Monday, May 11, 2015

OPLAN LAMBAT SIBAT, ISINASAGAWA SA QUEZON, KONTRA KRIMEN!



Alinsunod sa inisyatiba ng Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas III na palakasin ang Kapulisan (Police Operations) sa pagsugpo ng mga krimen, iniatas niya na kaagad na ipatupad at palawakin ang OPLAN Lambat-Sibat.

Bukod sa kamaynilaan ay isasagawa rin ito sa iba pang rehiyon upang mapanatili ang mababang bilang ng krimen sa pamamagitan ng mga deliberate, programmatic at sustained operations at taktika.

Sa Datos ng Philippine National Police (PNP) lumalabas na dumalang ang insidente ng pandurukot, pagnanakaw, carnapping at motorcycle napping kung saan natutukan ang bilang ng Crime Incident.

Dahil dito, agad namang tumugon ang Quezon Provincial Police Office (QPPO) sa pangunguna ni Police SSupt. Ronnie Ylagan upang maituro ito sa hanay ng mga kapulisan sa Probinsya ng Quezon.

Isa sa mga bayan na nagsasagawa nito ay ang bayan ng Sariaya Quezon, sa ilalim ng pamumuno ni Police Supt. Eduard P. Mallo ng Sariaya Municipal Police Station (MPS).

Ayon sa hepe ng Sariaya, naka-focus ang Lambat Sibat sa mga krimen gaya ng murder, homicide, robbery, theft, motor napping at car napping.

Nagkakaroon sila ng lingguhang conference sa police station at sa Provincial Office upang mapagtuunan ng pansin ang alinman sa nabanggit na krimen na nangunguna o mataas ang bilang at ano ang mga strategic plan para dito.

Nagsasagawa din ng security service, inspection, installation at ugnayan sa barangay assembly para sa pagbibigay ng impormasyon sa mga tao.

Ang barangay visitation ay nakatutok sa crime prevention, crime solution at risk reduction.

Dito rin naipapaliwanag sa mga mamamayan  kung ano ang trabaho ng pulis, mga aktibidad para maiwasan ang krimen (crime prevention) sa pamamagitan ng visitation, controlling, checkpoint na naka-schedule o biglaan, police presence at pagkakaroon ng Beat Patrol, kung saan iikutan ng unipormadong pulis ang isang area sa pamamagitan ng paglalakad para na rin sa police visibility sa isang lugar.


Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

Wednesday, May 6, 2015

LABANANG PACQUIAO AT MAYWEATHER, IKINADISMAYA NG MGA SARIAYAHIN



Matapos ang tinaguriang “Fight of the Century” na sinaksihan ng maraming Pilipino, kung saan nagtagisan ng lakas sina People’s Champ,  Manny “Pacman” Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.

Usap-usapan pa rin magpahanggang ngayon ang nasabing laban, sa bayan ng Sariaya Quezon.

Ika-3 ng Mayo ng taong kasalukuyan, dakong alas-9 ng umaga ay dumagsa ang mga Sariayahin sa Sariaya Sports Complex upang manuod sa Free Viewing ng nasabing laban.

Kasabay ng libo-libong sumaksi dito na kinabibilangan ng mga matatanda at bata, iba’t ibang grupo, mapa-bundok, kapatagan at karagatan, sa pangunguna ni Mayor Rosauro “Boyet” V. Masilang, lahat sila ay sumuporta sa 12 rounds na laban ng boxing ng kanilang idolo.

Ngunit pagkatapos ng nasabing laban ay madami sa kanila ang nadismaya at nalungkot sa pagkatalo ng Pambansang Kamao, sa pamamagitan ng unanimous decision.

At magpahanggang ngayon ay mainit padin itong pinag-uusapan ng marami.

Sa pakikipanayam ng Radio City News Team sa ilang Sariayahin, maging ang mga Kapitan ay nagsasabing hindi nila nagustuhan ang naging resulta ng laban.

Marami din umano sa kanila ay nawalan nang tiwala sa mga banyagang judges sapagkat ang binilang umano ay yung mga takbo, iwas at yapos lang ni Mayweather imbis na ang ginawang mga patama ni Manny.

