Friday, December 18, 2015

LALAKING NAGBEBENTA NG DROGA, ARESTADO!

Isang lalaki ang naaresto sa isinagawang buy bust operation sa Sitio Centro, Brgy. Bignay 1, Sariaya Quezon.

Habang ito ay nasa akto ng pagbebenta ng isang transparent plastic sachet, na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu sa isang confidential informant na umaktong poseur buyer, kapalit ng tatlong (3) piraso ng isandaang piso na ginamit bilang marked money.

Nasa humigit kumulang .15 grams ng droga na may market value na Php 300.00 ang nakumpiska sa suspek, na nakilalang si Reymark Umilda Buela @Macmac, 24 anyos at residente ng nabanggit  na lugar.

Ang nakumpiskang ebidensya ay dadalhin sa QPCLO, Camp Nakar, Lucena City, para sa laboratory examination, habang ang suspek ay nahaharap sa kasong Violation of Sec. 5, Art. II ng RA 9165.

JEN-JEN OBLEFIAS

Tuesday, December 15, 2015

3 SACHET NG SHABU NAKUMPISKA SA ISANG MOTORISTA

Alas-7:00 kagabi habang nagsasagawa ng follow-up operation tungkol sa ulat na nakawan sa Brgy. Balubal, Sariaya Quezon, ang Sariaya PNP sa pangunguna ni PSI Fernando Reyes III, sinita nila ang isang motorista na walang helmet, sakay ng isang kulay itim na Honda Wave motorcycle na walang plaka.

Habang hinihingi ng otoridad ang driver’s license at CR/OR ng motor upang makita, tatlong (3) piraso ng selyadong transparent plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu ang aksidenteng nahulog mula sa bulsa nito habang kinukuha ng lalaki ang mga dokumento, na agad narekober ng pulis.

Tumitimbang ito ng humigit kumulang 1.2 grams at may estimated street value na P2,000.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek na nakilalang si Glen Masilang Celera, 22 anyos, sa Sariaya MPS custodial facility at nahaharap sa kasong Violation of Sec 11, Art II ng RA 9165 at traffic citation ticket para sa Violation of RA 4136.


JEN-JEN OBLEFIAS

Sunday, December 13, 2015

LALAKI PATAY MATAPOS SAKSAKIN NG KAPUSTAHAN

Isang tawag mula kay PO1 Zubia, Sub-Station member ng Sariaya PNP, ang natanggap ng Sariaya MPS dakong alas-8:55 kagabi, kung saan dalawang grupo umano ng kalalakihan ang nagpustahan para sa karera ng motorsiklo sa Brgy. San Roque, Sariaya Quezon, kung saan matapos ang pustahan ay nagkaroon ng krimen.

Ang isang grupo ay kinabibilangan ng biktimang si Sherwin Sulit Sanggalang, 24 anyos, isang magsasaka at residente ng Sitio Dulohan, Brgy. Janagdong 2 at ang grupo ng suspek na si Jaime VeraƱa Panganiban Jr @Onyok na residente naman ng Sitio Marichi, ng naturang barangay.

Ayon sa ulat ng Sariaya PNP, natalo ang grupo ng suspek sa pustahan, kung kaya muli nitong hinamon ng isa pang karera ang grupo ng biktima, ngunit tumanggi ito at sinabing sa ibang araw na lang.

Dakong alas-8:45 ng gabi ring iyon, hiningi ng biktima sa suspek ang perang napanalunan sa pustahan, ngunit imbis na ibigay ay sinaksak nito ng dalawang beses ang biktima.
Dinala ng mga kaanak ang biktima sa Lucena United Doctors Hospital ngunit kaagad din itong binawian ng buhay habang sumasailalim sa medical treatment.


Patuloy naman ang follow-up investigation upang madakip ang tumakas na suspek.


                                                                                                                JEN-JEN OBLEFIAS

Thursday, December 10, 2015

LALAKI NATAGPUANG PATAY SA SARIAYA QUEZON

Natagpuang wala ng buhay ang isang lalaki, sa madamong bahagi ng Sitio Manggahan ng Brgy. Janagdong 1, Sariaya Quezon.

Sa ulat mula sa Sariaya Municipal Police Station dakong alas-7:00 ng umaga ng makatanggap ng tawag ang kanilang himpilan, mula sa kapitan ng naturang barangay na si Kap. Nonilon M. Dudas, kung saan isa umanong residente ng nabanggit na lugar ang nakakita ng naturang bangkay dakong alas-6:10 ng umaga habang ito ay naglalakad.

Nakilala ang biktima na si Nonilon Millan Jimenez, 45 anyos, at residente ng Sitio Bayuhan ng naturang barangay, posibleng ang mga saksak umano nito sa iba’t ibang parte ng katawan ang naging sanhi ng kaagaran nitong kamatayan.

Ayon sa SOCO Team kung saan pinangunahan ni Psupt Oscar Mojica ang Crime Scene Investigation (CSI), bukod sa bangkay ng biktima walang natagpuang ebidensya dito.

Kaya naman patuloy ang follow-up investigation na isinasagawa ng kapulisan.


