Thursday, June 25, 2015

MAGSASAKANG WALANG HELMET ARESTADO

Isang magsasaka na nakilalang si Arnel Tagodin Manalo ng Brgy. Lutucan 1, ang nasakote sa isinagawang Checkpoint kaugnay ng Oplan Sita ng Sariaya Municipal Police Station sa pangunguna ni PSI Fernando Cueto Reyes III.

Sakay ito ng isang itim na Honda motorcycle na may plakang DA 43307 ng sitahin ito sa checkpoint dahil sa pagmamaneho ng walang helmet, napag-alaman din na wala itong driver’s license at ng isinailalim ito sa body search ay nakuha sa pag-iingat nito ang isang kalibre 38 Colt (Paltik) na revolver na may serial number 54645 at naglalaman ng 3 bala sa chamber nito.


Matapos na walang maipakitang kaukulang dokumento ay dinakip ito ng mga pulis at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o ang “Comprehensive FAs and Ammunition Regulation Act”.


Reported by: Jen-jen Oblefias

TINDERO NG MANGA ARESTADO DAHIL SA DROGA


Sariaya Quezon - Arestado ang isang lalaki na tulak ng droga sa isang buy-bust operation ng Sariaya Municipal Police Station sa pakikipagtulungan sa PDEA4A na isinagawa sa Brgy.Gibanga, kamakailan.

Nakilala ang lalaki na si Erwin Galvez Villarba, 38 years old, may asawa, tindero ng manga at residente ng naturang barangay, nakumpiska sa suspek ang isang piraso ng Five hundred Peso (P500.00) na ginamit bilang marked money, habang ang selyadong sachet na pinaghihinalaang shabu na binili ng isang civilian poseur buyer (intel) ay narekober din.


Nahaharap sa kasong Violation of Sec. 5, Article II of RA 9165 ang suspek, habang ang pinaghihinalaang shabu na nakuha ay naipadala na sa Quezon Provincial Crime Laboratory, sa Lucena City para sa laboratory examination.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Tuesday, June 23, 2015

IMPORMASYON LABAN SA KRIMEN-SARIAYA MPS

Regular na ginagawa ng Quezon Provincial Police sa iba’t ibang bayan o munisipalidad ang patrolling para sa police visibility at checkpoints sa daan, upang maiwasan ang mga krimen sa lansangan.

Ngunit dahil sa patuloy ang iba’t ibang klase ng krimen sa komunidad na napapaloob sa Focus Crimes ng kapulisan, patuloy ang adbokasiya para sa Standard Operating Procedure (SOP) Lambat-Sibat at iba pang mga anti-crime campaign.

Isa ang bayan ng Sariaya Quezon sa ilalim ng pamumuno ni Police Supt. Eduard P Mallo, Chief of Police ng Sariaya Municipal Police Station, na nagpapahatid ng impormasyon sa pamamagitan ng pakikipag-usap o pakikipag-ugnayan sa bawat barangay.

Namimigay din ang Sariaya Police ng mga informative flyers at pamphlet sa mga establisyemento at sa ilan pang matataong lugar,  maging ang paglalagay ng poster o tarpaulin tungkol sa mga tips upang makaiwas sa krimen ay kanila ding ginawa upang tiyakin na maipapa-alam at mababasa ito ng mga tao.

Sa ginagawang monitoring ng ahensya kung ano ang nangunguna sa listahan ng mga krimen sa kanilang nasasakupan o area of responsibility doon sila nagpo-focus, ayon kay PO3 Pedrito P Mendoza ng Sariaya MPS, kung ano yung mataas ang bilang o kaso, yung tips upang maiwasan ito, ang nilalaman ng kanilang ipinamamahaging papel (booklet).

Mas magiging epektibo umano ito at makakatulong sa pamayanan, bukod sa kanilang pagpapatrolya at pagkakaroon ng police visibility, dahil hindi sa lahat ng oras ay nakikita o nababantayan ng kapulisan ang mga umaaligid na kawatan na anumang oras ay may gagawing masama sa kapwa tao.

Ilan nga sa mga nangungunang krimen ay Murder at Homicide, kung saan ang tips para maiwasan ito ay: Maging alerto sa sarili sa lahat ng pagkakataon, iwasan ang madidilim na lugar at huwag maglakad ng mag-isa sa kalagitnaan ng gabi, Umiwas sa anumang klase ng gulo na maaaring magpahamak sa sarili, dapat mapanatili ang pakikisama sa ibang tao at kung hindi maiiwasan ay mag-aral ng self-defense upang maprotektahan ang sarili.