Kitang-kita naman umano ang pandarayang naganap, kahit na ipinakita din ng banyagang boksingero ang pagmamahal kay Pacman dahil sa kaka-akap at parang praktis lang ang nangyaring laban.

Ganoon pa man para sa kanila si Pacquiao pa rin ang Champion dahil sa bukod sa maka-Diyos, malinis itong lumaban para sa karangalan ng bansang Pilipinas.



Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

Monday, May 4, 2015

PAGSUSUOT NG HELMET, IPINAGBABAWAL SA NASASAKUPAN NG BRGY. GIBANGA



Nakasaad sa RA 10054 o motorcycle helmet act of 2009,  na ang lahat ng mga motocycle riders, kabilang ang mga driver at ang angkas nito, na magsuot ng protective gears tulad ng helmet upang maproteksiyunan sa anumang fatal injuries.

Ngunit dahil sa pagtaas ng krimen na kinasasangkutan ng mga nakamotor o motorcycle riding- in-tandem, marami ang gustong ipasuspinde ang naturang batas.

Isa ang Brgy. Gibanga sa bayan ng Sariaya Quezon sa nagbawal ng pagsusuot ng helmet ng mga motorista na pumapasok sa nasasakupan ng kanilang barangay.

Ito ay dahil sa ilang kaso ng hold-up, pangangagaw o snatching ng mga gadgets, gaya ng cellphone, wallet, bag at iba pa.

Sa pakikipanayam ng Radio City News Team sa Punong Barangay dito, na si Kapitan Mateo Nollen Jr., sinabi niya na ang kautusang ito na nagtatakda ng “Pagbabawal ng pagtatakip ng mukha at ang pagsusuot ng helmet ng  mga nakamotorsiklo, maging ang mabilis na pagpapatakbo nito sa nasasakupan ng Brgy. Gibanga” ay ipinanukala, dahil sa pananamantala ng mga masasamang loob na kadalasan ay dayo lamang sa kanilang lugar.

Inihalimbawa niya ang kaso ng isang babae na bumaba ng bus galing Manila, papauwi na umano ito, ng isang motor ang dumating, mula sa direksyon ng Lucena City patungo sa direksyon ng Sariaya Town Proper.

Nang mapalapit na umano ito sa biktima ay bigla na lamang hinablot ng angkas ng motor ang dala nitong bag na naglalaman ng gadgets gaya ng laptop at mga cellphones.

Bukod pa dito may mga estudyante na din umano na nag-aaral sa Lucena, na residente ng naturang barangay ang nabiktima ng mga snatcher na nakasakay sa motor habang sila ay papauwi.

Kahit mahagip umano ito ng video surveillance o CCTV (Closed-circuit television) ay hindi naman makilala ang mga salarin, dahil nakatakip ang mukha ng mga ito.

Kaya naman kahit hindi ito naaprubahan dahil kailangang naka-helmet lalo na sa highway, ipinatutupad pa rin ang batas na ito sa naturang barangay,  maliban sa Maharlika Highway.
 
Reported by:  JEN-JEN OBLEFIAS

Wednesday, April 29, 2015

PAGLALAGAY NG BUYA, IPINANUKALA NG MGA BANGKERO SA SARIAYA QUEZON



Angkla ng bangka sa ilalim ng dagat


Bukod sa pangingisda na pangunahing ikinabubuhay ng mga Sariayahin na nakatira sa baybaying dagat. ang mga bangkero ay nagkakaroon ng karagdagang kita sa tuwing sasapit ang Summer Vacation, kung saan dumadagsa ang mga turista upang magbakasyon.

Lulan ng Bangka na may dobleng katig, hagdan at life vest, dinadala ng bangkero ang mga turista sa laot, kung saan makikita ang mga corals (“tangrib” o “bankota”).
 
Ngunit dahil sa reklamo, na sira na umano ang ilang corals at base na rin sa obserbasyon ng mismong mga bangkero, ang angkla o anchor buoy ng bangka, ang isa sa mga nagiging sanhi ng pagkakasira nito. 

