Tuesday, June 23, 2015

IMPORMASYON LABAN SA KRIMEN-SARIAYA MPS

Regular na ginagawa ng Quezon Provincial Police sa iba’t ibang bayan o munisipalidad ang patrolling para sa police visibility at checkpoints sa daan, upang maiwasan ang mga krimen sa lansangan.

Ngunit dahil sa patuloy ang iba’t ibang klase ng krimen sa komunidad na napapaloob sa Focus Crimes ng kapulisan, patuloy ang adbokasiya para sa Standard Operating Procedure (SOP) Lambat-Sibat at iba pang mga anti-crime campaign.

Isa ang bayan ng Sariaya Quezon sa ilalim ng pamumuno ni Police Supt. Eduard P Mallo, Chief of Police ng Sariaya Municipal Police Station, na nagpapahatid ng impormasyon sa pamamagitan ng pakikipag-usap o pakikipag-ugnayan sa bawat barangay.

Namimigay din ang Sariaya Police ng mga informative flyers at pamphlet sa mga establisyemento at sa ilan pang matataong lugar,  maging ang paglalagay ng poster o tarpaulin tungkol sa mga tips upang makaiwas sa krimen ay kanila ding ginawa upang tiyakin na maipapa-alam at mababasa ito ng mga tao.

Sa ginagawang monitoring ng ahensya kung ano ang nangunguna sa listahan ng mga krimen sa kanilang nasasakupan o area of responsibility doon sila nagpo-focus, ayon kay PO3 Pedrito P Mendoza ng Sariaya MPS, kung ano yung mataas ang bilang o kaso, yung tips upang maiwasan ito, ang nilalaman ng kanilang ipinamamahaging papel (booklet).

Mas magiging epektibo umano ito at makakatulong sa pamayanan, bukod sa kanilang pagpapatrolya at pagkakaroon ng police visibility, dahil hindi sa lahat ng oras ay nakikita o nababantayan ng kapulisan ang mga umaaligid na kawatan na anumang oras ay may gagawing masama sa kapwa tao.

Ilan nga sa mga nangungunang krimen ay Murder at Homicide, kung saan ang tips para maiwasan ito ay: Maging alerto sa sarili sa lahat ng pagkakataon, iwasan ang madidilim na lugar at huwag maglakad ng mag-isa sa kalagitnaan ng gabi, Umiwas sa anumang klase ng gulo na maaaring magpahamak sa sarili, dapat mapanatili ang pakikisama sa ibang tao at kung hindi maiiwasan ay mag-aral ng self-defense upang maprotektahan ang sarili.

At kung aalis naman ng bahay, dapat siguraduhing nakasara at nakakandado ang mga bintana at pintuan, kung maaari iwanang nakabukas ang ilaw sa labas lalo na sa madilim na parte ng bahay at kung walang maiiwan sa bahay, ibilin ito sa mapagkakatiwalaang tao.

Maiiwasan din ang Robbery at Theft, kung iiwasan ang paglalagay ng mga mamahaling gamit malapit sa bintana at pinto, paglalagay ng gamit sa labas ng bahay at ang hindi pagpo-post (update) ng impormasyon sa social media tungkol sa inyong lakad.

Makakatulong din ang pagkakaroon ng alagang aso bilang animal barrier o bantay.

Para naman makaiwas sa Carnapping at Motornapping, siguraduhing naka-lock ang inyong sasakyan at ligtas ang lugar na pag-iiwanan nito.

Kung sa harap ng bahay magpa-park ng motor, lagyan ito ng kadena at kung may gate, tiyaking nakasarado ito at hindi mapapasok, kung nagmamaneho iwasan ang paghinto sa mga isolated na lugar gaya ng madilim at hindi matataong lugar.

Huwag ding bigyang pansin ang mga estranghero lalo na at kahina-hinala ito, dahil ilan sa mga modus ng mga masasamang loob, ang kunwari ay hihingi ng tulong. Kung hahabulin kayo ay kaagad magtungo sa pinakamalapit na istasyon ng pulis.

At ang pinaka-importante ay meron kayong police hotline o emergency number na nakasave sa inyong phonebook sakaling kailanganin ang tulong.


Tiyakin din na laging may load ang inyong mobile phone, lalo na kung bibiyahe.


Reported by: Jen-jen Oblefias

No comments:

Post a Comment