                                                                                                                JEN-JEN OBLEFIAS

Thursday, December 3, 2015

PAGBUBUKAS NG CHRISTMAS LIGHT SA MUNICIPYO MAAGANG PAMASKO SA MGA SARIAYAHIN

Kahit saan nga ay makikita na ang mga palamuti at nagniningningang ilaw pagsapit ng gabi, palatandaan ng paparating na kapaskuhan.

Sa bayan ng Sariaya sinimulan na ang pagpapailaw ng Christmas light ng Munisipyo at Parke noong Lunes, sa pangunguna ng punong bayan na si Mayor Rosauro “Boyet” Masilang, kasama ang Sariaya Tourism Council, mga empleyado ng Lokal na Pamahalaan, Konsehal, Kapitan, Kapulisan at marami pang iba.

Kasabay ng pagpapalit-palit ng ilaw, ang mga awiting pamasko na kinagiliwan ng mga nanonood.

Ayon sa mga sariayahin, ito ay maagang pamasko sa kanila, kung saan pag sapit ng dilim at sinimulan ng buksan ang mga ilaw na nagiging atraksyon hindi lamang ng mga tao dito kundi maging ng mga dumadayo sa kanilang bayan ay nagiging masayang pasyalan ang parke na nasa harapan ng munisipyo.

Ilan rin ang nagsabi na wala naman silang pangdekorasyong Christmas Tree at Christmas light, maging ng panghanda, kaya naman upang maging maganda at masaya sila ngayong Christmas season ay dadalhin na lamang nila ang kanilang pamilya dito.


Hindi bale na umanong walang pera, basta sama-sama at buo ang pamilya.   




JEN-JEN OBLEFIAS

Friday, November 27, 2015

MAGSASAKANG PUSHER TIMBOG SA SARIAYA

Isang magsasakang tulak ang naaresto kamakailan sa Brgy. Bignay 2, Sariaya Quezon, matapos magsagawa ng isang buy-bust operation ang kapulisan sa pamumuno ni PSI Fernando Reyes III.

Nakilala ang suspek na si Felix Braza Rivera @Felix (42 anyos, may asawa at residente ng Sitio Tabag ng nabanggit na lugar).

Nahuli ito sa akto ng pagbebenta ng shabu sa isang confidential informant kapalit ng isang piraso ng P500 bill bilang marked money habang narekober naman ang 2 piraso ng selyadong transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang droga na humigit kumulang 1.66 grams na may estimated market value na ₱2,500 at tatlong piraso ng selyadong plastic sachet na naglalaman naman ng pinaghihinalaang dried marijuana leaves na humigit kumulang 1.77 grams at nagkakahalaga ng nasa humigit kumulang P100.

Nakuha din ang P500 na ginamit bilang marked money at mga assorted drug paraphernalia.

Dahil dito nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek.


JEN-JEN OBLEFIAS

Thursday, November 26, 2015

SARIAYA PULIS WALANG INUURUNGANG KRIMEN

Bukod sa pagpapaigting ng kampanya ng kapulisan, laban sa iligal na droga at “Drug Free Family Program” sa bayan ng Sariaya, ang seven major crimes  of concern, ng lambat sibat,  kasama na ang theft,  ay isa lamang sa mga kaso na tinututukan ng Sariaya Municipal Police Station.

At bukod sa pagpapatrolya sa mga lansangan ng poblacion, nagbigay din ng direktiba si Police Supt Harold P Depositar, ang Chief of Police ng Sariaya MPS, sa kanyang mga tauhan, na bukod sa kalsada ay pumasok din sa mga area o barangay, upang kamustahin ang sitwasyon doon.

Sa kaso naman ng sinasabing nakawan ng kable, sinabi niya na “yung report na mga nakawan ng kable, walang nakakarating sa aking kaalaman, kasi every week may lambat sibat kami kasama yan theft yan” aniya.


Ganon pa man, hinihiling ng kapulisan ang koordenasyon o kooperasyon ng bawat mamamayan na mag-report sa kanila, kahit petty crimes lang na nangyayari sa kanilang barangay, lalo na nga at sila ang biktima dahil maliit man o malaking krimen, hindi nila ito palalampasin.



JEN-JEN OBLEFIAS

Wednesday, November 25, 2015

MGA PUNONG BARANGAY, SUPORTADO ANG DRUG FREE FAMILY PROGRAM SA BAYAN NG SARIAYA

Naging positibo nga ang resulta ng mga isinasagawang buy-bust operation ng mga elemento ng Sariaya Municipal Police Station, kung saan nahuhuli ang mga gumagamit at tulak ng droga sa bayan ng Sariaya.

Bunsod ito ng pinalakas na kampanya laban sa iligal na droga at ng “Drug Free Family Program” ng MADAC o Municipal Anti-Drug Abuse Council at BADAC o Brgy. Anti-Drug Abuse Council, sa pangunguna ng mga kapitan ng mga barangay.

Ayon sa mga nakapanayam natin na punong barangay, ang programang ito ay lubos nilang sinusuportahan.  Bukod kasi sa pagiging ama ng kanilang nasasakupan ay magulang din sila, na mayroong anak na nais nilang protektahan at maiiwas sa ipinagbabawal na gamot.

