Thursday, January 22, 2015

Tanggapan ng Business Permit and Licensing Office ng Sariaya Quezon nagsasagawa ng inspection sa mga pamasadang tricycle

Upang maipagkaloob sa mga pasahero ang serbisyo ng isang pampublikong behikulo na ligtas at komportable, nagsasagawa ng pagi-inspeksyon ang tanggapan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) sa bayan ng Sariaya Quezon sa lahat ng mga may-ari ng pamasadang traysikel para sa maayos na pagpapatupad ng kautusang pambayan tungkol dito.

Ang tamang sukat ng isang pamasadang tricycle ay dapat na may 7 inches pataas ang side car simula sa gitna hanggang sa ilalim.

At taas na 39 inches pataas simula sa sahig hanggang sa bubong.

Samantala ang luwang ng side car nito ay dapat may sukat na 29 inches pataas.

Sino mang lalabag dito ay hindi pahihintulutang makapamasada o makapag-renew ng prangkisa.





Reported by: Jen-jen Oblefias

Pambayang Alituntunin sa pamamasada ng mga tricycle, ipinatutupad sa bayan ng Sariaya Quezon

Isang kautusang Pambayan ang ipinatutupad ng Committee on Tricycle and Franchising Regulatory Board (TFRB) sa bayan ng Sariaya Quezon na tinatawag na Pambayang Alituntunin sa Pamamasada ng mga Traysikel na nasasakupan ng nabanggit na bayan.

Dito ipinagbabawal ang mga sumusunod: Pagmamaneho ng walang lisensya, naka shorts, sando at tsinelas, pamimili ng pasahero o kaya naman pagsasakay ng sobra (overloading).

Maging ang paglalagay ng salamin o anumang bagay na magiging sanhi upang mabusohan o masilipan ang pasahero ay bawal din.

Kailangan ding iwasan ang pagpapatugtog ng malakas sa stereo na nakakabit sa tricycle, dapat din na maging magalang sa mga pasahero at siguraduhin muna na nakababa na ito bago paandarin, lalo na kung senior citizens na.

Bukod sa pagiging maingat sa pagmamaneho, dapat din na maging malinis ang driver sa sarili upang maiwasan ang masamang amoy at kung naka-inom ay huwag nang magmaneho.


Kung sinoman ang lalabag sa kautusang ito ay maaaring ipagbigay alam o ireklamo sa tanggapan ng Sariaya TFRB. 



Reported by: Jen-jen Oblefias

Wednesday, January 21, 2015

Ayuda para mapangalagaan ang kalusugan ng mga Senior Citizens sa bayan ng Sariaya Quezon naisabatas na sa pamamagitan ng pagbibigay ng Philhealth



Bukod sa Senior Citizens ID na nagagamit na ng mga nakatatanda sa bayan ng Sariaya Quezon, nabigyan na rin sila ng sapat na ayuda para mapangalagaan ang kanilang kalusugan ng maisabatas ang panukalang mabigyan sila ng lahat ng benepisyo mula sa Philhealth.

Ito ay sa ilalim ng Mandatory Philhealth Coverage for Senior Citizens (RA 10645) na pwede nilang magamit sa pagpapatingin at pagpapagamot sa pampubliko o pribadong ospital.
Patuloy ang pagpaparehistro ng mga lolo at lola sa bayang nabanggit sa tanggapan ng Office of the Senior Citizens Affair (OSCA).

Kaugnay nito magsasagawa ng isang Free Medical Prostate Examination for male senior citizens sa nabanggit na bayan.



Reported by: Jen-jen Oblefias

Tuesday, January 20, 2015

Sariaya Tourism Council naghahanda na para sa Senakulo 2015



Kilala ang bayan ng Sariaya Quezon sa kanilang pinag-ong, mga resorts, ancestral houses at iba pa.

At ngayong 2015 muling aabangan ng marami ang tradisyon at panata na ng mga sariayahin na isinasagawa tuwing Lenten Season, ang Sto. Cristo isang Senakulo.

Ayon kay Ginoong Eric J. Dedace, P.R.O ng Sariaya Tourism Council, sa unang buwan pa lamang ng taon ay nagkakaroon na sila ng pagpaplano kahit sa holy Wednesday pa ito, na ang papatakan nga ngayon taon ay sa unang araw ng Abril.

Kasama sa nasabing paghahanda ng STC ang imbentaryo ng mga kagamitan at costume ng mga tauhan dito.  

Napagkasunduan din na ayusin (repair) na lamang ang mga kagamitan at damit imbis na bumili pa upang makatipid.

Dagdag pa ni Sir Eric, pagsisikapan nila na matuloy sa taong ito ang Senakulo 2015 kung saan humigit kumulang isangdaan (100) na miyembro ang boluntaryong nakilahok na namamanata na noong taong 2006 pa.



Reported by: Jen-jen Oblefias

Monday, January 19, 2015

Edukasyon para sa impormasyon ng Illegal Drugs pinaiigting sa mga bayan ng Tayabas at Sariaya Quezon

Alinsunod sa mga aktibidad at Implementation Plan ng Quezon Provincial Police Office (QPPO), mahigpit na ipinatutupad ang mga batas at ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa ipinagbabawal na droga (illegal drugs).

Ilan lang ang Tayabas at Sariaya Municipal Police Station sa mga istasyon ng kapulisan dito sa Lalawigan ng Quezon na tumutugon sa mga programang ito.

Nariyan ang Aide Program ng Tayabas MPS, kung saan sa pamamagitan ng edukasyon ay nabibigyan ng impormasyon ang mga magulang at mga estudyante sa elementarya na mula Grade 4 hanggang Grade 6, maging ang mga high school students, mapa-public o private school man.


Samantala ang Sariaya MPS naman ay mayroong Ugnayan sa barangay kung saan sa pamamagitan nito ay nabibigyang impormasyon ang mga mamamayan tungkol sa iligal na droga, mga batas at iba pa.  



Reported by: Jen-jen Oblefias