At kung aalis naman ng bahay, dapat siguraduhing nakasara at nakakandado ang mga bintana at pintuan, kung maaari iwanang nakabukas ang ilaw sa labas lalo na sa madilim na parte ng bahay at kung walang maiiwan sa bahay, ibilin ito sa mapagkakatiwalaang tao.

Maiiwasan din ang Robbery at Theft, kung iiwasan ang paglalagay ng mga mamahaling gamit malapit sa bintana at pinto, paglalagay ng gamit sa labas ng bahay at ang hindi pagpo-post (update) ng impormasyon sa social media tungkol sa inyong lakad.

Makakatulong din ang pagkakaroon ng alagang aso bilang animal barrier o bantay.

Para naman makaiwas sa Carnapping at Motornapping, siguraduhing naka-lock ang inyong sasakyan at ligtas ang lugar na pag-iiwanan nito.

Kung sa harap ng bahay magpa-park ng motor, lagyan ito ng kadena at kung may gate, tiyaking nakasarado ito at hindi mapapasok, kung nagmamaneho iwasan ang paghinto sa mga isolated na lugar gaya ng madilim at hindi matataong lugar.

Huwag ding bigyang pansin ang mga estranghero lalo na at kahina-hinala ito, dahil ilan sa mga modus ng mga masasamang loob, ang kunwari ay hihingi ng tulong. Kung hahabulin kayo ay kaagad magtungo sa pinakamalapit na istasyon ng pulis.

At ang pinaka-importante ay meron kayong police hotline o emergency number na nakasave sa inyong phonebook sakaling kailanganin ang tulong.


Tiyakin din na laging may load ang inyong mobile phone, lalo na kung bibiyahe.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Wednesday, June 10, 2015

DRUG PERSONALITIES SA MAUBAN QUEZON, ARESTADO

Huli sa aktong pagbebenta ng droga ang dalawang Ranking Drug Personalities sa listahan ng Mauban Municipal Police Station, sa ginawang Buy –Bust Operation kamakailan ng mga elemento ng kapulisan, sa ilalim ng pamumuno ni Police Senior Inspector Jaytee Galang Tiongco, sa Barangay Mabato Mauban Quezon.

Kinilala ang mga suspek na sina Harold Condonar Edilloran @ Upaw, (Ranked Nr 1 sa Top 10 Drug Personalities) 33 years old, may asawa at naninirahan sa Barangay Soledad at si Joriel Enpensando Oliveros @ liit, (Ranked Nr 57 sa Drug’s watch list), 22 taong gulang, binata at residente ng Barangay Mabato. Kapwa walang trabaho ang dalawa.

Narekober naman mula sa confidential agent, ang isang (1) maliit na selyadong transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, habang ang marked money na P500.00 (serial number AE487152) ay nakuha kay @ Upaw.

Samantala sa patuloy na pag-search ng mga pulis ay nakumpiska pa ang dalawang (2) sachet ng shabu, 1 leather brown coin purse, cash money (P900.00) at isang Motorcycle Zusuki Skydrive, na may plakang 8901 XI na kulay puti at asul kasama ang susi nito.


Kaagad namang dinala ang mga nahuli sa istasyon ng pulisya, matapos maipaliwanag sa mga ito ang kanilang constitutional rights sa ilalim ng RA 7438 o Miranda Doctrine.


Reported by: Jen-jen Oblefias

Tuesday, June 9, 2015

PALARONG PAMBAYAN HINDI LAMANG PARA SA LIBANGAN, KONTRA BISYO DIN!



Tradisyon ng ituring ang Palarong Pambayan sa Sariaya Quezon. Kada taon itong isinasagawa upang pagkalibangan ng mga kabataan at ng mga taga rito. 

Ang Sports Development Program ay parte ng governance and development agenda ng kasalukuyang administrasyon ng Munisipalidad ng Sariaya sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Rosauro V. Masilang kung saan ang inisyatiba nito ay ma-develop ang kakayanan ng Sariayahing Atleta bilang preparasyon sa iba’t iba at marami pang kompetisyon ng laro.

Aktibong nakikilahok ang mga manlalaro dito sa provincial at sub-regional sports competition, gaya ng Gov. David C. Suarez Cup at Basketball Invitational Championship.

