Friday, November 14, 2014

DAHIL SA OPLAN SITA SUSPEK SA DRUGS NATIKLO SA SARIAYA

Sa pagitan ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw ang tinatayang “crime clock” o ang oras kung saan ang krimen ay madalas mangyari, base ito sa obserbasyon ng Sariaya Municipal Police Station sa kanilang nasasakupang bayan.

Nito lamang lunes (Nov. 10), ganap na ika-10:00 ng gabi ng matiklo ng Sariaya Pulis ang isang lalaking suspek sa drugs na nakilalang si Ruelito Veloso Torres, 43 anyos, tinder ng isda at residente ng Sitio Dalampasigan, Brgy. Guis-guis Talon, Sariaya Quezon.

Sa pamamagitan ng isinagawang OPLAN: Sita ng mga kapulisan sa nabanggit na bayan, naaretso ang suspek sa Eco-Tourism Road sa kanyang barangay na tinitirhan matapos sitahin habang sakay ng isang Honda XRM na motorsiklo na may plakang 1553 DL.

Habang bine-beripika ang mga kaukulang papeles ng sasakyan ay kinakitaan ito ng tuyong dahon sa kanyang kamay na pinaghihinalaang marijuana at ilang piraso ng lukot na aluminum foil na akma pa nitong itatapon.

Dahil dito agad na dinakip ang lalaki habang ang nakumpiskang ebidensya naman ay kaagad ding dinala sa Crime Laboratory para sa eksaminasyon.


Sa kasalukuyan ay nasa loob na ito ng selda habang nahaharap sa isinampang kaso ng paglabag sa Section II, Article 2 ng RA 9165 (Possession of Dangerous Drugs), kasama na ang pagmamaneho ng walang lisensya.

No comments:

Post a Comment