggamit nila at pagpapaputok ng baril ay may mga inosenteng buhay ang nadadamay na kadalasan ay ang mga bata ang nagiging biktima.

Base sa inisyal na report ng Philippine National Police (PNP), isa si Nicole sa 40 katao na natamaan ng stray bullets noong pagsisimula pa lamang ng taong 2013.

Friday, January 4, 2013

Minor at Major Surgical Mission hatid sa probinsiya ng Quezon

Nagtala ng 32,637 na katao ang nakinabang sa libreng medikal at 5,878 katao sa dental mission na hatid ng Serbisyong Suarez para sa kalusugan.

Isa ang Bondoc Peninsula District Hospital sa matagumpay na nakapagsagawa ng libreng Major Surgical Mission na nagtala ng 196 katao, kung saan 101 ang nabigyan ng minor surgery at 95 naman ang nabigyan ng major surgery.

Katuwang sa misyong paglilingkod na ito ang grupo ng manggagamot buhat sa Manila Adventist Medical Center (MAMC) sa pamumuno ni Dr. Archie La Madrid. Ayon sa kanya kasiyahan ng kanilang grupo ang makapag-lingkod sa kapwa na kada taon nilang isinasagawa sa pamamagitan ng imbitasyon ng pamilya Suarez.

Pahayag naman ni Quezon Gov. David "Jayjay" C. Suarez, makakaasa ang mga mamamayan ng Quezon sa  hatid na serbisyo ng Pamahalaang Panlalawigan, lalo na nga sa programang pangkalusugan.