Ayon sa dating Sports Coordinator dito na si Mr. Simeon “Dyun” Abanador, ang “1st Mayor Boyet V. Masilang and Sangguniang Bayan Cup” ay nagsimula noong taong 2008.

Tatlong laro ang naging competition ngayon, ang Basketball Tournament ay may limang division: Elementary at Junior Division, Senior Division, Inter-Agency at Balik Laro), habang ang Volleyball Tournament naman ay may apat na Division: Elem. at Junior Division, Kababaihan at Senior Division.

Sa Dart Tournament naman ay may: Four Man Team Event (no age limit) at Junior Single Event (16 years old and below).

Naging matagumpay ito sa pagtutulungan ng mga kalahok at mga opisyal ng laro gaya ng Head of Technical Committee na si Father Arnel Galeon, Punong Barangay Nelson Dimailig (Basketball Commissioner), Kapitan Aristeo “Aris” Ilao (Overall Chairman), Elmer Maranan (Tournament Director), Willy Labitoria (Head Table Official) at Municipal Sports Coordinator na si Mr. Hermie Lagrazon (Volleyball Commissioner). 

Champion sa nakaraang Sports Event sa Basketball ang Sampaloc 2 para sa Senior at Elementary Division , Most Valuable Player (MVP) si R. Atienza (Sr. Div.) at Fajarda (Elem. Div.) 

Team Sucgang Trucking Services naman ang kampeon sa Junior Division, kung saan ang MVP ay si CJ Abanador habang si Evan Enriquez ng nanalo ring grupong Black Mamba ang MVP naman sa Balik-Laro Division.

Samantala, Sariaya Trail Riders ang Champion sa Inter-Agency Division, na ang MVP ay si Angel Titic.

Bukod sa kasiyahan ng mga manlalaro at sa inisyatibo ng Lokal na pamahalaan na linangin o ma-develop ang physical, mental at psychological health ng mga manlalaro, ang mailayo sa mga maling gawain, bisyo at ang maiiwas sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot (drugs) ang mga kabataan, ay isa pa sa adhikain ng Palarong Pambayan.


Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

CANDELARIAHING PINOY SINGING IDOL MAY KASUNOD NA EDITION

Candelaria Quezon - "Candelariahing Pinoy Medal"


Dahil sa matagumpay na Launching ng Candelariahing Pinoy Singing Idol 2015 - Teen Edition, muling pinagpaplanuhan ng Lokal na pamahalaan ng Candelaria Quezon, sa pamumuno ni Mayor Ferdinand R. Maliwanag ang susunod na edition nito.

Ginanap ito noong ika-25 ng Mayo taong kasalukuyan sa Plaza Narra na nasa loob ng Municipal Compound dito.

Ayon kay Arlyn O. Manlulu, Event Management Officer ng Serbisyong Candelariahing Pinoy, ito ang kauna-unahang pagkakataon na sinubukan nila ito upang maka-discover ng Local Talent na masasabing sariling atin (Candelariahin).

Layunin nito na malinang pa sa mas mature at magaling na singer gaya ng ilang mga matatagumpay na talent mula sa iba’t ibang probinsiya ang mga nasa edad 10 years old hanggang 14 years old na kabataan sa kanilang bayan, na maaaring mag-guest sa TV Station, na magsasabing “Ako ay Proud na Candelariahing Pinoy”.

Dagdag pa ni Manlulu, ito ay dapat isang simpleng contest lamang, “trial and error lang” ngunit sa paglipas ng mga araw nagkaroon ng progress sa mga plano, kaya naging TV Production ang nangyari, kung saan may workshop na parang “The Voice”. 

Iba ito sa ilang mga singing contest sa labas, ayon sa Event Coordinator ng Special Activities na si Mr. Noel Angelito Rigos, “Kasi very successful yung launching, kasi actually yun ay first ever, na magkaroon ng Title na Candelariahing Pinoy Singing Idol”. na sinang-ayunan din ni Mr. Erickh C. Ona, ang Supervising Admin. Officer ng naturang Special Project, dahil sa tagumpay nito.

Yung essence ng competition ay inalis bagkus isang magandang production o palabas ang nangyari at habang nago-audition ang mga bata ay hinanapan din nila ito ng iba pang skills kung saan may mga magaling tumugtog ng gitara, magaling magsayaw at iba pa.

