Thursday, June 4, 2015

BENEPISYO PARA SA MGA SENIOR CITIZENS SA SARIAYA QUEZON NAGPAPATULOY


Sariaya OSCA President - Gng. Luisita P. Rena with her husband.




Dahil sa paglago ng ekonomiya ng bansa nagkaroon ng reporma ang gobyerno, na dapat makinabang ang bata at matatanda bilang bahagi ng kaunlarang panlahat o inclusive growth.

Isa ang bayan ng Sariaya Quezon sa pamumuno ni Mayor Rosauro “Boyet” V. Masilang na nagpapatupad ng proyekto at mga programa, hindi lamang para sa kabataan kundi maging sa kapakinabangan ng mga nakatatanda.

Ngayong taon sa buwan ng Enero, nagsimulang tumanggap ng pagpapa-enrol sa Philhealth ang tanggapan ng Office of the Senior Citizens Affair (OSCA) sa naturang bayan.

Ayon kay Ginang Luisita P. Rena, presidente ng OSCA, daang tao kada araw ang dumadagsa sa kanilang tanggapan upang magpa-enrol (register) sa Philhealth.

May mga senior na wala pang Senior Citizens ID dahil hindi nila alam ang kahalagahan ng pagkuha nito, tulad ng pagkakaroon ng 20% diskwento (discount) sa pagbili ng gamot, pagkain, pamasahe sa mga pampsaherong sasakyan at iba pa, ngunit dahil isa ito sa mga requirements para magkaroon ng Philhealth Membership ay kumuha na rin sila. 

At upang masiguro na matatanggap ng mga nakatatanda ang mga benepisyong para sa kanila, ang mga bagong Senior Citizens na nakuha ng ID ay pinapi-fill-up na rin ng naturang opisina sa Philhealth Form.

Dagdag pa ni Ginang Luisita, ang mga dati ng naghuhulog sa Philhealth ay hindi na dapat mag-alala kapag kumuha ng membership pang Senior, sapagkat ang kanilang mga naihulog na ay naandon pa din at ito ay Lifetime Philhealth Coverage.

Hindi na kailangang magbayad ng Premium kapag senior na, pinahihinto na ito dahil libre na ang membership at lifetime na, kung may mga numero na dati ay yun na rin ang ginagamit.

Binago ang Senior Citizens ID, buo na nakalagay ang pangalan, middle initial at apelyido, kasama na ang araw ng kanilang kapanganakan o birthdate.

Kaya naman hindi na umano natatakot ma-ospital ang mga matatanda, ngayon na sila ay Philhealth Member na.

Para naman sa benepisyo ng mas nakatatanda lalo na ang mga indigent na may edad 77 years old pataas o mga ipinanganak ng mga taong 1930s ay benepisyaryo o makatatanggap sila ng buwanang pension o Social Pension for Indigent Senior Citizens bilang isa sa mga provisions na nakalahad sa Section 5 ng Republic Act 9994 o mas kilalang Expanded Senior Citizens Act of 2010, makakatanggap ng Government Assistance ang mga indigent Senior Citizens o Social Pension Program.

Sa Sec.3 nakasaad na ang “indigent senior citizens” ay pinakamahirap na matatanda na mahina na, may karamdaman o kapansanan, walang pension o wala ng nakukuhang suporta sa pamilya (walang permanenteng source of income) walang kasama sa buhay, mag-isang naninirahan at wala ng ibang maaasahan.

Nagkakahalaga ng limang daang piso (P500.00) ang Monthly Pension na matatanggap ng mga indigent na senior. 

Samantala, ang Life expectancy ng Pilipinong nakatatanda sa ngayon ay 72 years old ang babe at 68 years old ang lalaki, kaya naman mula sa edad 77 ay ibinaba ng edad 65 years old ang age qualification ng indigent senior citizen sector na makatatanggap ng naturang monthly social pension.

Ang mga hindi pa nakakakuha noong nakaraang taon mula January hanggang December 2014 na mga Sariayahing pensioner ay may makukuhang anim na libong piso (P6,000.00) at ngayong taon mula January hanggang May 2015 ay P2,500.00.


Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

Monday, June 1, 2015

PAG-AALAY AT SANTACRUZAN NAIDAOS NA SA SARIAYA QUEZON


Kada taon kapag sumapit na ang Mayo, asahan na ang kaliwa’t kanang pagdiriwang ng mga Kapistahan na tradisyon na ng mga katoliko.

Tuwing Flores de Mayo may tinatawag na “Alay sa Birhen o Alay kay Maria” bilang debosyon kay Birheng Maria.

Ang bayan ng Sariaya Quezon ay isa lang sa mga bayan sa Pilipinas na may pagdiriwang sa pista at may tinatawag na “Tapusan” o ang pag-aalay ng bulaklak sa Birheng Maria sa buong buwan ng Mayo. Kung saan nagtitipon ang mga mag-aalay sa “tuklong” o kapilya.

Iba’t ibang barangay ang nagsasagawa nito, Isa na dito ang Brgy. Poblacion Singko (5) ng naturang bayan sa ilalim ng pamumuno ni Kapitana Ma. Marivic Villamor.

Ayon kay Kagawad Cynthia Abanador ito ang ikalawang taon ng kanilang ginagawang pag-aalay, natigil umano ito ng sabihin ng pari na sa simbahan na lamang ito gawin, ngunit dahil sa kahilingan na rin ng mga tao, ito ay muling isinagawa noong nakaraang taon sa kanilang barangay mula unang araw hanggang huling araw ng Mayo.

Aniya sinisimulan muna ang pag-aalay sa pamamagitan ng pagro-rosary ng mga bata sa hapon. 

Pinaniniwalaang nagsimula ang tradisyong ito noong 1854 nang iproklama ng Vatican ang doktrina ukol kay Immaculate Concepcion.




Tinatayang 1867 naman nagsimula sa Pilipinas ang Flores de Mayo na debosyon ng mga Katoliko sa mahal na birhen, bilang reyna ng mga bulaklak, kung saan nagkakaroon nga ng pag-aalay ng bulaklak kay Maria sa buong buwan ng Mayo na may kalakip na pagninilay.

Sa isa pang pag-aaral, ayon sa isang Italianong Heswita na si Annibale Dionisi, ang pinakamatandang petsa kung saan naganap ang kahanga-hangang pag-aalay ng mga bulaklak kay Maria ay noong taong 1726 at Mayo ng taong 1784 ng ginanap ito sa siyudad ng Ferrara, Italia.

Bukod sa nabanggit na “Pag-aalay” isa pang debosyon ang isinasagawa pa rin ng mga Sariayahin, ito ang “Santacruzan”. Na ayon sa isang lumang kalendaryo ng Simbahang Katoliko, ang ikatlo ng Mayo ay ipinagdiwang na “Pagkakita o Pagkadiskobre ng Krus na Pinagpakuan (diumano) kay Hesus (Finding of the Cross) ni Emperatris Elena, ang nanay ni Emperador Constantino, na siya namang Emperador ng Roman Empire mula noong taong 312. Ngunit noong 1965, nilimitahan na ang napakaraming pistang ipinagdiriwang. 

Dito may prusisyon kung saan nakasuot ang mga kababaihan ng mga magagarang pormal na damit o gown, na sumasagisag sa "Accolades of Our Lady" na may escort na mga kalalakihan. 

Pero sa prusiyon na ito ay may mga titulo ang bawat sagala. May tinatawag na Reyna Elena, Reyna Emperatriz, Reyna ng mga Propeta at iba pa.  

 
Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

Wednesday, May 27, 2015

BAYANG MAPAGMALASAKIT PROJECT, HUMIGIT 2,000 SARIAYAHIN NA ANG NATULUNGAN

Bayang Mapagmalasakit Project sa Brgy. Concepcion Pinagbakuran


Upang mas mapalapit sa tao ang pamahalaan, isang proyekto ang inilulunsad ngayon sa bayan ng Sariaya Quezon, sa pangunguna ni Mayor Rosauro “Boyet” V. Masilang.

Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga barangay ay naipagkakaloob sa mamamayan ang “Bayang Mapagmalasakit Project”.

Kung saan dito nagkakaroon ng Community Forum, On-Site Delivery of Services at Turn-over of Project Assistance.

Ang mga Serbisyong ibinibigay dito ay Free Registration of Birth, Job Recruitment, Free Medical and Dental Service, Free Haircut (Libreng Gupit), Free Circumcision (Libreng Tuli) at Animal Vaccination.

Anim (6) na sa 43 barangay dito ang nabisita ng Lokal na pamahalaan, kung saan humigit 2,000 na ang natulungan ng iba’t ibang serbisyo na dinala sa mga barangay, gaya ng: Brgy. Mamala I (Kap. Ernesto D. Remo), Brgy. Sampaloc II (Kap. Aristeo M. Ilao), Brgy. Lutucan I (Kap. Juanita Reyes), Brgy. Gibanga (Kap. Mateo R. Nollen Jr.), Brgy. Manggalang Kiling (Kap. Reynaldo C. Malabanan) at Brgy. Concepcion Pinagbakuran (Kap. Pedro C. Manongsong).

Humigit 600 ang natulungan ng Free Medical and Dental Services, nasa 100 mahigit ang nagparehistro sa Free Birth Registration at tumaas ng nasa 538 ang bilang ng nagpagupit matanda man o bata.

Madami rin ang nakapag-patuli sa Free Circumcision Service habang umakyat na rin ang bilang ng pinaturukang hayop sa Free Animal Vaccination.

Bukod sa Libreng Serbisyo (On-Site Delivery of Services), nagkaloob rin ang Sariaya Local Government Units (LGUs) ng First Aid Kit, Spire Board, ilang sako ng Fertilizers (organic and inorganic), packs of groceries at mga pananim na buto o binhi. 

Assorted farm tools ang karagdagang ipinagkaloob sa Brgy. Gibanga habang nabigyan din ng semento at toilet bowls ang Brgy. M. Kiling.

Tig-isangdaan (100) na piraso naman na bakal (rebar) at guyabano seedlings ang naibigay pa sa Brgy. C. Pinagbakuran.

At 150 piraso ng Fruit bearing Trees Seedlings ang ipinamahagi sa Brgy. Mamala I, mga seedlings ng Lansones kung saan, 160 pcs. sa Sampaloc II at 150 pcs. sa Lutucan I ang ibinigay.

Katuwang ng Lokal na pamahalaan ang iba’t ibang grupo sa pagsasa-ayos ng aktibidad na ito, kabilang ang  Local Disaster Risk Reduction and Management Office - Emergency Response Team (LDRRMO-ERT), Sariaya Municipal Police Station, Sariaya Municipal Fire Station, Army (85th Infantry Battalion ng 2nd Infantry Division), Bantay ng Bayan at Kabalikat Civicom (999) Sariaya Chapter.

Asahan na magpapatuloy ang Bayang Mapagmalasakit Project 2015 at madaragdagan pa ang bilang ng mga Sariayahin na matutulungan nito.



Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS