Friday, November 13, 2015

LALAKI ARESTADO HABANG NAGBEBENTA NG DROGA SA BRGY. SAN ROQUE, SARIAYA QUEZON

Arestado ang isang lalaki sa isinagawang buy bust operation sa Brgy. San Roque, Sariaya Quezon, dakong ala-1:40 ng hapon kamakalawa. 

Sa pinagsanib na pwersa ng Sariaya Municipal Police Station, sa pangunguna ni PSI Fernando Reyes III kasama ang Anti-Organized Crime Task Force at Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group na kinabibilangan nina 2Lt. Eryl Roberts, Staff Sergeant (SSG) Robert Muyco, Civil Affairs (CA) Aloysius Recio, P03 Wilfredo Melina, P02 Jimmy Autida at P01 Erick John Quejano.

Ang suspek ay nakilalang si Marvin Austria Mayuga, 25 anyos na residente ng Sitio Banlikan ng nabanggit na lugar, nahuli ito sa aktong pagbebenta ng isang sachet, na naglalaman ng pinaghihinalang shabu sa isang civilian poseur buyer, kapalit ng tatlong piraso ng one hundred peso bill (P100.00) na ginamit bilang marked money.

Sa nasabing operasyon nakumpiska sa suspek ang nabanggit na marked money habang narekober naman sa civilian poseur buyer ang sachet ng pinaghihinalaang shabu na tumitimbang ng 0.08 grams na may estimated market value na ₱900.

Kasalukuyang nakakulong si Mayuga sa Sariaya MPS Custodial Facility habang nahaharap sa kasong Violation of Section 5, Article II ng RA 9165. Habang ang nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa (QPCLO) Quezon Provincial Crime Laboratory Office sa Camp Nakar, Lucena City para sa Laboratory Examination.



JEN-JEN OBLEFIAS

Thursday, November 12, 2015

IBA’T IBANG PAMAMARAAN SA PAGPAPANATILI NG PEACE AND ORDER SA BAYAN NG SARIAYA, REGULAR NA ISINASAGAWA NG KAPULISAN


Bukod sa positibong resulta ng OPLAN-Lambat Sibat ng Quezon Provincial Police Office (QPPO) at buy-bust operation sa bayan ng Sariaya, patuloy rin ang dayalogo sa iba't ibang sektor lalo na sa mga kabataan tungkol sa Drug's Awareness Campaign.

May beat patrol kung saan naglalakad ang mga miyembro ng kapulisan at namimigay ng mga babasahin (flyers) tungkol sa Tanong at Sagot ukol sa Batas Pambansa Blg. 9262, kung saan ito ay tungkol sa batas, laban sa karahasan sa kababaihan at sa kanilang mga anak.

Kasama dito ang mga Tips para makaiwas sa iba't ibang krimen gaya ng holdap, robbery, motor napping, car napping at iba pa.

Nagsasagawa rin ng Police Assistance sa Ugnayan sa Barangay na pinangungunahan ng Lokal na Pamahalaan, kung saan nagi-issue rin ng police clearance ng walang bayad ang Sariaya Municipal Police Station.

Ito rin ang pagkakataon kung saan idini-discuss ng kapulisan sa mga tao dito ang Peace and Orderliness, Crime Prevention Tips, Revitalized Campaign ng PNP laban sa iligal na droga at ang programa ng Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) at Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) na tinatawag na "Drug Free Family" kung saan kapag napatunayan na ang isang pamilya ay walang gumagamit ng drugs, bibigyan sila ng sticker at ididikit sa kanilang bahay na nagpapatunay na walang User at Pusher doon. 



JEN-JEN OBLEFIAS

Wednesday, November 11, 2015

LALAKI ARESTADO SA PAGBEBENTA NG DROGA SA SARIAYA

Arestado ang isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation sa Sitio Manggahan ng Brgy. Janagdong 1, Sariaya Quezon, matapos itong mahuli, sa akto ng pagbebenta ng isang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, kapalit ang isang piraso ng P500 pesos bill, bilang marked money.

Narekober at nakumpiska ang 6 na piraso ng plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang iligal na droga na tumitimbang ng 0.88 grams at may estimated amount market value na P10,300, 4 na piraso ng Identification Cards gaya ng BIR, SSS, COMELEC at PhilHealth, isang pirasong body bag na kulay green at yellow, bench wallet na kulay brown, P7,350 cash money sa iba’t ibang denomination na pinaghihinalaang gamit sa transaksyon at isang kahon ng posporo.

Nakilala ang suspek na si Jomart Arandia Adivino @Pugoy/Togoy (34 years old, may live-in partner at tubong Bayanan Muntinlupa City na kasalukuyang naninirahan sa Sariaya.

Nakadetine na ito sa Sariaya Municipal Police Station at nahaharap sa kasong Violation of Section 5 and 11, Article II ng RA 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act.



JEN-JEN OBLEFIAS

Tuesday, November 10, 2015

MGA PROYEKTO AT PROGRAMANG PANG-EDUKASYON SUPORTADO NG LOKAL NA PAMAHALAAN NG SARIAYA QUEZON

Isa sa pinahahalagahan ng Lokal na Pamahalaan ng Sariaya ang Edukasyon, ito ay sa paniniwala na ang kinabukasan ng bayan ay nakasalalay sa kung paano hinuhubog ang mga anak ng kanilang mga magulang, kaya naman maraming proyekto at programang pang-Edukasyon ang isinasagawa ngayon sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Rosauro “Boyet” V. Masilang, upang mapataas ang kalidad nito.

May tinatawag na School Empowerment Fund na nakalaan dito para sa repair at maintenance ng school facilities na may halagang umaabot sa P1,250,000.00 na ibinabahagi ng pantay-pantay sa lahat ng mga pampublikong elementarya at high schools.

Meron ring ALS o Aid to Alternative Learning System para sa gustong mag-aral kahit may edad na, mula sa P 150,000.00 ay pinalaki ito sa halagang umaabot sa P 782,000.00 annually.

Para naman sa mga estudyanteng kalahok sa mga kumpetisyong pang-akademiko ay nagkaroon naman ng Pupil Academic Development Fund. Bukod sa mga ito may malaking bahagi din ng pondo na ginugugol sa training sa pagpapa-unlad ng kakayahan ng mga guro gaya ng Lakbay-Aral.

Pinaglaanan rin ng milyong pondo ang Locally Funded Teacher (LFT) na karaniwan na ang sweldo lamang ay umaabot ng tatlo hanggang limang libong piso (P5,000), subalit ang LFT sa Sariaya ay sumusweldo ng P10,000 kada buwan na siyang pinaka malaki sa buong 2nd District ng Quezon.



JEN-JEN OBLEFIAS

Thursday, October 1, 2015

DALAWANG KOLEKTOR NG STL BOOKIES SA SARIAYA, ARESTADO !

Sa patuloy na pagbabantay ng Sariaya Municipal Police Station sa krimen at pagpapanatili ng Peace and Order sa Bayan ng Sariaya Quezon, bukod sa droga mahigpit ding binabantayan ang iba’t ibang klase ng iligal na sugal.

Katuwang ng istasyong nabanggit ang Quezon-CIDG na pinamumunuan ni PCI Danilo F Balmes, kung saan sa huling araw ng setyembre ay nagkaroon ito ng positibong resulta.

Dalawang bookies collector ang arestado sa Brgy. Manggalang Bantilan ng bayang nabanggit, nauna na dito ang isang Alvin Salcedo La Torre (29 years old) na residente ng Sitio Talipapa, habang nangongolekta ng pusta o taya sa STL. 

Nakuha dito ang sampung (10) piraso ng lastillas na may mga nakasulat na numero, isang piraso ng itim na bolpen at halagang Php. 1,655.00 (bet money) sa iba’t ibang denominasyon.

Sinundan ng pagkakadakip sa isa pang kolektor na nakilalang si Joel Abanilla Adan (32 years old), sa Sitio Palitid ng nabanggit ring barangay. 

Narekober dito ang siyam (9) na piraso ng lastillas na may nakasulat na mga numero, itim na bolpen at bet money na nagkakahalaga ng Php. 1,410.00.


Kapwa nakakulong ang dalawa sa Quezon CIDG Custodial Facility Center sa Lucena City at nahaharap sa kasong Violation of RA 9287 (STL Bookies).


                                                                                                                JEN-JEN OBLEFIAS