Batid nila ang masamang epekto nito, kung saan nagiging suki na rin ang mga kabataan at nasasangkot sa iba’t ibang klase ng krimen na nagagawa dahil sa drugs addiction.

Ilan rin sa mga hakbangin na kanilang ginagawa ay ang pakikipag-ugnayan sa mga magulang, pagtutok sa mga aktibidad ng barangay, lalo na yung may kinalaman sa interest ng kabataan tulad ng sports at marami pang iba.


Sa ganitong paraan naipapakita umano nila ang malaking suporta sa nasabing programa kontra droga.



JEN-JEN OBLEFIAS

Friday, November 13, 2015

LALAKI ARESTADO HABANG NAGBEBENTA NG DROGA SA BRGY. SAN ROQUE, SARIAYA QUEZON

Arestado ang isang lalaki sa isinagawang buy bust operation sa Brgy. San Roque, Sariaya Quezon, dakong ala-1:40 ng hapon kamakalawa. 

Sa pinagsanib na pwersa ng Sariaya Municipal Police Station, sa pangunguna ni PSI Fernando Reyes III kasama ang Anti-Organized Crime Task Force at Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group na kinabibilangan nina 2Lt. Eryl Roberts, Staff Sergeant (SSG) Robert Muyco, Civil Affairs (CA) Aloysius Recio, P03 Wilfredo Melina, P02 Jimmy Autida at P01 Erick John Quejano.

Ang suspek ay nakilalang si Marvin Austria Mayuga, 25 anyos na residente ng Sitio Banlikan ng nabanggit na lugar, nahuli ito sa aktong pagbebenta ng isang sachet, na naglalaman ng pinaghihinalang shabu sa isang civilian poseur buyer, kapalit ng tatlong piraso ng one hundred peso bill (P100.00) na ginamit bilang marked money.

Sa nasabing operasyon nakumpiska sa suspek ang nabanggit na marked money habang narekober naman sa civilian poseur buyer ang sachet ng pinaghihinalaang shabu na tumitimbang ng 0.08 grams na may estimated market value na ₱900.

Kasalukuyang nakakulong si Mayuga sa Sariaya MPS Custodial Facility habang nahaharap sa kasong Violation of Section 5, Article II ng RA 9165. Habang ang nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa (QPCLO) Quezon Provincial Crime Laboratory Office sa Camp Nakar, Lucena City para sa Laboratory Examination.



JEN-JEN OBLEFIAS

Thursday, November 12, 2015

IBA’T IBANG PAMAMARAAN SA PAGPAPANATILI NG PEACE AND ORDER SA BAYAN NG SARIAYA, REGULAR NA ISINASAGAWA NG KAPULISAN


Bukod sa positibong resulta ng OPLAN-Lambat Sibat ng Quezon Provincial Police Office (QPPO) at buy-bust operation sa bayan ng Sariaya, patuloy rin ang dayalogo sa iba't ibang sektor lalo na sa mga kabataan tungkol sa Drug's Awareness Campaign.

May beat patrol kung saan naglalakad ang mga miyembro ng kapulisan at namimigay ng mga babasahin (flyers) tungkol sa Tanong at Sagot ukol sa Batas Pambansa Blg. 9262, kung saan ito ay tungkol sa batas, laban sa karahasan sa kababaihan at sa kanilang mga anak.

Kasama dito ang mga Tips para makaiwas sa iba't ibang krimen gaya ng holdap, robbery, motor napping, car napping at iba pa.

Nagsasagawa rin ng Police Assistance sa Ugnayan sa Barangay na pinangungunahan ng Lokal na Pamahalaan, kung saan nagi-issue rin ng police clearance ng walang bayad ang Sariaya Municipal Police Station.

Ito rin ang pagkakataon kung saan idini-discuss ng kapulisan sa mga tao dito ang Peace and Orderliness, Crime Prevention Tips, Revitalized Campaign ng PNP laban sa iligal na droga at ang programa ng Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) at Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) na tinatawag na "Drug Free Family" kung saan kapag napatunayan na ang isang pamilya ay walang gumagamit ng drugs, bibigyan sila ng sticker at ididikit sa kanilang bahay na nagpapatunay na walang User at Pusher doon. 



JEN-JEN OBLEFIAS

Wednesday, November 11, 2015

LALAKI ARESTADO SA PAGBEBENTA NG DROGA SA SARIAYA

Arestado ang isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation sa Sitio Manggahan ng Brgy. Janagdong 1, Sariaya Quezon, matapos itong mahuli, sa akto ng pagbebenta ng isang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, kapalit ang isang piraso ng P500 pesos bill, bilang marked money.

Narekober at nakumpiska ang 6 na piraso ng plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang iligal na droga na tumitimbang ng 0.88 grams at may estimated amount market value na P10,300, 4 na piraso ng Identification Cards gaya ng BIR, SSS, COMELEC at PhilHealth, isang pirasong body bag na kulay green at yellow, bench wallet na kulay brown, P7,350 cash money sa iba’t ibang denomination na pinaghihinalaang gamit sa transaksyon at isang kahon ng posporo.

Nakilala ang suspek na si Jomart Arandia Adivino @Pugoy/Togoy (34 years old, may live-in partner at tubong Bayanan Muntinlupa City na kasalukuyang naninirahan sa Sariaya.