Ibinili rin nila ang mga bata ng damit, bukod pa sa workshop o pagtraining nila sa mga ito kung paano mag-perform.

Sa 22 finalist, lima (5) ang nanalo, kung saan nakatanggap sila ng Achievement Certificate at Candelariahing Pinoy Medal.

Tinanghal na Grand Winner ang 10 taong gulang na si Marianne Denice Matugas ng Brgy. Malabanban Sur, na tumanggap ng Plaque, Musical Scholarship Award, Medal at Cash Prize na P15,000.

1st Runner Up naman si Karl Angelo Gutana, 12 yrs. old ng Mangilag Sur na tumanggap ng P12,000.  2nd Runner Up ang batang 14 yrs. old na si Regie de Luna, ng Brgy. Masalukot V na nabigyan ng P10,000.

Samantala 3rd Runner Up si Ivy Martinez (13 yrs. old) ng Brgy. Pahinga Norte na may P8,000 at 4th Runner Up naman ang taga Old Buenavista West na si Joanna Marie Urbano, 13 yrs. Old at nag-uwi ng P5,000, ang mga hindi naman pinalad ay may Consolation Prize na P1,000.

Aabangan naman ang susunod na edition na mangyayari matapos ang matagumpay na Special Project na ito ng Lokal na pamahalaan ng Candelaria Quezon.


Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

Monday, June 8, 2015

ILANG KUMUHA NG PENSION SA SARIAYA, NAGKAPROBLEMA



Social Pension Pay-out Day

Dumagsa ang mahigit 500 Seniors sa Sariaya Sports Complex sa araw ng pension pay-out, kung saan naipagkaloob sa kanila ang Monthly Social Pension para sa mga indigent Senior Citizens. 

Ngunit hindi lahat ng nagtungo dito ay mabilis na nakakuha ng pension dahil sa ilang problema.

Ang mga personal na tumungo, pumila at kumuha kahit hindi na kayang maglakad o mahina na ay maayos namang nabigyan, sa tulong ng tauhan mula sa Sariaya Local Government Units (LGUs).

Sa pagkuha ng pera sa kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Office na nagtungo dito, pinapipirma sila sa tapat ng kanilang pangalan (senior o representative nito).

Dito nagkaroon ng problema dahil ang ilang matatanda na personal na nagtungo ay hindi marunong magsulat pero may pirma sa kanilang Senior Citizens ID, ang ilan naman ay iba ang bayan na nakalagay at hindi Sariaya Quezon kahit pa sila ay dito nakatira sapagkat sa ibang bayan sila kumuha ng ID.

Kaya naman marami ang nagpa-rush ng ID upang mabago, sa tanggapan ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) sa araw na iyon.

Maging ang mga authorization letter na dala ng mga representative na madumi, may guri o pahi ay hindi nakalusot.

Ayon kay OSCA Head Mrs. Luisita P. Reña, kung saan sila nakatira, doon sila kukuha ng Senior Citizen ID, dahil kung kukuha sila sa ibang bayan wala sila sa master list ng mga senior doon at hindi din nila makukuha ang benepisyo para sa kanila, sapagkat hindi sila residente ng bayan na kanilang kinuhanan. 

Dagdag pa niya, ang authorization letter ay dapat na malinis at kung hindi marunong pumirma ang may-ari ng Senior ID ay huwag primahan ng anak o ng kung sinuman, kundi diitan na lamang ng thumbmark.

Samantala ang ilan sa mga hindi nakakuha o hindi kasama sa listahan ay sa susunod na pay-out na makakakuha.



Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS

NASA 2 MILYONG PISO NA HALAGA NG SHABU NAKUMPISKA

Arestado ang dalawang lalaki na nakilalang sina Crisanto Riel Narvaez alias Santo at Jamil Sarigala Sabdula alias Atot, matapos marekober ng mga elemento ng Calauag Municipal Police Station ang mga drug paraphernalia, 254 grams ng Shabu na nagkakahalaga ng humigit kumulang P2,997,200.00 at Cash Money, matapos maghain ng Search Warrant sa mga suspek kamakailan, sa Sitio Istasyon, Brgy. Sta. Maria Calauag Quezon.

Kasalukuyang nakakulong ang mga ito sa Lock-up jail ng naturang istasyon at nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 11 at 12 ng RA 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 



Reported by: JEN-JEN OBLEFIAS