Monday, May 4, 2015

PAGSUSUOT NG HELMET, IPINAGBABAWAL SA NASASAKUPAN NG BRGY. GIBANGA



Nakasaad sa RA 10054 o motorcycle helmet act of 2009,  na ang lahat ng mga motocycle riders, kabilang ang mga driver at ang angkas nito, na magsuot ng protective gears tulad ng helmet upang maproteksiyunan sa anumang fatal injuries.

Ngunit dahil sa pagtaas ng krimen na kinasasangkutan ng mga nakamotor o motorcycle riding- in-tandem, marami ang gustong ipasuspinde ang naturang batas.

Isa ang Brgy. Gibanga sa bayan ng Sariaya Quezon sa nagbawal ng pagsusuot ng helmet ng mga motorista na pumapasok sa nasasakupan ng kanilang barangay.

Ito ay dahil sa ilang kaso ng hold-up, pangangagaw o snatching ng mga gadgets, gaya ng cellphone, wallet, bag at iba pa.

Sa pakikipanayam ng Radio City News Team sa Punong Barangay dito, na si Kapitan Mateo Nollen Jr., sinabi niya na ang kautusang ito na nagtatakda ng “Pagbabawal ng pagtatakip ng mukha at ang pagsusuot ng helmet ng  mga nakamotorsiklo, maging ang mabilis na pagpapatakbo nito sa nasasakupan ng Brgy. Gibanga” ay ipinanukala, dahil sa pananamantala ng mga masasamang loob na kadalasan ay dayo lamang sa kanilang lugar.

Inihalimbawa niya ang kaso ng isang babae na bumaba ng bus galing Manila, papauwi na umano ito, ng isang motor ang dumating, mula sa direksyon ng Lucena City patungo sa direksyon ng Sariaya Town Proper.

Nang mapalapit na umano ito sa biktima ay bigla na lamang hinablot ng angkas ng motor ang dala nitong bag na naglalaman ng gadgets gaya ng laptop at mga cellphones.

Bukod pa dito may mga estudyante na din umano na nag-aaral sa Lucena, na residente ng naturang barangay ang nabiktima ng mga snatcher na nakasakay sa motor habang sila ay papauwi.

Kahit mahagip umano ito ng video surveillance o CCTV (Closed-circuit television) ay hindi naman makilala ang mga salarin, dahil nakatakip ang mukha ng mga ito.

Kaya naman kahit hindi ito naaprubahan dahil kailangang naka-helmet lalo na sa highway, ipinatutupad pa rin ang batas na ito sa naturang barangay,  maliban sa Maharlika Highway.
 
Reported by:  JEN-JEN OBLEFIAS

Wednesday, April 29, 2015

PAGLALAGAY NG BUYA, IPINANUKALA NG MGA BANGKERO SA SARIAYA QUEZON



Angkla ng bangka sa ilalim ng dagat


Bukod sa pangingisda na pangunahing ikinabubuhay ng mga Sariayahin na nakatira sa baybaying dagat. ang mga bangkero ay nagkakaroon ng karagdagang kita sa tuwing sasapit ang Summer Vacation, kung saan dumadagsa ang mga turista upang magbakasyon.

Lulan ng Bangka na may dobleng katig, hagdan at life vest, dinadala ng bangkero ang mga turista sa laot, kung saan makikita ang mga corals (“tangrib” o “bankota”).
 
Ngunit dahil sa reklamo, na sira na umano ang ilang corals at base na rin sa obserbasyon ng mismong mga bangkero, ang angkla o anchor buoy ng bangka, ang isa sa mga nagiging sanhi ng pagkakasira nito. 

Kung saan nakakaladkad o nadadala ang mga corals kapag malakas ang hangin o kapag nagagalaw ang angkla na nakalubog sa ilalim ng dagat.

Ang coral reefs na ito ay nasasakop ng Brgy. Bignay 1, na kadalasang tinutungo ng mga bisita mula sa public o private resorts na nasa kalapit coastal barangays, gaya ng Brgy. Bignay 2 hanggang San Roque.