Nakadetine na ito sa Sariaya Municipal Police Station at nahaharap sa kasong Violation of Section 5 and 11, Article II ng RA 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act.



JEN-JEN OBLEFIAS

Tuesday, November 10, 2015

MGA PROYEKTO AT PROGRAMANG PANG-EDUKASYON SUPORTADO NG LOKAL NA PAMAHALAAN NG SARIAYA QUEZON

Isa sa pinahahalagahan ng Lokal na Pamahalaan ng Sariaya ang Edukasyon, ito ay sa paniniwala na ang kinabukasan ng bayan ay nakasalalay sa kung paano hinuhubog ang mga anak ng kanilang mga magulang, kaya naman maraming proyekto at programang pang-Edukasyon ang isinasagawa ngayon sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Rosauro “Boyet” V. Masilang, upang mapataas ang kalidad nito.

May tinatawag na School Empowerment Fund na nakalaan dito para sa repair at maintenance ng school facilities na may halagang umaabot sa P1,250,000.00 na ibinabahagi ng pantay-pantay sa lahat ng mga pampublikong elementarya at high schools.

Meron ring ALS o Aid to Alternative Learning System para sa gustong mag-aral kahit may edad na, mula sa P 150,000.00 ay pinalaki ito sa halagang umaabot sa P 782,000.00 annually.

Para naman sa mga estudyanteng kalahok sa mga kumpetisyong pang-akademiko ay nagkaroon naman ng Pupil Academic Development Fund. Bukod sa mga ito may malaking bahagi din ng pondo na ginugugol sa training sa pagpapa-unlad ng kakayahan ng mga guro gaya ng Lakbay-Aral.

Pinaglaanan rin ng milyong pondo ang Locally Funded Teacher (LFT) na karaniwan na ang sweldo lamang ay umaabot ng tatlo hanggang limang libong piso (P5,000), subalit ang LFT sa Sariaya ay sumusweldo ng P10,000 kada buwan na siyang pinaka malaki sa buong 2nd District ng Quezon.



JEN-JEN OBLEFIAS

Thursday, October 1, 2015

DALAWANG KOLEKTOR NG STL BOOKIES SA SARIAYA, ARESTADO !

Sa patuloy na pagbabantay ng Sariaya Municipal Police Station sa krimen at pagpapanatili ng Peace and Order sa Bayan ng Sariaya Quezon, bukod sa droga mahigpit ding binabantayan ang iba’t ibang klase ng iligal na sugal.

Katuwang ng istasyong nabanggit ang Quezon-CIDG na pinamumunuan ni PCI Danilo F Balmes, kung saan sa huling araw ng setyembre ay nagkaroon ito ng positibong resulta.

Dalawang bookies collector ang arestado sa Brgy. Manggalang Bantilan ng bayang nabanggit, nauna na dito ang isang Alvin Salcedo La Torre (29 years old) na residente ng Sitio Talipapa, habang nangongolekta ng pusta o taya sa STL. 

Nakuha dito ang sampung (10) piraso ng lastillas na may mga nakasulat na numero, isang piraso ng itim na bolpen at halagang Php. 1,655.00 (bet money) sa iba’t ibang denominasyon.

Sinundan ng pagkakadakip sa isa pang kolektor na nakilalang si Joel Abanilla Adan (32 years old), sa Sitio Palitid ng nabanggit ring barangay. 

Narekober dito ang siyam (9) na piraso ng lastillas na may nakasulat na mga numero, itim na bolpen at bet money na nagkakahalaga ng Php. 1,410.00.


Kapwa nakakulong ang dalawa sa Quezon CIDG Custodial Facility Center sa Lucena City at nahaharap sa kasong Violation of RA 9287 (STL Bookies).


                                                                                                                JEN-JEN OBLEFIAS

Thursday, September 24, 2015

SUNDALO PATAY MATAPOS MAAKSIDENTE SA DAAN

Agad binawian ng buhay ang isang Enlisted Personnel Army, na nakilalang si Cpl Leonardo Abrogena Dacanay (33 years old) ng 2nd  Infantry Division (2ID) at residente ng Brgy. Dalahican, Lucena City, matapos itong maaksidente sakay ng isang Suzuki Raider 150 Motorcycle na walang plaka.

Dakong alas-9:30 kagabi ng madaanan ng 97.5 Radio City News Correspondent (Jen-jen) kasama ang dalawang miyembro ng Kabalikat Civicom (999) Sariaya Chapter, ang kahabaan ng Diversion Road na bumabagtas patungong Lucena City sakay ng 2 motorsiklo, ng mapansin sa gawing kanan ng kalsada ang ilang mga tao na animo’y nagtatrapik at naglagay ng ilang harang sa road lane na pasilangan.

Sa dulo ay nakita na nga ang biktimang duguan kung saan ito ay nakadapa sa tabing kalsada at sa ilang hakbang lang ay ang isang nakatumbang motorsiklo.

Ayon sa ilang saksi hindi nila umano masyado nakita ang pangyayari dahil sa sobrang dilim ng lugar na nasa bahagi ng Brgy. Mayuwi, Tayabas City, sa pag-uusisa ay napansin ng ilan, na tao ito at agad naman naglagay ng ilang harang upang hindi na ito masagasaan ng mga dumaraang sasakyan.