Kung saan nakakaladkad o nadadala ang mga corals kapag malakas ang hangin o kapag nagagalaw ang angkla na nakalubog sa ilalim ng dagat.

Ang coral reefs na ito ay nasasakop ng Brgy. Bignay 1, na kadalasang tinutungo ng mga bisita mula sa public o private resorts na nasa kalapit coastal barangays, gaya ng Brgy. Bignay 2 hanggang San Roque.

Kaya naman napagkaisahan ng Samahan ng mga Bangkero sa Sitio Aplaya ng nasabing barangay, na humiling na magkaroon ng buya o boya para pagtalian ng kanilang bangka.

Dahil sa hangaring mapangalagaan ang yamang dagat ng Sariaya, nakiisa na rin ang mga bangkero sa kalapit barangay upang mapabilis ang pag-aksyon sa problemang ito.

Sa pakikipanayam ng Radio City News Team sa Punong Barangay dito, na si Kapitan Edgardo Britania, sinabi niyang inilapit na nila ito sa kina-uukulan.
 
At oras nga na maibigay na sa kanila ang kumpletong mga materyales gaya ng semento, graba, lubid at iba pa, na gagamitin sa paggawa ng buya, ay agad itong gagawin, kung saan mismong ang mga bangkero na ang magtutulungan upang ito ay magawa.

Ang mapalawak at mapalago pa ang likas na yamang-dagat  ay layunin ng mga taong umaasa dito hindi lamang dahil sa pinagkukuhanan ito ng mga lamang dagat, kundi upang mapasigla na rin ang turismo dito, na nakakapagpasok ng karagdagang kita para sa mga mamamayan sa coastal barangays.


Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

Wednesday, April 22, 2015

PAGLILIMITA NG MGA DAYONG MAGNINIYOG AT PAGBABAWAL SA PAGGAMIT NG SPIKE, IPINANUKALA SA CONCEPCION BANAHAW




Dahil sa pagkakasira ng ilang puno ng niyog sa bahagi ng Brgy. Concepcion Banahaw sa bayan ng Sariaya Quezon.

Isang batas ang napagpasyahang ipanukala ng Brgy. Captain dito, na si Kapitan Plaridel Marasigan, kung saan ipagbabawal ang paggamit ng spike at paglilimita ng mga pumapasok na dayuhan upang kumuha ng buko o mura.

Aniya ang paggamit ng spike sa pagpanik ng puno ng niyog ay nagiging sanhi ng pagkakabutas-butas nito at ang katas na dumadaloy sa kada butas ay nakasasama ang epekto, lalo na sa mga bata pa lamang na puno.

Hinalimbawa din niya ang isang ordinansa sa bayan ng Batangas kung saan hindi na pinapapasok yung mga dayuhang nagmumura.

Hindi naman umano hinahadlangan ang layuning maghanapbuhay, kundi yung pagtatama ng sistema sa tamang pamamaraan para mapangalagaan ang ating mga puno ng niyog, upang maiwasan na rin ang sakit, lalo na ang mga peste.

Matatandaang hindi nakaligtas ang mga puno dito, sa pananalansa ng coconut scale insect (CSI) o mas kilalang coco-lisap na bigla na lamang umanong lumaganap, kung saan libong puno ng niyog ang naapektuhan.

Naobserbahan na galing sa ibang lugar ito at nadala ng magbubuko sa naturang bayan at sa iba’t ibang barangay.

Kaya naman nais din ng punong barangay dito na ma-aprubahan ang panukalang batas na ito, kung saan ang mga taga doon o ang mga residente na nakatira lamang dito, ang mismong maghahanap buhay sa pagmumura o pagniniyog,  ngunit hindi gagamit ng spike,  bagkus ang gagamitin na lamang ay ang pangkawit o ang paglalagay ng salop para hindi mabasag ang niyog.

Sa ngayon ay nakapasa na sa Sangguniang Pambayan ang nasabing panukala na siyang sinang-ayunan ng  Association of Barangay Captains (ABCs) ng bayan ng Sariaya.

Layunin nito na masuportahan ng lahat ng mamamayan at mapangalagaan ang mga niyugan na tinatawag na Tree of Life.

Reported by: Jen-jen Oblefias