Kaya naman napagkaisahan ng Samahan ng mga Bangkero sa Sitio Aplaya ng nasabing barangay, na humiling na magkaroon ng buya o boya para pagtalian ng kanilang bangka.

Dahil sa hangaring mapangalagaan ang yamang dagat ng Sariaya, nakiisa na rin ang mga bangkero sa kalapit barangay upang mapabilis ang pag-aksyon sa problemang ito.

Sa pakikipanayam ng Radio City News Team sa Punong Barangay dito, na si Kapitan Edgardo Britania, sinabi niyang inilapit na nila ito sa kina-uukulan.
 
At oras nga na maibigay na sa kanila ang kumpletong mga materyales gaya ng semento, graba, lubid at iba pa, na gagamitin sa paggawa ng buya, ay agad itong gagawin, kung saan mismong ang mga bangkero na ang magtutulungan upang ito ay magawa.

Ang mapalawak at mapalago pa ang likas na yamang-dagat  ay layunin ng mga taong umaasa dito hindi lamang dahil sa pinagkukuhanan ito ng mga lamang dagat, kundi upang mapasigla na rin ang turismo dito, na nakakapagpasok ng karagdagang kita para sa mga mamamayan sa coastal barangays.


Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

Wednesday, April 22, 2015

PAGLILIMITA NG MGA DAYONG MAGNINIYOG AT PAGBABAWAL SA PAGGAMIT NG SPIKE, IPINANUKALA SA CONCEPCION BANAHAW




Dahil sa pagkakasira ng ilang puno ng niyog sa bahagi ng Brgy. Concepcion Banahaw sa bayan ng Sariaya Quezon.

Isang batas ang napagpasyahang ipanukala ng Brgy. Captain dito, na si Kapitan Plaridel Marasigan, kung saan ipagbabawal ang paggamit ng spike at paglilimita ng mga pumapasok na dayuhan upang kumuha ng buko o mura.

Aniya ang paggamit ng spike sa pagpanik ng puno ng niyog ay nagiging sanhi ng pagkakabutas-butas nito at ang katas na dumadaloy sa kada butas ay nakasasama ang epekto, lalo na sa mga bata pa lamang na puno.

Hinalimbawa din niya ang isang ordinansa sa bayan ng Batangas kung saan hindi na pinapapasok yung mga dayuhang nagmumura.

Hindi naman umano hinahadlangan ang layuning maghanapbuhay, kundi yung pagtatama ng sistema sa tamang pamamaraan para mapangalagaan ang ating mga puno ng niyog, upang maiwasan na rin ang sakit, lalo na ang mga peste.

Matatandaang hindi nakaligtas ang mga puno dito, sa pananalansa ng coconut scale insect (CSI) o mas kilalang coco-lisap na bigla na lamang umanong lumaganap, kung saan libong puno ng niyog ang naapektuhan.

Naobserbahan na galing sa ibang lugar ito at nadala ng magbubuko sa naturang bayan at sa iba’t ibang barangay.

Kaya naman nais din ng punong barangay dito na ma-aprubahan ang panukalang batas na ito, kung saan ang mga taga doon o ang mga residente na nakatira lamang dito, ang mismong maghahanap buhay sa pagmumura o pagniniyog,  ngunit hindi gagamit ng spike,  bagkus ang gagamitin na lamang ay ang pangkawit o ang paglalagay ng salop para hindi mabasag ang niyog.

Sa ngayon ay nakapasa na sa Sangguniang Pambayan ang nasabing panukala na siyang sinang-ayunan ng  Association of Barangay Captains (ABCs) ng bayan ng Sariaya.

Layunin nito na masuportahan ng lahat ng mamamayan at mapangalagaan ang mga niyugan na tinatawag na Tree of Life.

Reported by: Jen-jen Oblefias

Wednesday, March 25, 2015

MGA ALPAS AT GALANG HAYOP IPINAGBABAWAL SA BARANGAY BALUBAL, SARIAYA QUEZON

Dahil sa mga reklamong natatanggap ng Kapitan ng Barangay na si Kapitan Napoleon “Nap” V. De Guzman mula sa kanyang mga kabarangay tungkol sa perwisyong idinudulot ng mga alpas at pagala-galang mga hayop dito.

Isang Kautusang Pambarangay ang ipinatutupad ngayon sa Brgy. Balubal, upang maiwasan na ang pagkasira ng mga pananim at pamumurwisyo sa mga may ari ng lupa ng mga gumagalang hayop na hindi naman nila pagmamay-ari.

Ipinapayo ng Punong Barangay na itali ang mga alaga nilang kabayo, mola, kalabaw, baka at iba pang pinaaamong hayop sa pamilya ng “bovine”.

Huwag umano itong hayaan na nakaalpas sa Pampublikong lugar gaya ng lansangan  at Pribadong lugar kabilang na ang mga palayan at iba pang lote na pagmamay-ari ng sinuman na hindi siyang may-ari ng  hayop.

Ang sinumang lalabag ay papatawan ng kaukulang multa ang may-ari, batay sa uri at klase ng hayop.

Ipinapataw ang mga kabayaran sa pagkukulong bawat araw ng mga hayop, na matatagpuang gumagala sa pampubliko at pribadong lugar, ikinukulong ito sa kural ng Barangay o iba pang mapagkukulungan na itinakda ng Sangguniang Barangay ng Balubal.

Ang multa sa Large cattle ay P100.00 kada araw, sa Swine, Hog, Pig (Baboy) ay P80.00, samantalang P50.00 naman ang multa sa kambing at sa aso, ay P30.00 ang kada araw.

Ang ipinataw na kaukulang halaga ng multa ay madaragdagan kada araw na ang mga hayop ay nasa pag-iingat ng tauhan ng barangay, kung saan ang “Poundage Fee” ay babayaran sa Ingat-Yaman dito bago ilabas ang ikinulong na hayop sa kural.

Para sa layunin ng batas pambarangay na ito, ang mga Barangay Tanod o mga kinauukulang mga mamamayan ay binibigyan ng kapangyarihan na manghuli at magkulong ng mga hayop sa gala sa Pambarangay na Kural at iba pang mga lugar na itinakda para dito.

Kung hindi o walang tumubos ng hayop sa loob ng limang (5) araw matapos ang petsa ng pagkakahuli ay maaari na itong ipagbili sa publikong-subasta.


Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

TIAONG QUEZON UMUUNLAD, DAHIL SA MGA PROYEKTONG IPINAPASOK DITO

Tunay nga na napakapalad ng bayan ng Tiaong sapagkat sa mga nakaraang taon ay kita na ang unti-unting pag-unlad nito, sa tulong ng mga nanunungkulan sa pamahalaan, ayon kay Mayor Ramon Preza.

Dahil sa mga malalaking proyekto na dinadala dito gaya ng paggawa ng isang malaking dam, pagtatayo ng mall, paglalagay ng isang malaking pabrika at ipa pa, ay natutulungan nito ang  mga tao dito.

Kasama na ang mga magsasaka sa pagmamaisan, kung saan nakakapagpataas ng pagtatanim ng mais dito sa probinsiya.

Dagdag pa ng punong bayan magdadala rin ng malaking kaunlaran sa ating lalawigan ang mga proyekto ng pamahalaan gaya ng P13.1 billion Expressway Extension mula sa Sto. Tomas, Batangas hanggang sa Lucena City sa Quezon.

Ang SLEX –TR4 Project  ay mandato sa ilalim ng Presidential Decrees 1112 at 1894 kung saan kabilang dito ang konstruksyon ng 58 kilometer na 4-lane toll road.

Sa Section 1, mula Sto. Tomas, Batangas patungong Macban, Laguna ay may 10.51km, sa Section 2, mula sa Macban patungo sa San Pablo , Laguna ay 12.2 km, habang sa Sec. 3 ang San Pablo to Tiaong Quezon ay 8.1 km.

Sec. 4 naman 14.4 km, mula Tiaong patungong Candelaria, Quezon at sa Sec. 5 ay 12.31 km mula Candelaria hanggang Lucena, Quezon.


Reported by: Jen-jen Oblefias