Ang TB o ang Tuberculosis nga ay isa sa mga sakit na nagiging sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino.
Ito ay nagmumula sa mikrobyo na kung tawagin ay “mycobacterium tuberculosis”, ang mikrobyong ito ay mula sa plemang nagmula sa baga ng maysakit, hindi ito katulad ng ordinaryong sipon at ubo sapagkat ito ay sanhi ng bacteria na hindi gumagaling nang walang tamang gamutan.
Dahil sa binibigyang importansiya ni Quezon Gov. David “Jayjay”Suarez ang kalusugan ng bawat mamamayan ng Quezon katuwang ang Serbisyong Suarez para sa Kalusugan ay ikinatuwa niya ang pakikipag-ugnayan sa pamahalaang panlalawigan ng mga bumubuo ng “Innovations and Multisectoral Partnerships to Achieve Control of TB" (IMPACT) para sa pagsugpo ng sakit na tuberculosis o TB.
Layunin nito na mapalakas ang programa sa pagsugpo ng naturang sakit. Base sa kanilang pag-aaral ay ika-siyam ang Pilipinas sa buong mundo na may mataas na kaso ng TB at ika-anim naman sa nagiging sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino.
Ito ang bagong sinusuportahang TB Control Project ng USAID sa loob ng limang taon simula noong October 2012 hanggang September 2017, ayon kina Dr. Jocelyn Cabarles at Dr. Karen Dalawangbayan, kasunod na proyekto, pagkatapos ng “Linking Initiatives and Networking to Control TB” (TB LINC).
Ayon kay NTP Medical Coordinators, Dr. Erlinda Plotria ng Chest Clinic, sisimulan ang naturang programa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng situational analysis sa Feb. 25 –Feb. 28, 2013 sa buong lalawigan at magkakaroon ng overall TB assessment na magiging basehan ng kinakailangang intervention at prioritization ng isang lugar.
Ang IMPACT ay pinamamahalaan ng Philippine Business for Social Progress (PBSP), non-government organization na nagkakaloob ng technical assistance sa National TB Control Program.
Sa tulong ng Provincial Health Office (PHO) sa pamumuno ni Dr. Agripino Tullas at ng National Tuberculosis Program (NTP) Medical Coordinators, sa pamumuno ni Dr. Erlinda Plotria ng Chest Clinic, at pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ng Ama ng lalawigan ay ibibigay ang buong suporta at ipagkakaloob ang lahat ng kakailanganin upang maging matagumpay ang naturang programa.
No comments:
Post a Comment