Sunday, December 13, 2015

LALAKI PATAY MATAPOS SAKSAKIN NG KAPUSTAHAN

Isang tawag mula kay PO1 Zubia, Sub-Station member ng Sariaya PNP, ang natanggap ng Sariaya MPS dakong alas-8:55 kagabi, kung saan dalawang grupo umano ng kalalakihan ang nagpustahan para sa karera ng motorsiklo sa Brgy. San Roque, Sariaya Quezon, kung saan matapos ang pustahan ay nagkaroon ng krimen.

Ang isang grupo ay kinabibilangan ng biktimang si Sherwin Sulit Sanggalang, 24 anyos, isang magsasaka at residente ng Sitio Dulohan, Brgy. Janagdong 2 at ang grupo ng suspek na si Jaime VeraƱa Panganiban Jr @Onyok na residente naman ng Sitio Marichi, ng naturang barangay.

Ayon sa ulat ng Sariaya PNP, natalo ang grupo ng suspek sa pustahan, kung kaya muli nitong hinamon ng isa pang karera ang grupo ng biktima, ngunit tumanggi ito at sinabing sa ibang araw na lang.

Dakong alas-8:45 ng gabi ring iyon, hiningi ng biktima sa suspek ang perang napanalunan sa pustahan, ngunit imbis na ibigay ay sinaksak nito ng dalawang beses ang biktima.
Dinala ng mga kaanak ang biktima sa Lucena United Doctors Hospital ngunit kaagad din itong binawian ng buhay habang sumasailalim sa medical treatment.


Patuloy naman ang follow-up investigation upang madakip ang tumakas na suspek.


                                                                                                                JEN-JEN OBLEFIAS

Thursday, December 10, 2015

LALAKI NATAGPUANG PATAY SA SARIAYA QUEZON

Natagpuang wala ng buhay ang isang lalaki, sa madamong bahagi ng Sitio Manggahan ng Brgy. Janagdong 1, Sariaya Quezon.

Sa ulat mula sa Sariaya Municipal Police Station dakong alas-7:00 ng umaga ng makatanggap ng tawag ang kanilang himpilan, mula sa kapitan ng naturang barangay na si Kap. Nonilon M. Dudas, kung saan isa umanong residente ng nabanggit na lugar ang nakakita ng naturang bangkay dakong alas-6:10 ng umaga habang ito ay naglalakad.

Nakilala ang biktima na si Nonilon Millan Jimenez, 45 anyos, at residente ng Sitio Bayuhan ng naturang barangay, posibleng ang mga saksak umano nito sa iba’t ibang parte ng katawan ang naging sanhi ng kaagaran nitong kamatayan.

Ayon sa SOCO Team kung saan pinangunahan ni Psupt Oscar Mojica ang Crime Scene Investigation (CSI), bukod sa bangkay ng biktima walang natagpuang ebidensya dito.

Kaya naman patuloy ang follow-up investigation na isinasagawa ng kapulisan.


                                                                                                                JEN-JEN OBLEFIAS

Thursday, December 3, 2015

PAGBUBUKAS NG CHRISTMAS LIGHT SA MUNICIPYO MAAGANG PAMASKO SA MGA SARIAYAHIN

Kahit saan nga ay makikita na ang mga palamuti at nagniningningang ilaw pagsapit ng gabi, palatandaan ng paparating na kapaskuhan.

Sa bayan ng Sariaya sinimulan na ang pagpapailaw ng Christmas light ng Munisipyo at Parke noong Lunes, sa pangunguna ng punong bayan na si Mayor Rosauro “Boyet” Masilang, kasama ang Sariaya Tourism Council, mga empleyado ng Lokal na Pamahalaan, Konsehal, Kapitan, Kapulisan at marami pang iba.

Kasabay ng pagpapalit-palit ng ilaw, ang mga awiting pamasko na kinagiliwan ng mga nanonood.

Ayon sa mga sariayahin, ito ay maagang pamasko sa kanila, kung saan pag sapit ng dilim at sinimulan ng buksan ang mga ilaw na nagiging atraksyon hindi lamang ng mga tao dito kundi maging ng mga dumadayo sa kanilang bayan ay nagiging masayang pasyalan ang parke na nasa harapan ng munisipyo.

Ilan rin ang nagsabi na wala naman silang pangdekorasyong Christmas Tree at Christmas light, maging ng panghanda, kaya naman upang maging maganda at masaya sila ngayong Christmas season ay dadalhin na lamang nila ang kanilang pamilya dito.


Hindi bale na umanong walang pera, basta sama-sama at buo ang pamilya.   




JEN-JEN OBLEFIAS

Friday, November 27, 2015

MAGSASAKANG PUSHER TIMBOG SA SARIAYA

Isang magsasakang tulak ang naaresto kamakailan sa Brgy. Bignay 2, Sariaya Quezon, matapos magsagawa ng isang buy-bust operation ang kapulisan sa pamumuno ni PSI Fernando Reyes III.

Nakilala ang suspek na si Felix Braza Rivera @Felix (42 anyos, may asawa at residente ng Sitio Tabag ng nabanggit na lugar).

Nahuli ito sa akto ng pagbebenta ng shabu sa isang confidential informant kapalit ng isang piraso ng P500 bill bilang marked money habang narekober naman ang 2 piraso ng selyadong transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang droga na humigit kumulang 1.66 grams na may estimated market value na ₱2,500 at tatlong piraso ng selyadong plastic sachet na naglalaman naman ng pinaghihinalaang dried marijuana leaves na humigit kumulang 1.77 grams at nagkakahalaga ng nasa humigit kumulang P100.

Nakuha din ang P500 na ginamit bilang marked money at mga assorted drug paraphernalia.

Dahil dito nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek.


JEN-JEN OBLEFIAS

Thursday, November 26, 2015

SARIAYA PULIS WALANG INUURUNGANG KRIMEN

Bukod sa pagpapaigting ng kampanya ng kapulisan, laban sa iligal na droga at “Drug Free Family Program” sa bayan ng Sariaya, ang seven major crimes  of concern, ng lambat sibat,  kasama na ang theft,  ay isa lamang sa mga kaso na tinututukan ng Sariaya Municipal Police Station.

At bukod sa pagpapatrolya sa mga lansangan ng poblacion, nagbigay din ng direktiba si Police Supt Harold P Depositar, ang Chief of Police ng Sariaya MPS, sa kanyang mga tauhan, na bukod sa kalsada ay pumasok din sa mga area o barangay, upang kamustahin ang sitwasyon doon.

Sa kaso naman ng sinasabing nakawan ng kable, sinabi niya na “yung report na mga nakawan ng kable, walang nakakarating sa aking kaalaman, kasi every week may lambat sibat kami kasama yan theft yan” aniya.


Ganon pa man, hinihiling ng kapulisan ang koordenasyon o kooperasyon ng bawat mamamayan na mag-report sa kanila, kahit petty crimes lang na nangyayari sa kanilang barangay, lalo na nga at sila ang biktima dahil maliit man o malaking krimen, hindi nila ito palalampasin.



JEN-JEN OBLEFIAS