Monday, June 8, 2015

ILANG KUMUHA NG PENSION SA SARIAYA, NAGKAPROBLEMA



Social Pension Pay-out Day

Dumagsa ang mahigit 500 Seniors sa Sariaya Sports Complex sa araw ng pension pay-out, kung saan naipagkaloob sa kanila ang Monthly Social Pension para sa mga indigent Senior Citizens. 

Ngunit hindi lahat ng nagtungo dito ay mabilis na nakakuha ng pension dahil sa ilang problema.

Ang mga personal na tumungo, pumila at kumuha kahit hindi na kayang maglakad o mahina na ay maayos namang nabigyan, sa tulong ng tauhan mula sa Sariaya Local Government Units (LGUs).

Sa pagkuha ng pera sa kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Office na nagtungo dito, pinapipirma sila sa tapat ng kanilang pangalan (senior o representative nito).

Dito nagkaroon ng problema dahil ang ilang matatanda na personal na nagtungo ay hindi marunong magsulat pero may pirma sa kanilang Senior Citizens ID, ang ilan naman ay iba ang bayan na nakalagay at hindi Sariaya Quezon kahit pa sila ay dito nakatira sapagkat sa ibang bayan sila kumuha ng ID.

Kaya naman marami ang nagpa-rush ng ID upang mabago, sa tanggapan ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) sa araw na iyon.

Maging ang mga authorization letter na dala ng mga representative na madumi, may guri o pahi ay hindi nakalusot.

Ayon kay OSCA Head Mrs. Luisita P. Reña, kung saan sila nakatira, doon sila kukuha ng Senior Citizen ID, dahil kung kukuha sila sa ibang bayan wala sila sa master list ng mga senior doon at hindi din nila makukuha ang benepisyo para sa kanila, sapagkat hindi sila residente ng bayan na kanilang kinuhanan. 

Dagdag pa niya, ang authorization letter ay dapat na malinis at kung hindi marunong pumirma ang may-ari ng Senior ID ay huwag primahan ng anak o ng kung sinuman, kundi diitan na lamang ng thumbmark.

Samantala ang ilan sa mga hindi nakakuha o hindi kasama sa listahan ay sa susunod na pay-out na makakakuha.



Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

No comments:

Post a Comment