Nagtanong ang isa sa mga miyembro ng Kabalikat sa mga nandon kung may humingi na ng police assistance at agad na tinungo ang Police Checkpoint na nasa bahagi ng Brgy. Calumpang, sa pagbalik ay kasama na nito ang isang miyembro ng Tayabas Municipal Police Station na si PO3 Rommel Santos.

Samantala ayon sa isa pang tagaroon na ating nakausap, hinabol umano niya ang nakabanggang truck gamit ang motor hanggang sa Calumpang patungong Sariaya Quezon, muntik na umanong maaksidente ang naturang lalaki dahil sa nagpatay ng ilaw ang driver ng truck, buti na lamang umano ay kaagad siyang nakapag-preno, at nagpasalamat siya at  agad namang naharang ito ng kapulisan. Kapwa patungo sa direksyon ng Lucena ang dalawang sangkot na sasakyan ng maganap ang aksidente.

Kinilala ang suspek at driver na si Eugenio Braulio Montoya (54 years old) at residente ng Masalukot 1, Candelaria Quezon, napag-alaman na ang minamaneho nitong sasakyan na Mitsubishi-Fuso Truck na may plate number CSD 663, na nakahagip sa nagmomotor na biktima ay nakarehistro sa isang Manuel C. Licup.

Ang mga labi ng biktima ay nasa Funeraria Pagbilao, Lucena City habang ang suspek ay nasa kustodiya ng Tayabas Police Station.


 Jen-jen Oblefias

Friday, July 31, 2015

DRUGS TUTUTUKAN NG POLICE SARIAYA

Isa sa mga nangunguna sa listahan ng Crime List ng Sariaya Municipal Police Station, ang droga, sa nagtutulak, gumagamit at gumagawa ng krimen dahil dito.

Bukod sa mga intel report, nahuhuli rin ang mga nagdadala nito sa mas pinaigting na OPLAN Lambat Sibat, kung saan bukod sa regular na police visibility and patrolling, nariyan din ang regular at sorpresang pagsasagawa ng mga checkpoint sa iba’t ibang barangay ng Sariaya.

Isa na nga dito ay ang pagkakahuli sa mga motorista kung saan nakukumpiskahan ang mga ito ng sachet ng shabu. Kadalasan ay sa mga oras na isinasagawa ang OPLAN Sita o Checkpoint sa mga barangay road at kahabaan ng highway.

Nito nga lamang Lunes dakong alas-8:45 ng umaga, dalawang lalaki ang naaresto ng grupo ni PSI Fernando Cueto Reyes III sa Brgy. Concepcion Palasan, lulan ng isang itim na Racal motorcycle na walang plaka.

Ang mga ito ay nakilalang sina, Anselmo Lagi Gutierrez alias Imok, 36 years old at isang karpentero  at Librado Lagi Cueto alias Bado, 37 years old at isang mekaniko, kapwa residente ito ng nasabing barangay at parehong walang helmet ng sitahin ng pulis.

Sa puntong ito, si alias Bado ay kaagarang itinapon ang isang kulay pulang Cherry Mobile Cellphone na nagresulta ng pagkakatanggal ng takip nito kung saan isang transparent plastic sachet ang nakita at agad na kinumpiska ng awtoridad.

Dinala ang mga ito sa himpilan ng pulisya at nahaharap sa kasong Violation of RA 4136 at Violation of Sec. 11 Art. II ng RA 9165 habang ang nakumpiskang ebidensya ay itinurn-over sa Quezon Crime Laboratory sa Camp Guillermo Nakar, Lucena City para sa Laboratory examination.


Ang kampanya laban sa Illegal Drugs ay magpapatuloy at mas palalakasin sa ilalim ng pamumuno ni Police Supt. Harold P Depositar, kung saan personal niyang pinupuntahan at kinakausap ang mga kapitan ng mga barangay kasama ang mga tanod at iba pa upang humingi ng suporta sa kampanyang ito, ganundin ang pagbisita sa mga establisyemento para sa Peace and Order.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Thursday, July 30, 2015

IKA-5TH PRO4A at 2ND BPATs DISASTER PREPAREDNESS AND RESPONSE DRILL COMPETITION ISINAGAWA

Bilang Selebrasyon sa “Police Community Relations (PCR) Month“ tuwing hulyo kada taon alinsunod sa Presidential Proclamation No. 783, nagsagawa ng isang programa kamakalawa  sa isang Resort sa bayan ng Sariaya Quezon ang mga kapulisan mula sa iba’t ibang lalawigan (PRO4A CALABARZON-Provincial Police Office) gaya ng Calamba PPO, Laguna PPO, Batangas PPO, Rizal PPO, Quezon PPO at iba pa mula sa Regional Office, may tema itong: Matibay na Ugnayan ng Mamamayan at Pulisya, Simbolo ng Kapayapaan at Kaunlaran ng Sambayanan”.

Ang buwan din na ito ay ang Annual Observance ng National Disaster Consciousness Month (NDCM) na may temang: “Pamilya at Pamayanang Handa, Katuwang sa Pag-unlad ng Bansa” at ang nabanggit na programa ay nilahukan rin ng ilang rescue team mula sa barangay, kung saan ito ang ika-5th PRO4A and 2nd BPATs Disaster Preparedness and Response Drill Competition (Search and Rescue Operation) na isinagawa.

Dumalo din ang Regional Chief Directorial Staff, OIC, Regional Police Community Relations Division-Police Supt. Annie Nivadura MontaƱez, ilang Police Commissioned Officers, PNCOs, NUPs, Chief PCR Branch ng iba’t ibang Provincial Police Office, BPATs Participants mula sa limang probinsya ng CALABARZON, kasama rin ang mga kinatawan ng bayan ng Sariaya, mula sa representative ng Municipal Mayor at nandon din ang kinatawan ng Sariaya Municipal Police sa pamumuno ni Police Supt. Harold P Depositar, PO3 Pedrito P Mendoza at iba pang Police Officers.

Bukod sa kasiyahan layunin din ng nasabing programa na magkaroon ng maayos na pakikipag-ugnayan ang mga kapulisan hindi lamang sa mga mamamayan kundi maging sa iba pang grupo na sumasaklolo rin sa oras ng panganib kapag merong sakuna gawa man ito ng tao o kalikasan.


Sa nasabing kompetisyon sa Search and Rescue Operation, nagkaroon ng aktibidad sa tabing dagat (buhanginan) kung saan ang bawat grupo ay nagpamalas ng kanilang abilidad, bilis, lakas at taktika ng pamamaraan ng kanilang pagsasagawa ng pagre-rescue, gaya ng pagtakbo ng malayo dala ang hagdanang bakal, paghagis ng timbulan o anumang maaaring gamitin ng nalulunod, maging ang pagtatali ng lubid at ilan pang mga first aid o paunang lunas.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Wednesday, July 29, 2015

2 SASAKYAN NAGKISKISAN SA HIGHWAY

Sariaya Quezon - Dalawang sasakyan ang nagkakiskisan sa kahabaan ng Maharlika Highway noong sabado, kung saan isang Fuso Self Loader Truck na may plakang RJG-146 na minamaneho ng isang Jon jon Merle Balane ng Lalo, Tayabas Quezon at isang Fuso Wing Van Truck na may plakang TXY-244 na minamaneho ni Ariel Halum Estolas ng Parian, Calamba Laguna ang sangkot.

Ayon sa inisyal na ulat ng Sariaya Municipal Police Station isang tawag mula sa Patrol member na si PO1 Leonardo Sanggalang ang kanilang natanggap kung saan isa umanong vehicular accident ang nangyari sa Purok 4 sa Brgy. Sto. Cristo.

Binabagtas umano ng Fuso Self Loader Truck ang direksyon pasilangan at ng marating ang nabanggit na lugar ay aksidente namang nabangga at nakiskisan ng Fuso Wing Van Truck na tinatahak naman ang kabilang direksyon kung saan sinasabing nawalan umano ito ng kontrol na naging sanhi ng aksidente, naipit ang driver nito sa sasakyan at nagtamo ng physical injury, kinailangan pang alisin ito ng MDRRMC personel, kung saan pinangunahan ni Mr. Daniel Manongsong ang pagsagip.


Matapos nito agad na isinugod sa Quezon Medical Center sa Lucena City ang driver.


Reported by: Jen-jen Oblefias

RANK NO. 2 SA PRIORITY LIST NG LAMBAT SIBAT NAHULI

Sariaya Quezon - Kamakailan lang ay nahuli na ang Rank No. 2 sa Priority List ng Sariaya Municipal Police Station, bunsod ito ng pagpapaigting ng OPLAN Lambat Sibat.

Tinungo ng mga elemento ng nabanggit na istasyon ang Brgy. Turbina, Calamba City noong nakaraang biyernes, na kinabibilangan nina SPO1 Charliemagne Aldea, PO3 Fidel Gaa Jr., PO3 Rolando Andaya, PO2 Agosto De Mesa at PO1 Felix Maandal na pinangunahan ni PSI Fernando C Reyes, sa ilalim ng direktiba ni PSUPT. Harold P Depositar, dala ang isang Warrant of Arrest laban sa akusadong si Wilbert Heli Abdon, 30 years old, may asawa, walang trabaho at residente ng Brgy. Concepcion Palasan, Sariaya Quezon.

Nahaharap sa kasong Carnapping (Violation of 6539) ang suspek, na may Criminal Case No. 2013-603 na nilagdaan ni Judge Romeo Villanueva ng RTC Branch 59, Lucena City na may recommended bail bond na P180,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Dito napag-alaman na ang akusado ay inaresto ng Calauan Police Station at kasalukuyang nakakulong sa BJMP Calamba City dahil sa kasong Paglabag sa Section 11 ng RA 9165.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Thursday, June 25, 2015

MAGSASAKANG WALANG HELMET ARESTADO

Isang magsasaka na nakilalang si Arnel Tagodin Manalo ng Brgy. Lutucan 1, ang nasakote sa isinagawang Checkpoint kaugnay ng Oplan Sita ng Sariaya Municipal Police Station sa pangunguna ni PSI Fernando Cueto Reyes III.

Sakay ito ng isang itim na Honda motorcycle na may plakang DA 43307 ng sitahin ito sa checkpoint dahil sa pagmamaneho ng walang helmet, napag-alaman din na wala itong driver’s license at ng isinailalim ito sa body search ay nakuha sa pag-iingat nito ang isang kalibre 38 Colt (Paltik) na revolver na may serial number 54645 at naglalaman ng 3 bala sa chamber nito.


Matapos na walang maipakitang kaukulang dokumento ay dinakip ito ng mga pulis at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o ang “Comprehensive FAs and Ammunition Regulation Act”.


Reported by: Jen-jen Oblefias

TINDERO NG MANGA ARESTADO DAHIL SA DROGA


Sariaya Quezon - Arestado ang isang lalaki na tulak ng droga sa isang buy-bust operation ng Sariaya Municipal Police Station sa pakikipagtulungan sa PDEA4A na isinagawa sa Brgy.Gibanga, kamakailan.

Nakilala ang lalaki na si Erwin Galvez Villarba, 38 years old, may asawa, tindero ng manga at residente ng naturang barangay, nakumpiska sa suspek ang isang piraso ng Five hundred Peso (P500.00) na ginamit bilang marked money, habang ang selyadong sachet na pinaghihinalaang shabu na binili ng isang civilian poseur buyer (intel) ay narekober din.


Nahaharap sa kasong Violation of Sec. 5, Article II of RA 9165 ang suspek, habang ang pinaghihinalaang shabu na nakuha ay naipadala na sa Quezon Provincial Crime Laboratory, sa Lucena City para sa laboratory examination.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Tuesday, June 23, 2015

IMPORMASYON LABAN SA KRIMEN-SARIAYA MPS

Regular na ginagawa ng Quezon Provincial Police sa iba’t ibang bayan o munisipalidad ang patrolling para sa police visibility at checkpoints sa daan, upang maiwasan ang mga krimen sa lansangan.

Ngunit dahil sa patuloy ang iba’t ibang klase ng krimen sa komunidad na napapaloob sa Focus Crimes ng kapulisan, patuloy ang adbokasiya para sa Standard Operating Procedure (SOP) Lambat-Sibat at iba pang mga anti-crime campaign.

Isa ang bayan ng Sariaya Quezon sa ilalim ng pamumuno ni Police Supt. Eduard P Mallo, Chief of Police ng Sariaya Municipal Police Station, na nagpapahatid ng impormasyon sa pamamagitan ng pakikipag-usap o pakikipag-ugnayan sa bawat barangay.

Namimigay din ang Sariaya Police ng mga informative flyers at pamphlet sa mga establisyemento at sa ilan pang matataong lugar,  maging ang paglalagay ng poster o tarpaulin tungkol sa mga tips upang makaiwas sa krimen ay kanila ding ginawa upang tiyakin na maipapa-alam at mababasa ito ng mga tao.

Sa ginagawang monitoring ng ahensya kung ano ang nangunguna sa listahan ng mga krimen sa kanilang nasasakupan o area of responsibility doon sila nagpo-focus, ayon kay PO3 Pedrito P Mendoza ng Sariaya MPS, kung ano yung mataas ang bilang o kaso, yung tips upang maiwasan ito, ang nilalaman ng kanilang ipinamamahaging papel (booklet).

Mas magiging epektibo umano ito at makakatulong sa pamayanan, bukod sa kanilang pagpapatrolya at pagkakaroon ng police visibility, dahil hindi sa lahat ng oras ay nakikita o nababantayan ng kapulisan ang mga umaaligid na kawatan na anumang oras ay may gagawing masama sa kapwa tao.

Ilan nga sa mga nangungunang krimen ay Murder at Homicide, kung saan ang tips para maiwasan ito ay: Maging alerto sa sarili sa lahat ng pagkakataon, iwasan ang madidilim na lugar at huwag maglakad ng mag-isa sa kalagitnaan ng gabi, Umiwas sa anumang klase ng gulo na maaaring magpahamak sa sarili, dapat mapanatili ang pakikisama sa ibang tao at kung hindi maiiwasan ay mag-aral ng self-defense upang maprotektahan ang sarili.

At kung aalis naman ng bahay, dapat siguraduhing nakasara at nakakandado ang mga bintana at pintuan, kung maaari iwanang nakabukas ang ilaw sa labas lalo na sa madilim na parte ng bahay at kung walang maiiwan sa bahay, ibilin ito sa mapagkakatiwalaang tao.

Maiiwasan din ang Robbery at Theft, kung iiwasan ang paglalagay ng mga mamahaling gamit malapit sa bintana at pinto, paglalagay ng gamit sa labas ng bahay at ang hindi pagpo-post (update) ng impormasyon sa social media tungkol sa inyong lakad.

Makakatulong din ang pagkakaroon ng alagang aso bilang animal barrier o bantay.

Para naman makaiwas sa Carnapping at Motornapping, siguraduhing naka-lock ang inyong sasakyan at ligtas ang lugar na pag-iiwanan nito.

Kung sa harap ng bahay magpa-park ng motor, lagyan ito ng kadena at kung may gate, tiyaking nakasarado ito at hindi mapapasok, kung nagmamaneho iwasan ang paghinto sa mga isolated na lugar gaya ng madilim at hindi matataong lugar.

Huwag ding bigyang pansin ang mga estranghero lalo na at kahina-hinala ito, dahil ilan sa mga modus ng mga masasamang loob, ang kunwari ay hihingi ng tulong. Kung hahabulin kayo ay kaagad magtungo sa pinakamalapit na istasyon ng pulis.

At ang pinaka-importante ay meron kayong police hotline o emergency number na nakasave sa inyong phonebook sakaling kailanganin ang tulong.


Tiyakin din na laging may load ang inyong mobile phone, lalo na kung bibiyahe.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Wednesday, June 10, 2015

DRUG PERSONALITIES SA MAUBAN QUEZON, ARESTADO

Huli sa aktong pagbebenta ng droga ang dalawang Ranking Drug Personalities sa listahan ng Mauban Municipal Police Station, sa ginawang Buy –Bust Operation kamakailan ng mga elemento ng kapulisan, sa ilalim ng pamumuno ni Police Senior Inspector Jaytee Galang Tiongco, sa Barangay Mabato Mauban Quezon.

Kinilala ang mga suspek na sina Harold Condonar Edilloran @ Upaw, (Ranked Nr 1 sa Top 10 Drug Personalities) 33 years old, may asawa at naninirahan sa Barangay Soledad at si Joriel Enpensando Oliveros @ liit, (Ranked Nr 57 sa Drug’s watch list), 22 taong gulang, binata at residente ng Barangay Mabato. Kapwa walang trabaho ang dalawa.

Narekober naman mula sa confidential agent, ang isang (1) maliit na selyadong transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, habang ang marked money na P500.00 (serial number AE487152) ay nakuha kay @ Upaw.

Samantala sa patuloy na pag-search ng mga pulis ay nakumpiska pa ang dalawang (2) sachet ng shabu, 1 leather brown coin purse, cash money (P900.00) at isang Motorcycle Zusuki Skydrive, na may plakang 8901 XI na kulay puti at asul kasama ang susi nito.


Kaagad namang dinala ang mga nahuli sa istasyon ng pulisya, matapos maipaliwanag sa mga ito ang kanilang constitutional rights sa ilalim ng RA 7438 o Miranda Doctrine.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Tuesday, June 9, 2015

PALARONG PAMBAYAN HINDI LAMANG PARA SA LIBANGAN, KONTRA BISYO DIN!



Tradisyon ng ituring ang Palarong Pambayan sa Sariaya Quezon. Kada taon itong isinasagawa upang pagkalibangan ng mga kabataan at ng mga taga rito. 

Ang Sports Development Program ay parte ng governance and development agenda ng kasalukuyang administrasyon ng Munisipalidad ng Sariaya sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Rosauro V. Masilang kung saan ang inisyatiba nito ay ma-develop ang kakayanan ng Sariayahing Atleta bilang preparasyon sa iba’t iba at marami pang kompetisyon ng laro.

Aktibong nakikilahok ang mga manlalaro dito sa provincial at sub-regional sports competition, gaya ng Gov. David C. Suarez Cup at Basketball Invitational Championship.

Ayon sa dating Sports Coordinator dito na si Mr. Simeon “Dyun” Abanador, ang “1st Mayor Boyet V. Masilang and Sangguniang Bayan Cup” ay nagsimula noong taong 2008.

Tatlong laro ang naging competition ngayon, ang Basketball Tournament ay may limang division: Elementary at Junior Division, Senior Division, Inter-Agency at Balik Laro), habang ang Volleyball Tournament naman ay may apat na Division: Elem. at Junior Division, Kababaihan at Senior Division.

Sa Dart Tournament naman ay may: Four Man Team Event (no age limit) at Junior Single Event (16 years old and below).

Naging matagumpay ito sa pagtutulungan ng mga kalahok at mga opisyal ng laro gaya ng Head of Technical Committee na si Father Arnel Galeon, Punong Barangay Nelson Dimailig (Basketball Commissioner), Kapitan Aristeo “Aris” Ilao (Overall Chairman), Elmer Maranan (Tournament Director), Willy Labitoria (Head Table Official) at Municipal Sports Coordinator na si Mr. Hermie Lagrazon (Volleyball Commissioner). 

Champion sa nakaraang Sports Event sa Basketball ang Sampaloc 2 para sa Senior at Elementary Division , Most Valuable Player (MVP) si R. Atienza (Sr. Div.) at Fajarda (Elem. Div.) 

Team Sucgang Trucking Services naman ang kampeon sa Junior Division, kung saan ang MVP ay si CJ Abanador habang si Evan Enriquez ng nanalo ring grupong Black Mamba ang MVP naman sa Balik-Laro Division.

Samantala, Sariaya Trail Riders ang Champion sa Inter-Agency Division, na ang MVP ay si Angel Titic.

Bukod sa kasiyahan ng mga manlalaro at sa inisyatibo ng Lokal na pamahalaan na linangin o ma-develop ang physical, mental at psychological health ng mga manlalaro, ang mailayo sa mga maling gawain, bisyo at ang maiiwas sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot (drugs) ang mga kabataan, ay isa pa sa adhikain ng Palarong Pambayan.


Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS